Pre-event Review ng FlipTop Pakusganay 4

By: Anonymous Battle Emcee



Aktibo ang FlipTop ngayong Hulyo! Isang linggo pagkatapos ng Gubat 7, pupunta naman sila sa Davao para sa Pakusganay 4. May potensyal maging makasaysayan ‘to dahil, gaya ng event sa Cebu, solido ang lahat ng mga kasaling emcee. Tignan natin ang pitong battle na magaganap sa Cap Auditorium…

M Zhayt vs. Sak Maestro

Kapag dinala nila ang kani-kanilang A-game, baka ito ang maging isa sa pinaka malupit na laban ng taon. Naging sakit ni Sak ang hindi pag-handa sa mga duelo, pero sana ay nakaraos na siya dito. Alam naman nating lahat na mataas ang lebel niya pag-dating sa lirikalan. Kailangan lang talaga niyang maging gutom at consistent para manalo.

Pagkatapos maging kalahati ng 2017 Dos Por Dos Champions, babalik ulit si M Zhayt sa one-on-one. Preparado siya lagi sa battle at mabagsik din ang kanyang kakayahan sa freestyle. Mapupunta agad sa kanya ang boto ng mga hurado ‘pag nag-choke ang kalaban. Siguradong sasabayan din niya ang teknikal na stilo ni Sak. Exciting ‘to!

Maxford vs. Fukuda

Isa ‘to sa dalawang laban para sa 2018 Isabuhay tournament. Mabangis si Maxford sa pagpapatawa, pero huwag rin nating tulugan ang mga pamatay niyang bara. Tandaan niyo na tinalo na niya sila Kregga at Sinio. Dahil nabigo siya sa mga nakaraang tournament, posibleng mas agresibong Maxford ang makikita natin dito.

Kahit hanggang semis lang siya last year, hindi maitatanggi ang improvement ni Fukuda sa digmaan. Mas lumakas ang kanyang karakter, lirisismo, delivery, at mas may kumpyansa na siya mag-tanghal. Pwede siyang magwagi dito kung hindi siya magpapabaya.

Nikki vs. Sayadd

Ito ang halimbawa ng sinasabi nilang “clash of styles”. Si Nikki ay kilala sa mga epektibong jokes habang si Sayadd naman ay mas seryoso at batikan sa teknikalan. Nakadepende nalang sa panlasa ng mga hurado kung anong atake ang mananaig. Magkaiba man ang stilo nila, parehas silang master nito at malakas ang presensya sa entablado. Magiging dikdikan ang battle na ‘to!

Pistolero vs. Aelekz

Para rin ‘to sa unang round ng 2018 Isabuhay. Maaaring sasabihin niyo na kay Pistolero na agad ‘to, pero huwag niyong mamaliitin si Aelekz. Maganda yung pinakita niya nung nakaraang Dos Por Dos, at posibleng mas gumaling pa siya dito. Hindi na bago sa tournament na ‘to ang mga hindi inaaasahang pangyayari.

Pangatlong Isabuhay na ‘to ni Pistolero, kaya mas may advantage talaga siya pagdating sa experience. Pwede niyang makuha ang limang boto kung mananatili siyang agresibo at hindi mawawala sa berso. Makakaasa rin tayong sa kanya ng mababangis na rebuttal.

Tatz Maven vs. Sixth Threat

Hindi nakakagulat pag ito ang maging battle of the night sa Pakusganay 4. Kitang-kita sa mga nakaraang laban ni Sixth Threat na mahusay talaga siya sa pag-sulat at pag-buga ng mga multi. Si Tatz Maven naman ay palakas nang palakas sa mga teknikal na bara. Kung parehong silang handing handa, siguradong yayanig ang buong Cap Auditorium.

Rudic vs. Dosage

Parehong lirikal ang stilo, pero magkaiba ang kanilang atake. Si Rudic ay mas direkta habang si Dosage naman “unorthodox” o mas kakaiba. Anuman ang maging resulta, makakanood tayo ng bakbakan ng mga letra. Pwede rin ‘tong maging surprise battle of the night kapag buong pwersa silang pareho bawat round. Huwag rin sana makaapekto sa performance nila ang matagal nilang pagkawala sa liga.

Snob vs. Stiff

Nag-improve nang todo si Snob nung huling one-on-one na laban niya. Kung mas papalakasin pa niya ang kanyang mga bara at delivery, magiging banta siya sa kalaban. Ganun din kay Stiff na mahusay yung pinakita nung 3-way Battle sa ikalawang Pakusganay. Kailangan niyang mas klaruhin ang pag-bigkas ng mga linya para mas lalong tumama. Solidong tugmaan ang mangyayari dito!

Wala ka pa bang ticket? Bumili ka na bago pa magkaubusan. Sa line up palang, sulit na sulit na yung bayad. Nandiyan din ang special promo kung gusto mo ng espesyal na discount. I-click mo lang yung “Promos” section sa taas. Kita-kits nalang sa Davao sa July 21!