Music Reviews

K-Ram feat. Ace Cirera & Yuridope – Wala Na (Song And Music Video Review)

May bagong nilabas na obra sila K-Ram, Ace Cirera, at Yuridope. Pagusapan natin ang Wala Na.

Ned Castro
June 01, 2022


   Nilabas nung ika-21 ng Mayo 2022 sa ilalim ng Music Colony Records ang kanta nila K-Ram, Ace Cirera, at Yuridope na “Wala Na”. Sa titulo palang ay mukhang alam na agad kung tungkol saan ito. Magaling nga ba ang pagkasulat at karapat-dapat ba ang higit dalawampu’t dalawang libong views nito? Alamin dito sa aming rebyu ng awitin pati music video.

Ang kanta:

   Simulan muna natin sa tunog na nilikha ni Juss Rye ng grupong Sun Valley Crew at ngayon ay pinuno ng Music Colony Records. Unang palo palang ng beat ay mapapasabi ka na agad ng “swabe”. May pagka r&b  yung dating kaya’t bagay na bagay talaga sa tema. Walang duda na epektibo din yung piano. Dahil dito ay mas naging kaakit akit yung instrumental at mas tatatak sa isip ng mga nakikinig. Saludo kay Juss Rye! Alam niya talaga kung ano ang “vibe” na kailangan sa isang kanta. 

   Pagdating naman sa liriko, talakayin muna natin ang koro ni K-ram. Simple ang pagkasulat, pero naihatid pa rin nito nang klaro ang buod ng mga berso. Sa linyang “wala nang kilig, di na ako nabibilib sa tuwing ikaw ay kasama” palang ay masasabi mo na agad na tungkol ito sa pagtatapos ng isang releasyon. Masakit ba? Pwes, mas masakit ang mga berso. Ito ang ilan sa mga linya na siguradong mapapa “ouch” ka…

“Gusto ko lang naman ay yung hindi sapilitan

Hindi na sing tamis ng nakagawian”

- K-Ram

“Siguro nga ay tama na, palala na nang palala

Halatang hindi na sasaya”

- Ace Cirera

“Kung nagtatalo, nagaaway man tayong madalas

Baka nagaabang nalang tayo yung hawak makalas”

- Yuridope

   Oo, mahapdi yung mga kataga, pero ganito talaga ang mga binibitawang salita sa tuwing may nagaganap na hiwalayan. Ganunpaman ay nagawa pa rin ng tatlong emcee na ipamalas ang kanilang husay sa flow at paglaro sa tugma. Solido yan lalo na kay K-Ram na nakilala sa kanyang mga battle sa FlipTop. Naipakita niya dito na kayang kaya din niyang lumikha ng kanta.

Ang music video:

   Nagulat ako sa music video na dinirek ni Michael Penalosa. Maganda sa mata yung kulay bughaw na ilaw at siguradong maaalala mo yung mga tambay niyo nung high school o college dahil sa bilyaran na setting. Akala ko ay simpleng party lang yung konsepto, pero nung makita ko ang mga manekin, naging mas malalim ang eksena. Meron kaming dalawang interpretasyon dito. Una ay pwedeng pagsasadula ito ng mismong hiwalayan. Kadalasan sa ganitong mga pangyayari ay hindi muna tinatanggap ng kabilang panig ang kanilang mga nadidinig kaya kunyari ay hindi nila ito pinapansin. Pangalawa, maaaring simbolo ang mga manekin sa kakulangan ng lakas ng loob na sabihin ang tunay na nadarama sa isang relasyon. Maraming magkasintahan ang pinipiling magtiis na lamang sa toxic na relasyon upang hindi magkasakitan ng damdamin. Muli, isang malaking shout out sa mga tao sa likod ng music video nito dahil napaisip niyo kami. Sana marami pang mainspirang gumawa ng ganitong klaseng obra.

Konklusyon:

   Wag na kayo magulat kung maging hit ang kanta pati music video ng “Wala Na”. Madaling makarelate sa tema at matindi ang pinakitang rap skills ng tatlo. Maaaring pag debatehan din ang kakaibang atake ng music video. May mga ilan na nagsasabing baduy daw ang “love rap”, pero ito ang isa sa dahilan kung bakit hindi yun totoo. Kahit ano pa ang mensahe ng kanta, basta magaling ang pagkagawa ay dapat tangkilikin.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT