Crew's In

Crew's In: 3GS

Bagong Crew's In ulit! Ngayon naman ay malalaman natin ang kwento ng grupo 3GS.

Anonymous Staff
November 15, 2021


Ilang beses na kayong namangha sa mga laban nila sa FlipTop. Ngayon naman ay mas makikilala niyo pa sila bilang grupo. Sa bagong edisyon ng Crew’s In, nakausap namin ang ilang mga miyembro ng 3rd Generation Supremacy o “3GS”. Dito niyo malalaman ang storya ng pag-buo nila, mga paparating nilang proyekto, at marami pang iba. Game na!

1. Kailan at paano kayo nag-simula at sinu-sino ang mga kabilang dito?

Shernan: Noong panahon na nasali pa kami ng mga contest year 2012-13 dun sa rap battle na pinapalabas sa tv (TM Rapublika) dun kami naging magkakakilala nila Pistolero, M Zhayt, Dhuski, Lil John then after that (wow English) halos tropa pa rin kami magkakasama sa ibang mga shows at battle sa ibang liga hanggang sa nagpa tryouts ang FlipTop at halos lahat nakasalang at dun naisip namin na gumawa ng grupo para magkaroon lang kami ng samahan bilang mag totropa naman at ayun na nga habang tumatagal nagiging solid at marami nang nadagdag gaya nila Romano, Jking, Asser, Makii, Range, Lhipkram, Jonas, Poison 13 etc. Bale July ang pinaka month na nabuo ang 3GS di nga lang namin tanda exact date haha kaya nag cecelebrate kami any day ng July.

M Zhayt: Nagsimula kami magbuo ng group after tryouts pero bago pa nun magkakasama na kami sa mga ibang battle league at shows kagaya ng TM Rapublika, Sunugan etc. Una M Zhayt, LilJohn, Shernan, at Dhuski hanggang dumating yung mga bayaw namin sa Cebu, Mindanao, at sa ibang part pa ng luzon. May nawala, may nadagdag pero solid pa din.

Dhuski: Una sumali kami sa division ng Metro Manila kung saan nagbanggan sa audition yung 112 na kalahok sa rap battle sa channel 23 na TM Rapublika kung saan nakilala ko sila M Zhayt, Shernan, at yung di namin member na si Bogito. Si LilJohn kilala ko na since Dongalo freestyle days palang tapos di namin namalayan na habang magkakasama kami sa iba't ibang laban nabuo na ying samahan na higit pa sa pagkakaibigan. Nabuo yung grupo. Lumawak, lumawig, sumali sila sa FlipTop ako namahinga ng 1 year tapos ngayon yung grupo namin umabot na hanggang tawid dagat.

2. Bakit 3GS ang napili niyong pangalan? Ano ang ibig sabihin nito?

M Zhayt: Ako ang naka isip ng 3GS (3rd Generation Supremacy) kasi sa tingin ko kami ang pangatlong henerasyon ng FlipTop. Di ko maalala yung sinuggest ni Pistolero basta ambaduy nun.

Pistolero: Actually napagbotohan lang talaga to at nagkataon na yung naisip ni M Zhayt na 3GS or 3rd Generation Supremacy ang napili at sa kabilang banda baduy daw yung naisip kong crew ahaha.

Range: Kasi kami ang bagong henerasyon, palaban sa digmaan. 3rd Generation Supremacy.

JKing: Napili ang 3GS na pangalan dahil sa kami ang mga bagong henarasyon ng FlipTop sa panahong ito. Tama ba ko mga bayaw?

3. Sinu-sino ang mga impluwensya niyo bilang grupo? Tapos bilang indibidwal?

Sibil: Halos pare-pareho din kami, pero yung sakin nung nagsisimula ako eh sina Andrew E, DTG, DFT, BB Clan, Chinese Mafia, D-Coy, Gloc9, Konflick, Nasty mac, at karamihan ng mga Rapper na umere nung 90's to early 2000's.

Prince Rhyme: Bilang grupo siguro halos iisa lang ang naging impluwensya namin. Mga kongkreto ng hiphop! Bilang indibidwal, siguro Death Threat tapos si Gloc 9, Andrew E, at Salbakuta. Noong panahon ko madalas at paborito kong pakinggan yung mga kanta ng BrownSide, Hush One saka sila RonThug. Hanggang sa lumipas ang panahon naging impluwensya ko rin ang repablikan, 187 saka ang Stick Figgas.

Range: 187, Mike Kosa, NPA

JKing: Ako 187, Dongalo

Pistolero: Bilang grupo, para sakin wala talaga kaming naging inspiration kumbaga aim lang namin talaga maging malakas para sa isa't isa. Bilang indibidwal, local artist Kial, Mike Kosa 187, Crazy As Pinoy. International hanggang sa ngayon Bone Thugs, Joey Badass,Hopsin, J Cole, Eminem, Tupac, Kendrick.

Dhuski: Bilang grupo, wala akong maituring na impluwensya dahil sa totoo lang 3GS palang ang nakita kong grupo na solid ng ganito. May nawawala, may nadadagdag pero yung mga nag buo nananatiling nakatayo. Bilang indibidwal naman si Loonie ang iniidulo ko mapa battle or kanta. Hindi ko siya inidulo para gayahin kundi para gawin kong inspirasyon.

Lhipkram: Bilang grupo, para sakin wala naman kaming impluwensya siguro kung meron man. sa bawat isa siguro dahil kumikilos naman ung grupo na nakabatay sa lahat. Makapangyarihan yung opinyon ng bawat isa. Bilang indibidwal naman, siguro malaking impluwensya ko bilang battle emcee si Loonie at mga kagrupo din.

Mackata: Ghetto Doggz, Deathrow Records, Cypress Hill, Gloc 9, Andrew E, Francis M, Floetics, Pac, Bone Thugs, Stick Figgas, Eminem, Nas

Shernan: As a group, wala naman kaming tinitignan na ibang grupo basta binuo namin to para lang sa samahan at magkaroon ng sariling crew na habang tumatagal minamahal na namin at hindi na basta grupo pamilya na. Bilang indibidwal naman, ang impluwensya ko bilang rapper marami. Eminem, Tupac, Cruzzada, DCoy basta more on gang yung galawan pero yung kanta may pinupunto like sa gobyerno, pamilya, buhay sa pang araw araw.

M Zhayt: Wala namang partikular na impluwensya yung grupo pero ako siguro nung marinig ko dati sila Andrew at Salbakuta, 26 pa lang ako pero wala pa yata akong 10 yrs old nung una akong sumabak sa freestyle battle at sumali sa mga rap contest kasama ng isa sa mga matagal na ring grupo sa pasig (Anak Ng Soldiers).

4. Ano ang hangarin niyo sa eksenang 'to?

Prince Rhyme: Panatilihin ang pagiging balanse ng eksena.

Range: Ang hangarin namin sa eksenang to e-angat ang Hiphop sa Pinas at ebahagi ang telentong binigay ng diyos.

JKing: Isa sa hangarin namin yung mabahagi yung talentong meron kami. Makapag ambag sa landas na pinili namin, palakasin ang Hiphop, at ituloy ang nasimulan ng iba.

Pistolero: Una siyempre nung hindi pa masyadong hinog yung grupo ang hangad lang is mangibabaw sa lahat bilang battle rapper. Pero siyempre habang tumatagal, gusto namin na maging succesful yung bawat isa sa napiling career o destinasyon. Mag inspire ng mga tao mapa music or battle atbp.

M Zhayt: Marami, bukod sa sumikat, maglabas ng maraming music, makaimpluwensiya din balang araw, maka inspira ng mga nagsisimula, at syempre magmarka sa kasaysayan bilang isa sa mga nag ambag sa pagpapalawak ng Hiphop hindi lang sa Pinas, kundi sa buong mundo na rin.

5. Sa dami ng mga grupo sa larangan, ano sa tingin niyo ang pinagkaiba niyo?

Sibil: Iba yung turingan namin. Mapapansin niyo sa pag uusap namin or kahit sa pictures na iba ang closeness namin sa isa't isa. PAMILYA KAMI.

Prince Rhyme: Siguro ang pinagkaiba namin sa iba yung hindi lang basta ka grupo ang tingin namin sa isa’t isa. Higit sa kaibigan at pamilya kami kung magturingan.

Shernan: Pinagkaiba namin? Hindi lang kami grupo sa Hiphop, grupo kami kahit sa labas o anumang aspeto ng buhay kahit mawala ang hiphop, 3GS kami.

Mackata: Sa tingin ko na pinagkaiba namin sa iba ay ung closeness ng bawat isa at bonding kahit magkakalayo o may mga awayan minsan na di maiiwasan. Solid pa din at andiyan pa din yung supporta sa bawat isa hndi lang sa rap kundi pati na din sa ibang bagay.

Lhipkram: Ang pinagkaiba siguro namin sa ibang grupo. Mas mahalaga samin yung bonding hehehe. Dun kami mas masaya eh. Kasi bihira lang kami mabuo. Iba't ibang lugar kame, iba't ibang yung schedule at antas namin. Kaya sa oras ng bonding doon kami nag papantay pantay. Bumababa kami sa normal na buhay. Kaya mas pinahahalagahan namin yung bonding napaka dalang lang namin magawa yun eh. Kaya sagrado yun samin. Lalo na pag may bayaw na bumaba ng Manila na galing probinsya.. At kahit wala kami sa loob ng Hiphop ganun pa din kami.

6. Anu-ano na ang mga proyekto na nilabas niyo? Yung balak pa lang?

M Zhayt: Siguro mga collaborations sa ngayon. Although medyo focus ako ngayon sa sarili kong production which is kailangan ko talagang pag tuunan ng atensyon kung gusto ko talagang may marating ang mga ginagawa ko.

Mackata: Track palang ng 3GS kasi hindi buo sa kadahilanang magkakalayo ang bawat isa. Pero ang bawat indibidwal ay busy sa mga albums nilang ilalabas o nilabas. Tulad ni M Zhayt na nakapaglabas ng album niya na pinamagatang "MODERNO" at kay Asser naman na "SILID". Yung iba naman ay naglalabas ng solo tracks at collabs sa ibang artists. Supportahan na din nila yung mga clothing line nang ibang bayaw na nirerelease.

Dhuski: Balak namin gumawa ng album na magkakasama, pero hindi pa ngayon, plano palang. Bilang indibidwal naman, malapit na ko maglabas ng clothing line na may brand name na SALBAHE STREET APPAREL. Sa katotohanan, matatapos na 'ko mag layout ng mga logos at ibang design under na din ng salbahe.

Pistolero: Yung ligang Pulo at ibang videos, pero sa future eh may mga napag uusapan na hakbang na panggulat din. So konting punas at hilot na lang may pasabog din galing samin.

Lhipkram: Music video ng grupo. Yung KAMI ANG sa probinsya. At may binuo kameng liga na Pulo kaso nahinto dahil hindi din maasikaso gawa ng kanya kanyang trabaho.

7. Ano ang mga plano (solo o bilang grupo) niyo sa mga darating na buwan o taon?

Sibil: As solo, may ilalabas akong mga bagong kanta. May mga nagawa na at may mga pending tracks. May ino-organize din akong event sa Laguna kasama ang ilang kaibigan. Hiphop event siya ginawa namin para magbigay daan sa mga bagong salta sa eksena. Rap performances, DJ's, B-Boy, Graffiti, Rap battles (written & freestyle), Beatbox battles.

Prince Rhyme: Bilang grupo – sa ngayon wala pa, pero hopefully soon magkaroon. May mga iilan kaming kantang nagawa at napagplanuhan na pero hindi kami talaga yung magkakasamang lahat. Solo – Focus lang palagi sa mga parating na oportunidad.

Range: Ang plano ko lumaban nang lumaban kahit bihirang manalo, gumawa ng kanta, gumawa ng MV.

JKing: Plano lumaban nang lumaban, mag sulat ng kanta, mag labas ulit ng music video, o mag ka album na.

Pistolero: Personally, maglalabas ako ng mga tracks na katengga kasama ilang mga bayaw. At tuloy tuloy lang.

Dhuski: Bilang grupo battle lang nang battle, kanta lang nang kanta hanggat may pagkakataon. Bilang inidibwal naman, isa ako sa nag oorganisa ng mga event dito samin sa Bulacan kung saan minsan naiimbita ang mga may pangalan na sa industriya natin tapos gumagawa kami ng bagong mixtape sa Bulacan.

Lhipkram: Bilang grupo siguro babattle lang muna nang babattle kung sino ang gusto bumattle. Mag dagdag ng miyembro. At syempre mga awit din maglabas nang maglabas. Bilang indibidwal, ganun din naman ako battle and music.

Mackata: Plano ko magtrabaho na muna at maglalabas isang track. At sulat-sulat pa din kahit nasa barko at patuloy pa din suporta sa lahat ng artist sa Pinas lalo na sa FlipTop o iba man na events.

Shernan: Plano namin magparami, magdagdag ng bago sa grupo na pwede namin matulungan battle emcee man o hindi. Plano din na maglabas ng album by group and makapag album tour pero sa ngayon medyo malabo pa pero sana soon magawa at mangyari na.

M Zhayt: Music, albums, music videos,  at kung ano ano pa na may kinalaman sa Hiphop.

8. Sa pananaw niyo, ano ang estado ng Pinoy hip-hop ngayon?

JKing: Sa ngayon, kitang kita naman na napaka lakas ng Hiphop sa Pinas lalo ng nagkaroon ng FlipTop hindi lang Pinoy dito sa Pinas, ultimo pinoy sa ibang bansa naging napakalaking inspirasyon at dinala nila hangang doon.

Pistolero: Para sakin, pagdating sa lakas ng suporta sa underground or sa battle rap ay malakas talaga pero sa kabilang banda kung susukatin yung pag intindi at pagtanggap ng lahat ay hindi pa ganun kalakas kasi para sa personal na opinion ko hindi masyado kayang seryosohin ng karamihan ang rap or hindi siya isang daang porsyentong tanggap o kilala ng madami.

Dhuski: Palagay namin, ang estado ng Hiphop ngayon ay malayo na sa dati. Ngayon, kabikabila ang taga suporta. Kabikabila din ang mga artist na lumabas tsaka ngayon one love na ang Hiphop di na uso ang angasan. Kumbaga nag matured na ang kultura.

Lhipkram: Mas malakas pa sa strong!!! Kaya napaka swerte ng ERA na to. Madali ka nalang mapapansin kesa noon. Sobrang hirap. Kaya napaka laking saludo sa lahat ng nagambag para sa kultura na to. Nag alay ng pagod, hirap, puyat para mapalakas ito. Lumawak na tayo. At nakakatuwa yun.

Mackata: Sa tingin ko lang ay lumalakas lalo kesa dati. Kasi halos punuan na kadalasan pag may events o gig. Lalo na pag rap at nababago na imahe. Dati kasi pag nagrarap sinasabi karamihan gangster2x na agad. Pag malaki damit gangster at mangugulo lang at mostly iniiwasan o d masyado napapansin. Pero ngayon makikita na sa mga mainstream yung iba dahil sa ang mainstream na mismo bumababa para makipagtulungan. At exposure dn un pra makilala at makahakot nang shows o guestings sa mga lugar2x o saan man. Pero pakyu pa din Vice Ganda.

Shernan: 101% malakas dahil noon ang hirap maging hiphop napakaliit na community tipong mapanood mo lang kahit isang beses at saglit sa tv napakasaya na, magkaroon ka lang ng video masaya na ngayon madali na ang lahat at kinikilala na maging ng mainstream, SOLID!

9. Ano ang maipapayo niyo sa mga grupong nag-sisimula palang?

M Zhayt: Kung may gusto kang marating, wag kang tumigil. Hakbang hanggat may lupa, pag tumigil ka, talo ka na.

Shernan: Maging totoo lang mga tol. Gumamit kayo ng pera para makisama wag kayong makikisama para sa pera.

Lhipkram: Wag mang hinayang sa isusugal sa kulturang ito. Bawat pagod, puyat, sakripisyo yan ang huhubog ng daan sa kanila. Respeto sa lahat at pakikisama.

Dhuski: Matuto muna kayo magpakatuta bago kayo magpaka aso. Magkaron ng pantay pantay na pagtingin sa bawat isa. Wag kayo magsisiraan at wag na wag kayo manunulot ng babae ng kagrupo niyo.

Pistolero: Wag lang magbuo alang alang sa rap, maging komportable dapat kayo sa isa't isa. Lahat nagsisimula at may pagkakaunawaan dadating pero kapag tropa mo talaga yung kasama mo maayos at maayos yan.

JKing: Wag susuko kaagad panapanahon lang, pero syempre kailangan talaga ng sipag, tyaga, pag respeto, at pag control sa sarili.

10. May mensahe ba kayo sa mga taga subaybay niyo?

Sibil: Isang solid na SALAMAT mabuhay kayo.

Prince Rhyme: Kung ano ang turing niyo samin, ganun din turing namin sa inyo.

Range: Sa mga taga subaybay ko at sa grupo ko, salamat sa inyo kahit madalas akong talo sa battle ang importante panalo ako sa inyo! Labyo!

Mackata: Sa mga sumusubay sa 3GS patuloy niyo lang at marami pa kayo aabangan sa mga bayaw. At sa mga battle, wag niyo masyado seryosohin mga pinagsasabi ng emcee yung iba diyan ay to entertain lang sa nanonood para mapasaya. Basta ganun lang lagi suportang tunay hindi lang sa 3GS kundi sa iba din na nagsisikap.

JKing: Maraming salamat palagi sa walang sawang pag suporta.

Pistolero: Relax lang kayo diyan.

Dhuski: Maraming salamat sa inyong lahat kung wala kayo, siguro wala din kami. Kayo ang nagpapabalanse ng ginagawa namin.

Lhipkram: So ayun. Maraming salamat sa suporta syempre. Para sa inyo dun tong mga ginagawa namen bilang sukli sa pagsuporta ninyo. Maraming salamat at godbless tuloy tuloy lang tayo mga chong!

Shernan: Enjoy lang at maging positibo. Sa mga may ayaw samin, wag niyo kami subaybayan kasi kung patuloy pa rin kayong nanonood samin kahit ayaw niyo eh. Nagiging hipokrito na kayo concern lang ako sa inyo ayokong niloloko niyo sarili niyo para samin.

M Zhayt: Aabang abang lang. Maglalabas ako nang maglalabas ng mga bago hanggang magsawa kayo.

11. Ano yung mga battle niyo na sa tingin niyo ay talagang nagpalakas pa ng inyong grupo? Ano tingin niyo sa mundo ng battle rap?

Sibil: Para sakin yung Dos Por Dos kalaban ko yung dalawang bayaw ko si Lhipkram at Jonas. Tingin ko dun talaga nasukat yung samahan namin kung pano namin tatanggapin yung mga masasakit na salitang ibabato. Dun ko din nalaman na sobrang nirespeto nila yung kalagayan ko. Salamat mga bayaw.

Prince Rhyme: Lahat naman yata ng battle ng 3GS solid kasi binibigay namin ang lahat. Pwera na lang sakin. Tingin ko sa battle rap? Eto yung nagpalakas pa lalo ng Hiphop sa Pinas.

Pistolero: Actually malakas ang loob ko na sabihin na halos lahat ng bayaw ay malakas talaga sa laban hindi na kailngan mag point out pa ng battle kasi bawat release niyan ay nagpapalakas sa grupo. Mundo ng battle rap? Kagaya ng sinabi ko kanina, pagdating sa suporta, malakas pero sa pagintindi hindi masyado. Pakiramdam ko kaya nagiging malakas ang suporta eh dahil natural lang sa Pinoy na mahilig manuod ng umpugan, bangayan etc pero sobrang bilang lang ang hindi rapper na nakakaintindi.

Dhuski: Para sakin wala dahil mas di hamak na malalakas mga kasama ko kesa sakin. Alam ko kasi sa sarili ko na marami pang kulang. Ang battle rap para sakin PINAG IISIPAN YAN di yung dahil gusto mo lang. Sinasapuso at sinasaisip, pinagpapaguran, at pinag pupuyatan.

Shernan: Hindi ko alam kung anong battle ko yung nagpalakas sa grupo siguro lahat ng battle na lang namin at isama mo na yung pang hi-hate samin ng iba kaya lalo kami nakikilala kumbaga habang ayaw ng ilam samin nagugustuhan kami ng karamihan. Kaya sige lang hate pa habang kumakapal pera namin wahahahaha!

Mackata: Yung mga battle na pinagsikapan at pinaghirapan sulatan at kabisahin. Bilang grupo, bawat isa sa amin sinisikap magsulat nang maayos pra makapagbigay nang magandang laban para sa lahat. Kung magchoke man o slip ups, pasensya tao lang. Tingin ko sa mundo nang battle rap ay masaya, nakaka aliw. Nakaka entertain sa mga nanonood. At marami ka pa malalaman na ibang salita na di mo pa alam. Hindi lang basta kabastusan to halo halo na. Pag nagsikap ka malaki chansa manalo matututo ka magtyaga. Parang sa buhay lang din lagi iisipin na pinaghihirapan lahat nang panalo o tagumpay sa buhay bago makamit.

12. Ano payo niyo sa mga battle emcee na nangangarap makapasok sa FlipTop?

Sibil: Tuloy lang. Walang magandang naidudulot ang pagsuko. Mahalin niyo lang yang ginagawa niyo.

Prince Rhyme: Magpakatotoo ka lang sa sarili mo. Magpalakas pa lalo syempre. Panuorin mo lahat ng mga naging laban mo sa labas ng ligang FlipTop at husgahan mo ang sarili mo kung kaya mo bang makipagpukpukan sa loob ng liga. Kasi iba dito, maski ako noon, akala ko sobrang galing ko na pero nung nakapasok ako ng FlipTop, ibang iba pala talaga dito. Puro halimaw ang nasa loob pero walang imposible lahat pwedeng mangyari, kumbaga sa basketball bilog ang bola. Goodluck mga tsong!

Range: Payo ko sa mga nangarap na makapasok sa FlipTop, alam niyo naman na ang mangarap ay libre dapat magpursige at abante lang kahit madapa man. Dahil ako nangarap din na makapasok at di ko inakalang ngayon natupad na rin.

JKing: Wag lang kayo mangarap, subukan niyo at gawin ang lahat ng makakaya. Mag pursige at wag na wag kayo papasok ng FlipTop kung alam niyong hindi pa kayo hinog dahil baka masayang lang at umulit ka ulit ka umpisa.

Pistolero: Maniwala ka lang sa sarili mo at wag mo sasayangin lahat ng pagkakataon.

Dhuski: Isa lang mapapayo ko, WAG KAYONG UNGAS. Gusto niyo makapasok ng FlipTop di naman kayo naka suporta mapa online or live. Naalala niyo lang ang FlipTop pag tryouts na. Sana maging totoo kayo sa mga sarili niyo hindi yung dahil lang naiinggit ka sa napaoanuod mo kaya ka sasali.

Lhipkram: Syempre, una sa lahat, kailangan nila muna hasain yung sarili nila sa mga ligang labas. Magpalakas. Aralin nila habang maaga. Wag mag madali. Kung alam mo sa sarili mo na may potential ka, wag ka maging kompyansa. Kailangan mo pa din aralin lahat para pag dating ng araw na gusto mo na sumampa sa FlipTop, deserving ka na sa liga. Hindi yung sasandalan mo lang ung potential mo pero lingid sa kaalaman mo marami pa palang kulang. Pano pag di ka nakuha? Baka hindi ka na magpatuloy dahil nadismaya ka.

Mackata: Maging aktibo at mag pakita ng husay at sulat na di pa nagagawa nang iba, kasi pag unique madali mapansin. Sipagan na din kasi kung magaling ka pero tamad ka at pabaya, wala din. Yun lang.

Shernan: Kung makapasok kayo sa liga, umpisa pa lang itodo mo na. Manatiling gutom at wag titigil mangarap. Kung di man palarin, marami pang bagay sa Hiphop na pwede mo pagtuuanan ang mahalaga gusto mo yung ginagawa mo.

M Zhayt:  Lahat ng bagay may tamang panahon at darating ang para sayo.

Abangan natin ang mga niluluto nilang battle, kanta, album, music video, at gigs. Maraming salamat sa 3GS para sa pag-bigay nila ng oras dito kahit marami silang ibang inaatupag.  Para sa mga update tungkol sa grupo, sundan niyo lang ang pahina nila sa Facebook. Rest in peace din pala kay LilJohn na isa sa mga maituturing na pinaka malupit mag-freestyle sa grupo. Salamat sa mga masasayang ala-ala, Oyo Boy ng FlipTop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT