FlipTop Zoning: Isang Pre-event Review

By: Anonymous Battle Emcee



Ilang araw na lang at Zoning na. Hihigitan o magiging kasing lupit kaya ito ng “Second Sight 6” na ginanap noong Marso? Malalaman lang natin yan sa araw mismo ng event. Sa ngayon, pag-usapan muna natin ang line up pati ang mga posibleng mangyayari sa bawat duelo. Mabigat ang mga kasali dito, kaya siguradong mataas ang ekspektasyon ng mga manonood.

BLKD vs. Lanzeta

Isang lirikal na laban o “bar fest” ang maaasahan natin sa bakbakan nila BLKD at Lanzeta. Mahusay ang ipinakita ni BLKD sa Uprising Royal Rumble noong Ahon 8, at kung ganun katindi ang performance niya sa Zoning, malaki ang posibilidad na siya’y manalo. Kakaiba rin si Lanzeta noong laban niya kay Pistolero. Doon niya pinatunayan na kaya niyang ipaghalo ang komedya at seryosong mga bara. Kung pananatilihin niya ang ganung stratehiya at kanyang matinding flow, posible ring makuha niya ang tagumpay.

Kregga vs. Sur Henyo

Tulad ng BLKD vs. Lanzeta, uulan ng mga mababangis na bara sa battle na ‘to. Hindi man nag-kampyeon si Sur Henyo sa 2017 Isabuhay Tournament, nakuha naman niya ang respeto ng mga manonood pati mga kapwa emcee. Sa labang ‘yon naipakita ang kanyang malaking improvement sa pag-sulat at pag-deliver. Mananalo siya sa Zoning kapag kasing lakas ng materyal niya sa Isabuhay finals ang ipapamalas niya.

Kahanga-hanga ang pagkapanalo ni Kregga kay Frooz noong Ahon 8, patunay na makamandag talaga ang teknikal niyang stilo. Siguradong gutom ulit siya sa isa pang tagumpay, kaya asahan natin ang isang daang porsyento niya. Kung walang stumble ang kanyang performance at gumamit siya ng tamang mga anggulo, siya ang magwawagi dito.

Damsa vs. Khen Magat

Mukhang mag-lalabas ulit ng “Best Flow Clashes” video ang FlipTop pagkatapos nito. Walang duda na makakarinig tayo ng mga mabibilis at matatalas na linya mula kay Damsa at Khen Magat. Malaki ang improvement ni Damsa sa pag-buo ng mga bara, kaya kung ihahalo niya yan sa mabagsik niyang flow, sa kanya na ang labang ‘to. Si Khen naman ay siguradong mas ganado ngayon dahil kailangan niyang makabawi sa tatlo niyang talo. Mas rektang mga anggulo ang dapat na gamitin niya upang makamit ang unang panalo sa FlipTop.

Thike vs. J-Skeelz

Parehong mabangis na freestyler ang mga ‘to, kaya makakaasa tayo ng ilang mga matinding off-the-top na bara. Isa pa lang talo ni J-Skeelz, pero hindi mapagkakaila na “swak” lang ang performance niya sa nakaraang dalawang laban. Dapat niyang ibalik yung stilo niya laban kay Batas upang magwagi.

Pagdating kay Thike, kailangan niyang pantayan o higitan ang malakas na stage presence ng kalaban. Kapag todo bigay ang pagsulat at pagbanat niya, malaki ang posibilidad na siya ang mananalo. Maaring alam na niya ito dahil mas gamay niya talaga ang modernong format kaysa sa kalaban.

Frooz vs. Lhipkram

Dahil matinik sa komedya sila Frooz at Lhipkram, garantisadong maghahalakhakan tayong lahat sa sagupaang ito. Malaki rin ang tsansa na babanat si Frooz ng mga masasakit na “real talk” sa isang round. Si Lhipkram naman ay magpapakita ng husay hindi lang sa pagpapatawa, kundi pati sa multis. Galing sa talo ang dalawa, kaya asahan natin na mas handa pa sila dito. Ang pinaka-consistent sa larong ito ang mag-uuwi ng tagumpay.

Romano vs. Poison13

Basta’t wala lang mag-choke sa kanila, posibleng maging classic ang engkwentro nila Romano at Poison13. Lamang si Romano pag-dating sa freestyle. Kitang-kita naman ito sa kanyang mga epektibong rebuttal sa mga nakaraan niyang duelo. Si Poison13 naman ay mas may ibabatbat kung teknikalan ang usapan. Asahan din natin na mas magiging agresibo siya dito dahil babawiin niya ang pagkatalo sa unang round ng isabuhay.

Maliban sa lirikal na banatan, walang duda na makakarinig din tayo ng maraming jokes. Magkaiba ang istilo nila sa komedya, pero tiyak na pareho ‘tong tatatak sa mga tao. Ito na siguro ang pinaka unpredictable na battle sa Zoning.

Jonas vs. Hazky

Sa jokes din mahusay sila Jonas at Hazky, kaya makakaasa tayo ng isa pang nakakatawa’t nakakatuwang laban. Undefeated pa rin si Hazky hanggang ngayon at maaring manatiling ganyan kapag consistent siya at mas maraming kakaibang anggulo sa battlie na ‘to. Kung sakaling mag-susuot siya ulit ng Hentai Kamen na costume (huwag na sana), dapat niyang i-ugnay ito sa kalaban para mas may impact. Kailangan handa siya sa mga bara ng kalaban tungkol sa gimmick niya.

Pagkatapos matalo kay Batas sa Second Sight 6, ang siguradong nasa isip ni Jonas ngayon ay makabawi. Paghahandaan niya ang battle na ‘to at posibleng magpakita rin siya ng improvement sa mga seryosohan na linya. Syempre, ipapamalas din niya ang kanyang creativity sa komedya. May tsansa siyang magwagi kung yung performance at mga hinanda niya ay kasing tindi doon sa ipinakita niya sa Grain Assault 6 (vs. EJ Power).


Magkita kita nalang tayo sa B-Side sa ika-29 ng Hunyo. Goodluck sa mga emcee at siguraduhin niyong sulit ang binayad ng mga tao. Sa mga fans na manonood live, mag-enjoy lang tayong lahat sa gabing ‘yon, at ikalat pa mga promo at ibang paraan sa pagkuha ng ticket para sa event. Sama-sama nating saksihan ang patuloy na pag-angat ng eksena. Zoning, game na!