Verse 1:
Sa pagbaba at pagbisita ko sa impyerno
Agad bumungad ang alinsangan ng disyerto
Kulay abo ang langit, itim ang lupa
Siksikan ang mga sinakripisyong itim na tupa
Bulok na bangkay ang unang umalingasaw
Nakakabaliw ang tunog na umaapaw
Tila paulit-ulit na kantang tunog panggera
Sigaw ng nagdurusa, awit ng trahedya
Samu't saring kwento ng ilang milyong kataong
Hindi magkadugo, pero lahat konektado
Sabay-sabay nagdarasal, humihingi ng tawad
At sa may tuktok ng trono, may biik na tumatawa
Manipulado niya buong sangkatauhan
Nagiging katotohanan ang kasinungalingan
Gamit ang apoy, bilang panakip ang usok
May senaryo ng parusa sa bawa't sulok:
Sa aking kaliwa, batang maralita
Napuno na ang galit nang siya ay nagbinata
Ninais pumatay pero todo sa pagpigil
Kaya sa lubid nagbigti, at inuna ang sarili
Sa gilid naman, may namumulubing nanay
Hayok sa pagmaltrato ng anak na panganay
Iniiwan mag-isa ang mga bata sa kanto
Para lang pumasok ng simbahan upang magrosaryo
Upang makinig sa bulaang propeta
Sugo ng dyos, nanunuhol ng pera
Alam mali sa tama pero wala pa ring konsensyang
Nanloloko ng panatikong asa sa himala
At sa bandang dulo, dalagang dalisay
Biktima sa panghahalay ng paring naglalaway
Bago ilaglag, inawit niya ang punebre
Sabay hila sa sanggol gamit kawit ng alambre
Verse 2:
Habang yung makasarili, walang pananagutan
Sa bulong ng demonyo sinisisi ang kasalanan
Ngunit tayo rin mismo lumikha kay Satanas
Ayon sa sarili nating imahe at larawan
Mga haring nagbubuhat ng sariling trono
Hayop ang pagtrato sa mga kayod kabayo
Mga walang pusong tusong berdugo
Sa dagat ng apoy naglalakad ang Antikristo
Kung saan nakababad ang mga walang pag-asa
At sa ilalim nalulunod ang may matinding sala
Wala nang pagtugon ang ama sa penitensya
Tuluyang kinalimutan ang kanilang eksistensya
Teroristang baliw na naaaliw sa pagsunog
Masahol pa sa trato ng sadista sa uod
Mga imaheng nakakabahala,
Mismong si Kristo, kinwestyon ang intensyon ng ama
Verse 3:
Sa panahon ng pagsubok, nananaig ang demonyo
Tuwing lindol o bagyo, sa tagtuyot at delubyo
Makikipagpatayan para lang sa pagkain
Pero tuloy lang sa pagkapit sa ngalan ng pananalig
Hindi man makakapasok sa langit ang mayaman,
Nasa impyerno na mismo ang lugmok sa kahirapan
Walang lusot sa butas ng karayom ang kamelyo
Pero ilusyon lang sa pulubi ang paraiso
Sa namamatay sa gutom na alipin ng sistema
Hindi mahalaga ang kalungkutan at saya
Ang tanging emosyon, nahahati sa dalawa
Ang pagkakaroon -- o ang kawalan -- ng pag-asa
At sa pagbaba at pagbisita ko sa impyerno
Isang buong syudad na nagmistulang imperyo
Aking napagtanto at nalutas ang misteryo:
Ang langit ay lupa at ang lupa ay impyerno