Mga Gintong Nakabaon: 10 Sa Pinaka Underrated Na Battles Sa FlipTop

By: Ned Castro


Mula pa nung 2010, napaka dami nang mga classic na laban na ibinigay ang FlipTop. Nandiyan ang Loonie vs. Zaito, Dello vs. Target, Sak Maestro vs. Zero Hour, Mhot vs. Sur Henyo, Shernan / M Zhayt vs. Sinio / Tipsy D, at iba pa. Ang mga duelong ito ang nag-iwan ng marka sa mga tao at patuloy pa ring pinapanood hanggang ngayon. Sa kabila ng mga sikat na battle, mayroon ding iilan na kahit gaano katindi ay hindi masyadong napapansin. Tututukan ng artikulong ito ang sampu sa pinaka underrated na sagupaan sa liga. Ito ang mga engkwentrong karapat-dapat ding magkaroon ng higit isang milyong views dahil sa husay na ipinakita ng mga makata. FlipTop game? Game!

10. Melchrist vs. Elbiz

Sa ikalawang yugto ng Isabuhay 2014, nag-harap sila Melchrist at ang kalahati ng Dos Por Dos 2013 Champions na si Elbiz. Dito nakita ang husay ni Melchrist sa delivery at mga brutal na linya. Syempre, hindi rin magpapadaig si Elbiz. Ipinamalas niya ang kanyang galing sa pag-halo ng komedya at mga seryosong bara. Ang battle na ito ay ang perpektong halimbawa ng sinasabi nilang “clash of styles”. Deserving na makuha ni Mel ang panalo, pero kung sakaling napunta ito kay Elbiz, wala ring magrereklamo.


9. Batas vs. Dopee
Isa nanamang underrated na duelo mula sa Isabuhay 2014. Ito ang unang beses kung saan ipinakita ni Batas ang kanyang panibagong istilo sa pag-laban. Nakilala si Batas sa mala-Spoken Word na delivery, pero dito niya pinatunayan na kayang kaya rin niyang pag laruan ang flow at multis. Naging back-to-back champion siya sa tournament dahil sa pagbabagong ito. Hindi rin natin maitatanggi na ito ang pinakamahusay na performance ni Dopee sa liga. Nakuha niya ang kiliti ng tao gamit ang kanyang kakaibang komedya at nag-singit din siya ng ilang mga matitinding wordplay. Panoorin niyo muli ito upang mas lalo ninyong maunawaan.


8. Frooz vs. Sayadd
Maraming mga laban sa Ahon 4 ang hindi gaanong nabigyang pansin ng madla at isa na ito. Maituturing na “complete package” ang Frooz vs. Sayadd dahil nandito ang katatawanan, teknikalan, at kaunting personalan. Kitang kita ang galing ni Sayadd sa pag-buo ng mga kakaibang anggulo habang si Frooz naman ay nag-improve sa pagsusulat. Walang duda na dito natin nasaksihan ang isang daang porsyento ng dalawang emcees.


7. Apoc vs. Sak Maestro
Dahil mas sikat talaga ang mga Tagalog battles sa FlipTop, hindi surpresa na maraming mga laban sa English Conference ang nakalimutan na. Kung nais mong balikan muli, huwag mong kalimutang panoorin itong bakbkan ni Apoc at Sak Maestro. Magaling ang paghahati-hati ni Apoc ng mga anggulo sa bawat round at dinagdagan niya rin ito ng mga epektibong wordplay at metaphors. Si Sak naman ay bumanat gamit ang kanyang signature flow at malawak na kaalaman sa lengguwahe. May ilang mga linya na dahil sa sobra nitong complex ay dapat panoorin nang ilang ulit. Iyon ang patunay na iba ang lebel ng battle na ito.


6. Plazma vs. Tantrum
Kung usapang Tectonics 3, ang unang posibleng pumasok sa isip niyo ay Zaito vs. Charron. Matindi ang laban na’yon; pero kung purong letrahan ang habol niyo, balikan niyo ang duelo ni Plazma at Tantrum. Mula sa California, nakilala si Tantrum bilang isa sa mga agresibo at teknikal na emcee sa Amerika. Magpasalamat tayo dahil kahit alam niyang maliit lang ang suporta sa English Conference dito, ipinakita pa rin niya ang kanyang galing nang walang kompromiso. Sinabayan niya ang kalaban niya sa kanyang istilo at tinuruan ang mga emcees ng tamang paraan ng pag-flow. Si Plazma, na nakilala sa “Horrorcore” na atake, ay nagpamalas ng kanyang mga pinaka-brutal na bara. Nakakabilib din nung siya ay nag double time dahil klaro pa rin ang bawat salita. “Madugo”, iyan ang salitang angkop sa battle na ito.


5. Protégé vs. Bender
Nabitin ka ba sa Plazma vs. Tantrum? Pwes ito pa isa mula sa Tectonics 3. Nagkaharap ang pinaka mabigat sa FlipTop English Conference na si Protégé at ang isa sa pinaka respedatong battle emcee sa KOTD (Canada) na si Bender. Malala man ang choke ng dating KOTD champ sa isang round, nabawi naman niya agad gamit ang multis na masasabing advanced pa rin hanggang ngayon. Kilala si Bender sa kanyang mga komplikadong rima at agresibong pag-bigkas nito, at naipakita niya dito. Sumabay si Protégé sa mga sulat ng katapat niya at gumamit din siya ng mga references na bago sa pandinig nung panahong iyon. Naging mas malupit pa ang mga linya niya dahil sa kanyang kampante at komportableng delivery. Oo nga pala, rest in peace kay Bender na pumanaw nung ika-1 ng Marso 2018. Hindi namin makakalimutan ang lahat ng naiambag mo sa eksena.


4. Cerberus vs. Lanzeta
Tipsy D vs. Sayadd ang pinaka pumatok sa Aspakan 3, pero kung tunay kang taga hanga ng liga, dapat alam mo rin na kasing lakas nito ang Cerberus vs. Lanzeta. Kahit unang laban palang niya sa FlipTop, nakuha agad ni Lanzeta ang respeto ng mga tao at mga emcees. Kakaiba ang pag-halo niya ng agresibong flow at mga teknikal na bara. Malalim din ang mga banat ni Cerberus at hindi man mabilis ang kanyang pag-bigkas, nanaig naman ang kanyang convincing na delivery. Konti lamang ang jokes dito, mas tumutok ang dalawang makata sa mga hardcore na bara. Ito ang laban na maaaring mong panoorin kapag naumay ka na sa mga purong katatawanan.


3. Kregga vs. Asser
Patibayan ng rap skills ang naganap noong nag-laban si Kregga at Asser sa ika-pitong Ahon. Gamit ang kanyang nakakamanghang flow, ipinakita ni Asser ang mga kamalian sa malalim na sulat ng kanyang kalaban. Inilabas muli ni Kregga ang malawak niyang bokabularyo, pero mas klaro na ang atake niya dito. Mula una hanggang ikatlong round, nanatiling agresibo at consistent ang dalawang emcees. Ito yung mga tipo na laban na kahit sino manalo ay ayos lang.


2. Tatz Maven vs. Marshall Bonifacio
Noong nakaraang taon lang ito nilabas, ngunit kabilang pa rin siya sa listahang ito dahil hindi pa rin umaabot ng isang milyong views. Tatz Maven vs. Marshall Bonifacio sa Pakusganay 3 ang kahulugan ng “bar fest”, o yung labang puno ng mga linyang mapapa “wow, paano nila naisip yun?” ka. Hindi man laganap ang “jokes” dito, nagpaulan naman yung dalawang emcees na samu’t saring teknikal na punchlines. Kailangan mong tutukan ang battle na ito upang makuha ang bawat reference, wordplay, at simile. Laking tulong rin na confident sila Tatz at Marshall, dito mas naging epektibo ang mga dinura nilang kataga.


1. Spade vs. Invictus
Kagaya ng Plazma vs. Tantrum sa Tectonics 3, brutal din itong engkwentro nila Spade at Invictus sa ika-apat na Unibersikulo event. Nag-bitaw ang parehong emcees ng iba’t ibang paraan kung paano paslangin ang kalaban sa marahas na paraan. Klaro ang imagery sa kanilang mga linya at iyon ang pinaka importante sa hardcore na banatan. Halos pantay din sila pagdating sa malakas na delivery. Maliban sa mga barang pang patayan, dito rin ipinamalas nila Spade at Invictus ang kanilang kakayahan sa teknikalan. Siguradong may mga hindi ka makukuha agad na wordplay sa unang panonood. Ito nga pala ang 2016 Underrated Battle of the Year ayon sa RAW Clothing. Kaya kung isa ka sa mga hindi pa nakakatuklas nito, hanapin mo na sa YouTube ngayon.

 

Pagkatapos mong panoorin ang sampung ito, siguradong marami ka pang mahahanap na underrated na laban. Kaya siguro hindi sumabog ang mga ito dahil natabunan ng mga mas inaabangang duelo o dahil hindi pa gaanong kilala ang mga manlalaro. Kaya sa susunod na pupunta ka sa videos section ng FlipTop, bigyan mo ng pagkakataon ang mga battle na wala masyadong hype. Malaki ang posibilidad na makakakita ka pa rin ng isang classic. Katumbas ito ng pag-diskubre ng kayamanang nakabaon sa ilalim ng lupa.