Track-by-track review ng album ni Freek na "I'm Freek". Ito ay nilabas nung ika-16 ng Mayo 2018.
Ang samahang Mula Etivac ay binubuo ng mga mahuhusay na makata mula sa iba’t ibang parte ng Cavite. Isa na dito ay si Freek at noong ika-16 ng Mayo 2018, nag-labas siya ng kanyang solo album na pinamagataang “I’m Freek”. Kasing lupit ba ito ng mga proyektong ng mga kasama niya sa kolektibo? Alamin natin dito sa track-by-track review.
1. Mula Etivac
Sinama ni Freek dito ang mga ka-kampo niyang sila Ejac at Sanctuz upang irepresenta ang kanilang lugar gamit ang mga mababangis na letra. Walang nasapawan sa track na ito, bawat isa ay may ipinakitang kakaibang stilo sa pag-tugma. Pinatunayan din ni Freek na mahusay siya sa pag-sulat ng koro. Siguradong mananatili sa ulo mo ang “ako nga pala ay rapper na mula Etivac, ang lugar na kung saan ay hindi pwede wack!” Medyo manipis nga lang ang beat, pero nabawi naman ng tatlong malupit na berso.
2. Ovatake
Braggadocio muli ang tema ng awiting ito na kasama sila Eyy String at Ashtro. Bakit nga ba “Ovatake” ang pamagat? Hindi lang dahil tungkol ito sa pag-sakop sa larangan, kundi dahil gumamit rin ang tatlong makata ng mga references tungkol sa kotse. Salamat sa mahusay na delivery at pag-buo ng linya ng mga emcee, maganda ang kinalabasan ng konsepto. Ipinamalas rin ni Freek sa koro ang kanyang galing sa wikang Ingles. Isa pang nagpa-bangis sa kanta ay yung boom bap beat na may Gangsta Rap na impluwensya.
3. More I Wanna Smoke
Sa titulo palang, alam mo na siguro ang tema nito. Bagamat hindi na bago ang ganitong konsepto sa local hip-hop, naging standout ang “More I Wanna Smoke” dahil sa mapaglarong mga rima at matinik na flow ni Freek. Nakatulong din ang mala-R&B na chorus pati ang swabe na beat. Tiyak na madaming sasabay dito kapag tinugtog live.
4. #Apir
Pagkakaisa sa Hiphop ang tema ng ika-apat na kanta. Positibo man ang mensahe ng #Apir, nagkaroon ito ng konting angas dahil sa mala-West Coast na instrumental at sa pag-bigkas ng mga salita. Simple lang ang tugmaan ng awiting ito, pero pinalakas ng delivery ni Freek. Garantisadong mapapa wow ka sa mga linyang tulad ng “Mga kuntaminadong musikang nakakahawa na pumapatay sa industriya kaya nakaka awa, ay lunasan, punasan, at nasan ang reseta? Nasa 'yong harap, hinihingi ang iyong suporta!”
5. I’m Free
Sa ika-limang awitin, ikwinento ni Freek ang kanyang pag-pasok sa Rap na may halong battle-oriented na mga linya. Laganap din ang mga Ingles na punchlines, isa na dito ang “I am Sirius Black in the Azkbakan of Rap! Behind bars, and this is my life homie, you decide yours!” Kitang kita ang galing ni Freek sa banyagang lenguahe na mas naging astig pa dahil sa kanyang paraan ng pag-bitaw. May pagka East Coast Hiphop naman ang beat dito, at pasok din siya sa tema ng track.
6. I Like Dat
Kung fan ka ng mga love song, walang duda na magugustuhan mo ang “I Like Dat”. Dito pinatunayan ni Freek na matindi siya sa pag-kanta ng R&B. Nasabayan niya yung instrumental ni Beatsbyfoeninth na hango sa mga tunog ng genre noong 90’s hanggang 2000’s. Gaya ng ibang mga awit sa album, magaling din ang pag-buo ng koro. Pwede mo itong ipatugtog sa anniversary niyo ng dyowa mo.
7. L.D.R. (Layo’y Di Ramdam)
Isa ulit love song na tungkol naman sa long distance relationship. Kasama ni Freek dito ang femcee na si Crown, at ginampanan nila ang nagkwe-kwentuhang mag-kasintahan na malayo sa isa’t isa. Dahil sa galing ng dalawang makata sa pag-sulat, makakabuo ka agad ng mga imahe sa ulo mo habang pinapakinggan ito. Napili rin ni Freek ang tamang beat para sa konsepto. Sa mga nasanay na sa malulungkot na love story, huwag kayong mag-alala dahil maganda ang ending nito.
8. Lango
Sa alak naman naka sentro ang pang walong awitin sa album. Habang nagpakakalasing si Freek, siya’y nagmumuni-muni tungkol sa kanyang katayuan sa eksena at personal na buhay. Matamlay ang pag-bigkas niya ng mga bara dito, pero yun ay dahil may bahid ng kalungkutan ang kanyang mga sinasabi. Malaking rin ang tinulong ng swabe na beat upang maging mas epektibo ang “Lango”.
9. About To Blow
Bumalik muli si Freek sa temang lirikalan sa About To Blow. Ang pinagkaiba naman nito ay gumamit siya ng iba’t ibang klase ng mga bomba at paputok bilang metapora sa kanyang galing tumugma. Kung tagahanga ka ng teknikalan na istilo, siguradong magugustuhan mo ito. Pinaghalo ulit ni Freek ang Tagalog at Ingles, at dahil sa kanyang delivery, nagawa niyang maganda ito sa pandinig. Maaring siyang ihalintuad kay Kemikal Ali at Don G pagdating sa mababangis na rimang Taglish. Mapapatango ka din sa beat na may Hardcore Hiphop na vibe.
10. Francis
Ang pang sampung kanta ay inaalay ni Freek sa kanyang pinaka malaking impluwensya sa pag-rap, walang iba kundi ang haring si Francis M. Siya’y nagbigay pugay sa Master Rapper at pinangako niyang mas lalakas pa ang Pinoy Hiphop. Mabibilib ka sa paggamit ni Freek ng mga kilalang album at awitin ni Sir Kiko bilang mga reference sa isang parte ng berso. Bagay na bagay rin ang beat dahil sa old school na datingan nito. Kung hindi ka masyado pamilyar kay Francis M, makikilala mo siya nang lubos dito.
11. Panaginip (Bonus Track)
Ipinakita muli ni Freek ang kanyang husay sa storytelling dito sa huling awitin ng album. Klarong klaro ang pag lalarawan niya ng pantasyang mundo sa unang dalawang berso at ang mapait na reyalidad ng buhay rapper sa ikatlo. Salamat din sa tatlong magkaibang koro, mas lalong naging malinaw ang konsepto ng “Panaginip”. Malungkot yung vibe ng tunog ni Eazybeatz, at walang duda na bumagay ito sa mga linyang ibinuga.
Konklusyon:
Mayroon nanaman bagong ipagmamalaki ang Mula Etivac. Kumpleto ang album na ito, mula sa mga hardcore na bagsakan hanggang sa mga personal na kanta. Ang mga napiling instrumental ay angkop sa mga nilalaman ng bawat awitin. Sa madaling salita, ang “I’m Freek” ay isa sa mga pinaka matinding nilabas ngayong taon. Huwag niyong tutulugan itong emcee mula sa Dasmariñas.
Kung interesado kang makabili ng kopya, maari kang mag-message sa kanyang FB page. Diyan mo rin makikita ang schedule ng kanyang mga gigs at iba pang impormasyon. Pwede mo din I-stream ang album sa kanyang pahina sa Soundcloud.