Ahon 13 na! Pagusapan natin ang mga magaganap sa laban sa day 1!
Eto na ang ika-labing tatlong kabanata ng pinaka malaking event ng FlipTop! Espesyal ang Ahon na ‘to dahil pwede na ulit manood ang madla live pagkatapos ng dalawang taon. Gaya ng mga nakaraang okasyon, dalawang araw din ito at bawat duelo ay may malaking tsansang maging makasaysayan. Magaganap ito sa Disyembre 16 at 17 sa FlipTop Warehouse! Ito ang ilalagay sa Waze o Gmaps: Asuncion Badminton Center, 288. Maclang St. Cor. St., P. Guevarra St, San Juan.
Habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang mga laban. Simulan natin sa day 1. Walang tournament battle, pero siguradong mabubusog pa rin tayo sa samu’t saring stilo ng lirisismo. Humanda sa katatawanan, teknikalan, brutalan, at kombinasyon ng lahat. Wala nang pasikot-sikot pa! Simulan na natin…
Abra vs EJ Power
Laking gulat ng fans nung inanunsyo ito para sa main event ng Ahon 13! Dalawang mahusay na emcee na nagbabalik pagkatapos ng ilang taong pahinga mula sa battle rap. Kung usapang jokes at mga anggulo, si EJ Power ang lamang dito. Si Abra naman ang nananaig pagdating sa multis at flow. Ganunpaman, maaaring makakita tayo ng bago mula sa kanila dahil kilala din sila sa pag eksperimento ng kanilang sulat. Bakbakan ‘to!
Shernan vs MastaFeat
Ano kaya ang pakulo nila sa Ahon 13? Kilala si Shernan at MastaFeat sa kanilang creativity kaya siguradong kakaiba ang masasaksihan natin sa duelo nila. Asahan niyo din na gagamit sila ng costume at may tema ang kanilang engkwentro. Syempre, hindi mawawala ang kanilang epektibong komedya at rap skills. Mukhang magiging sobrang entertaining ‘to mula una hanggang ikatlong round.
Apoc vs Lhipkram
Dalawa ang pwedeng mangyari dito: purong lirikalan o paghalo ng komedya at seryosohan na bara. Anuman ang mapili nilang gawin, may tsansang maging kandidato ito para sa battle of the year. Ang kailangan lang nila iwasan ay ang mawala sa mga linya. Kung walang magchochoke, uulan ng haymakers at malulupit na tugmaan dito.
Poison13 vs Zend Luke
Hindi makukumpleto ang isang FlipTop event kung walang style clash. Mananaig kaya ang balanseng stilo ni Poison13 o ang malalim na sulatan ni Zend Luke? Parehas din silang may malakas na presensya sa entablado kaya humanda kayo sa mainit na laban. Maaaring mas lamang si Poison13 pagdating sa flow, pero kita naman sa nakaraang mga laban ni Zend Luke na mas tumitindi na rin ang paraan niya ng pagbitaw ng mga linya. Exciting ‘to!
Marshall Bonifacio vs GL
Lirisismo ba ang habol mo? Pwes, para sayo ‘to. Kaabang abang ang Marshall Bonifacion vs GL dahil maliban sa parehas silang batikan sa teknikalan, grabe din yung pinakita nila sa huling mga battle nila. Dahil Ahon ito, siguradong paghahandaan nila ang laban at mas hihigitan nila ang kanilang nakaraang performance. Goodluck nalang sa mga hurado!
Hazky vs SirDeo
Isa pang laban na garantisadong bebenta sa mga naghahanap ng komedya. Magtatapat sa Ahon 13 si SirDeo ng Bataan at Hazky ng Antipolo. Posibleng may samu’t saring gimmick sila dito, pero ang sigurado ay ang palitan ng mga kwelang linya. Hindi rin malabo na bumanat silang ng mga seryosong kataga dahil nagawa na nila ‘to dati. Nakakaexcite ang mga mangyayari!
Elbiz vs Asser
Talo man sila sa huli nilang laban, mataas pa rin ang respeto ng fans sa kanila. Grabe yung improvement na pinakita nila Elbiz at Asser ngayong taon at sa Ahon 13, tiyak na mas determinado silang magwagi. Halos pantay lang sila kung delivery at rhyme schemes ang usapan. Mas lamang si Elbiz sa jokes habang sa flow naman mas polido si Asser. Mahirap I-judge ‘to lalo kung preparado sila!
Zaki vs Plaridhel
Purong lirikalan ulit ang maaasahan niyo dito sa digmaan nila Zaki at Plaridhel. Kilala si Zaki sa kanyang malakas na delivery, pero maliban dun, hindi mapagkakaila na masakit ang bawat punchline niya. Si Plaridhel naman ang mas may unorthodox na pen game pero epektibo pa rin. Grabe yung pinakita nila ngayong taon at malamang ay mas lulupitan pa nila sa Ahon 13! Pwedeng pinaka brutal na battle ‘to ng buong event.
Manda Baliw vs Gameboy
Hanep yung debut ni Manda Baliw sa Unibersikulo 11 kaya nabigyan agad siya ng pagkakataong lumaban sa Ahon. Pumatok agad ang kanyang jokes na ginamitan niya ng epektibong “deadpan” delivery. Kaso hindi basta-basta ang kalaban niya. Kaya sumabay ni Gameboy ng Kidapawan sa komedya at mahusay din siya sa teknikalan. Malaki ang posibilidad na magiging dikit ito lalo na kung polido ang stilong ipapakita nila. Nasa panlasa ng hurado kung sino ang mananaig.
Zaito vs CNine vs C-Quence vs Prince Rhyme vs Castillo
2019 pa yung huling Royal Rumble sa FlipTop kaya exciting itong paparating sa Ahon 13. Nandito ang beterano na si Zaito, ang patuloy na nag-iimprove na si Prince Rhyme, at mga nagpakitang-gilas nung quarantine battles na sila CNine, C-Quence, at Castillo. Sa labang ‘to ay makakaasa kayo ng teknikalan, katatawanan, at nakakamanghang tugmaan. Sa madaling salita, humanda sa maaksyon na Royal Rumble!
Para sa presale, 600 pesos ang presyo ng General Admission habang 1200 pesos naman ang VIP. Kung gate o walk-in ang nais mo, 800 pesos ang halaga ng General Admission habang 1500 naman para sa VIP. Maaari ka rin bumili ng para sa dalawang araw: 1000 pesos ang General Admission habang 2000 ang VIP. Mag- PM lang sa pahina ng liga sa Facebook kung gusto mong bumili ng pre-sale tickets.
Alas kwatro ng hapon palang ay magpapapasok na ang venue at magsisimula ang paligsahan alas sais ng gabi. Oh, pano? Magkita nalang tayo sa Ahon 13 at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan. Abangan ang pre-event review ng day 2!