Verse 1:
Dalawampung taon, panahon na yata 'to ng pagtitino
Nais ko lang ibahagi ang mga bibihira ko lang maikibo
Mga alaalang ginto sa anuman na naging kabanata nito
Ang pag-ibig sa bawat ugnayan ang kayamanan na siyang naitatabi ko
Simula sa babaeng nagsabi sa akin na dapat ay manindigan ako
Katwiran niyang wag mong pamamarisan ang pang-iiwan ng ama mo
Maraming salamat sayo, paumanhin na rin kung napaaga ako
Eto ako't dala ko ang pangaral mo, karga ang mahal mong apo
Wala mang haligi lubos ang tyaga mo sa akin
Sa paghalili nyo na parating nariyan lang, maging sa mga t'yahin
Sa lola at nobya kong nagtiis saking perwisyong kung susumahin
Ay kasing dami rin ng sakripisyo niyong ang pasaway na 'to'y mas unawain
Mga lumaking kasabay, pinsang-buong naghiwa-hiwalay
Sa ngayong nahahagilap sa mundong magulo kung anong ikatitiwasay
Ngunit ang nasa isip ko ay marating man ang hindi akalain
Sa paglalakbay, nasa lilingunin pa rin ang magagandang tanawin
Verse 2:
Mga kababata, kasa-kasama at mga nakalaro kong kapwa pikon
Maging sa mga nakilala ko sa paggawa ng mga maling desisyon
Sa una kong subok, mga nakitawa at kakuntsabang naging saksi ning
Pa-ubo-ubo pa ko sa unang buga at pagsusuka ko sa unang inom
Kapuyatan, laging konsumisyon sa mga tanod
Mga kaklaseng kasabay kong umuwi pag tumatawid don sa bakod
Mga katrabahong ka-utangan at kapangakuan tuwing sahod
Silang mga kasangga kong sa kalokohan, nagpapakalan ng apog
Mga kasindihan kong magdamo, kabilang na ang ilang di tumino
Na sa dating halaman lang, nung nalasahan na ang kemikal
Di na nagawa pang huminto
Mga alok niyo man ay aking nabigo, nawa'y ipagpaumanhin ninyo
Sa halip, tanawin niyo na pagkasagip ang naging kapalit ng pagtanggi ko
At sa ngayon, kamustahan na lang, napabuti man o mas nalulong
Tanguhan na lang sa mga pagkakataong sa daan ay magkakasalubong
Dala ko pa rin ang naranasan ko nun, marating man ang di akalain
Higit sa destinasyon ay nasa paglingon pa rin ang magagandang tanawin
Verse 3:
Mga alaalang nasa litrato o mga imahe na nasa isip
Balik-tanaw kong tinatrato bilang mga buhay na panaginip
Na kadalasan kong sinisilip sa mga oras na matahimik
Tanging nanatili kong baon sa pabago-bagong paligid
Marating man ang kaibuturan ng mga pangarap mong kinasasabikan
Wag mong kakalimutan lahat ng nasa 'yong pinagmulang di mapapalitan
Dahil ang iyong matututunan kung sakaling dumating ka sa kasawian
Wala ka mang mapatunguhan ay mayroon ka namang mababalikan