8 Maling Akala Tungkol Sa FlipTop

By: Anonymous Battle Emcee

Walong taong gulang na ang FlipTop Battle League, ngunit marami pa rin ang mga may maling pananaw tungkol dito. Sa comment boards pa lang, makikita mo na kung sino yung hindi pa lubos kilala ang liga. Kaya kung isa ka sa kanila, hayaan niyo kaming linawin sa inyo ang ilang mga bagay-bagay. Ito ang 8 sa mga pinaka malaking maling akala tungkol sa FlipTop.

8. Puro mura at kabastusan lang

Ayon sa mga outsider, walang aral na mapupulot sa mga laban na nagaganap sa liga. Tingin nila na pagmumura at pambabastos lamang ang alam ng mga emcee na kasali. Bagamat may ilang duelo na ganyang laman, mas marami pa rin ang nagsilbing inspirayon sa mga batang manunulat. Hindi na natin kailangan lumayo pa, panoorin mo ang mga engkwentrong katulad nila Ilaya at Emar Industriya noong Ahon 8 at tiyak magugulat ka sa makikita mo. Walang murahan o personalan na naganap, nagpamalas lang ang dalawang makata ng kanilang husay sa sariling wika. Nandiyan din sila BLKD, Kregga, Kial, Invictus, Lanzeta, at marami pang iba.

Kung pinupuna mo si Batas hanggang ngayon dahil sa kanyang pagmumura, halatang hindi ka updated sa eksena. Napaka tagal na nung huling beses niyang binanggit ang salitang “p*tangina mo!” Ipinakita rin niya sa mga nakaraang laban ang kanyang galing sa pag-flow at pag-buo ng mga kumplikadong rima na walang halong mga personal na banat. At maliban pa to sa ‘di maitatangging porsyento ng mga bulgar na salita na nagagamit sa buong tatlo tig-dalawang minutong mga berso niya. Ayaw niyo maniwala? Subukan niyong i-word count sa Office o anomang app, tapos bilangin ninyo lahat ng salitang bulgar o mura sa kabila ng lahat ng regular na salita.

7. Magulo ang mga event

Akala ng mga hindi pa nakakapanood ng live na madalas nauwi sa away ang mga event ng FlipTop, lalo na kung mainit ang mga laban. Napakalayo nito sa katotohanan. Oo, nagkaroon na ng mga gulo dati, pero iyon ay madalas sinisimulan ng mga hindi kalahok sa liga, nagaganap sa labas ng venue, at naaawat din agad. Ang mas madalas pang sangkot sa mga yan ay hindi yung mga emcee mismo kundi mga kasamahan nila. Maayos ang event hanggang ngayon at palaging umuuwi ang mga manonood ng nakangiti. Kung mayroon man mag-tangkang manggulo ulit, lagot siya sa tatay ni Frooz!

6. Mayayabang ang mga emcee

Kung hindi mo kilala ang mga FlipTop emcees sa personal, maaaring negatibo ang tingin mo sa kanila. Walang duda na agresibo kung mag-tanghal ang mga makata sa entablado, pero hindi ibig sabihin nun na sila’y salot ng lipunan kaagad. Pagbaba mula sa laban, halos lahat sa kanila ay kalmado lang at marunong pa ring rumespeto ng kapwa emcee. Makikita mo naman yan kapag nagkakamayan pagkatapos. Parte lang talaga ng laro ang pagiging mukhang mayabang. Isipin mo na lang na kung sa boksing, mananalo ka ba kapag hindi ka nanununtok? Ganyan din sa larangan ng battle rap. Importante na may kumpyansa ka.

5. Kasalanan ng mga organizer kapag late nagsisimula ang paligsahan

Sa bawat event poster ng FlipTop, palaging nakalagay kung anong oras magsisimula ang paligsahan. Hindi ito nasusunod madalas, pero walang kasalanan ang mga organizer doon. Tatlo o apat na oras palang bago ng mismong event ay nasa venue na ang bawat miyembro ng FlipTop staff. Kaya sino nga ba ang dapat sisihin kapag nagsisimula ng alas dyis o alas onse ng gabi ang event? Yung mga emcee na late.

Para siguradong wala nang magiging kompliksayon, hinihintay ni Anygma ang lahat ng mga emcee na kasali pati na rin yung mga magsisilbing hurado. Kaya kung mayroong hindi makakarating on time, mapipilitan talagang i-usog ang schedule. Sa mga battle rapper na mahilig magpa late diyan, magbago na kayo.

4. Si Anygma lang ang kumikita dito

Sa tuwing may battle na lumalagpas ng 1 milyong views o may paparating na malaking FlipTop event, madalas tayong makabasa ng mga komento na “magkaka pera nanaman si Anygma!” Oo, kumikita ang presidente sa kanyang pagpapatakbo ng liga, pero hindi lang sa kanya napupunta lahat ng pera. Binabayaran din niya ang mga kumukuha at nag-eedit ng videos, stage at lights, venue, mga bouncer, mga nagbabantay ng entrance at merch, staff meals, at siyempre mga emcees. Ang natitirang salapi naman ay para sa mga susunod pang event.

3. Sa battle rap lang nakatutok ang FlipTop

Itinayo ang FlipTop upang mas lalong mabigyan pansin ang Hiphop artists sa Pilipinas. Bagamat nakilala ito sa battle rap, marami rin itong mga event na nakatutok sa musika at iba pang element ng kultura. Isang magandang halimbawa nito ang Mindfields, kung saan nagtitipon-tipon ang mga battle emcee pati na rin ang mga hindi kasali sa liga upang magtanghal ng kanilang mga awitin. Simula nung 2017, wala na ring laban na nagaganap tuwing anibersaryo ng FlipTop. Ang gabing ito ay binubuo na ng mga matitinding sets mula sa DJ’s, beatboxers, breakdancers, at graffiti artists.

2. Dito nagsimula ang a capella format

Simula nung sumikat na ang liga, marami ang nag-akala na ito ang naka imbento ng pre-written at acapella format na laban. Sa katunuayan, mayroon nang mga ganitong klaseng duelo noong late 80’s pa sa Amerika. Mas lalo lang nakilala ang format na ito nung itinayo ang World Rap Championships at ang dating Smack ng Ultimate Rap League. Sumunod na dito ang GrindTime, King of the Dot, Don’t Flop, at FlipTop. Mahaba ang kasaysayan ng battle rap, kaya kung may bakanteng oras ka, pag-aralan mo ito upang mas lalo mong maunawaan.

1. May mga laban na luto

Hindi ka man aktibong manonood ng FlipTop, malaki ang tyansang nakabasa ka na ng mga komentong nagsasabing “luto” ang laban. Madalas nababanggit ang salitang ito kapag may battle na tingin ng karamihan ay hindi karapat-dapat ang nanalo. Umaabot pa sa punto na tinatawag agad na bias o bayaran ang liga. Mayroon ding mga nagbabanta na hindi na raw sila manonood, ngunit patuloy pa rin namang nakatutok sa mga uploads.

Ang battle rap ay isang “subjective” na artform, sinumang mananalo ay base sa personal na pananaw ng mga hurado. Dahil iba-iba tayo ng opinyon, makakakita ka talaga ng mga resultang labag sa kagustuhan mo. Maaring tagahanga ka ng komedya na style, pero mas gusto ng mga napiling hurado ang seryosong mga banat. Sa madaling salita, kung tingin mo na daya ang isang engkwentro, sisihin mo ang mga bumoto sa kalabang emcee. Wala nang kinalaman ang FlipTop diyan at lalong hindi naman nakikinabang ang liga sa pagluluto, lalo’t palagi parin naman to sinasabihang luto pa rin.



Ngayong kilala mo na nang lubos ang liga, mas lalo pa sanang lumaki ang suporta mo dito. Abangan ang mga bagong videos at events na paparating. Siguradong magiging exciting ang taong 2018 para sa ating lahat. Hanggang sa muli, mga kapatid!