Pre-event Review ng FlipTop Gubat 7

By: Anonymous Battle Emcee



Sa July 14, babalik ang FlipTop sa Cebu para sa ika-pitong Gubat event. Gaganapin ulit ‘to sa Cap Center, at may pitong laban na posibleng mag-iwan ng marka sa eksena. Para mas lalo pa kayong ganahan, talakayin muna natin ngayon ang matinding lineup.

Zaito vs. Range

Magaling silang dalawa sa komedya, kaya makakaasa tayo ng mga kakaibang jokes sa labang ‘to. Kailangan ni Zaito na ipakita ang buong kakayahan niya upang matahimik ang mga hindi naniniwala sa kanya. Kung matagal ka nang nanonood ng FlipTop, alam mong malupit talaga si Zaito ‘pag nag-handa siya.

Marami mang talo si Range sa liga, hindi mapagkakaila na marunong siyang mag-hype ng crowd. Yun nga lang, fan-favorite din ang katapat niya. Dapat pag-aralan niya ang mga atake ng kalaban at higitan ang mga ‘to. Magiging classic ang duelong ‘to pag pareho silang preparado.

Invictus vs. Marshall Bonifacio

Unang round palang ‘to ng 2018 Isabuhay, pero bakbakan na agad. Siguradong makakarinig tayo ng hindi lang brutal, kundi sobrang teknikal na mga linya. Ito yung tipong kailangan mong panoorin nang ilang beses para mas lalong maintindihan. Good luck na lang sa mga hurado.

Mas lamang talaga si Invictus kung sulat lang ang basehan, pero kung isasama rin ang stage presence, malaking banta si Marshall. Unpredictable na laban ang masasaksihan ng mga tao. Huwag lang sana mawala sa berso ang dalawang emcee!

Asser vs. Martin

Matindi ang mga bara ni Martin nung Ahon 8, pero dahil halata ang pagiging kabado niya, dinaig pa rin siya ni Hazky. Kung mas may kumpiyansa at mas agresibo siya sa Gubat 7, pwede niyang makuha ang una niyang panalo. Dapat isang daang porsyento ang ipakita ni Martin dahil laging preparado sa mga duelo ang kalaban niya.

Lamang si Asser kung experience ang pag-uusapan. Marami na siyang mga bigating nakatapat, at siguradong may natutunan siya sa bawat isa. Asahan natin na ipapakita niya ulit ang galing niya sa pag-flow. Dagdagan niya yan ng mas masasakit na linya at baka makuha niya ang limang boto.

LilJohn vs. Tweng

Sa mga nakapanood ng Uprising Royal Rumble, alam niyo na siguro na kaya din ni Tweng makipagbakbakan. Dehado ang kalaban ‘pag ganyan katindi ang ipapakita niya sa Gubat 7. Syempre magdadala rin siya ng mga props na gugulat sa mga tao. Makakakita kaya tayo ulit ng manikang bersyon ng kalaban niya?

Hindi dapat maliitin si LilJohn. Anuman ang magiging gimmick ni Tweng, may nakahanda na siya para diyan. Lamang din si LilJohn pag-dating sa komedya at freestyle, kita naman ‘to sa mga dati niyang laban. Parang Invictus vs. Marshall, sobrang unpredictable ng battle na ‘to.

Ejo vs. Chris Ace

Ang pagbabalik ni Ejo! Makakaapekto kaya sa kanyang performance ang matagal niyang pagkawala sa liga? Pwede itong gamiting anggulo ng kalaban, kaya dapat paghandaan niya ‘to. Sana nanatili rin yung husay niya sa tugmaan. Kung usapang multis, siya ang isa sa mga pinaka underrated sa liga.

Wala pang talo si Chris Ace at siguradong sabik siyang dagdagan ang mga panalo niya. Base sa mga una niyang laban, kitang kita na kaya niyang sabayan si Ejo sa sulatan. Isang advantage pa niya yung pagiging mas agresibo niya sa entablado. May potensyal ‘tong maging battle of the night.

J-Blaque vs. Makii

Maganda ang matchup na ‘to. Parehas silang malakas ang delivery at marunong balansehin ang mga seryoso at nakakatawang linya. Kung todo bigay silang pareho, posible ‘tong maging classic. Nakay Makii ang advantage ngayon dahil mas matagal na siya sa liga. Panoorin niyo yung laban niya kay Martin at mabibilib ka sa improvement niya. Ganunpaman, hindi niya dapat maliitin si J-Blaque. Matindi ang ipinakita niya nung nakaraang Gubat at siguradong mas ganado siya ngayon.

Munchito vs. GI

Sa wakas, magkakaroon ulit ng Bisaya Conference battle. Unang laban ‘to ni GI sa FlipTop gawa ng special pick ng liga at garantisadong maghahanda siya. Marami sa lugar niya ang nagsasabing huwag siyang tutulugan. Hindi rin basta-bastang magpapadaig si Munchito na may dalawang battle na sa FlipTop. Bagamat hindi pa siya nananalo, marami pa rin ang humahanga sa kakaibang stilo niya. Sabir in nila lalong malakas siya sa inang wika na Bisaya/Cebuano. Madalas ay kalmado siyang bumigkas, pero mabibigat pa rin ang mga bara.

May ilang araw pa bago ang paligsahan, kaya bumili ka na ng ticket. Meron ding special promo para sa mga gustong makakuha ka ng malaking discount. Makikita niyo ang detalye sa “Promos” sa taas ng website. Excited ka na ba? Kami rin! Magkita-kita tayo sa Cap Center.