Muli nating balikan ang nakaraan ng Pinoy hip-hop. Eto ang mga album at mixtape na nilabas nung taong 2015!
Halina’t balikan muli natin ang nakaraan ng Pinoy hip-hop! Konti lang ang mga proyektong nilabas nung taong ‘to, pero ganunpaman, nag-iwan pa rin ng marka ang bawat isa. Eto ang mga album at mixtape na nilabas nung 2015. Malay mo may ilan pa dito na hindi mo pa naririnig. Ito’y para rin sa mga bagong pasok palang sa ating lokal na eksena. Siguradong may magugustuhan kayo dito.
Gaya ng mga nakaraang piyesa, pinili naming gawing random ang pag-lista nito. Hindi na kailangan pa pag awayan kung sino dapat ang una o huli. Huwag na natin patagalin pa. Simulan na nating mag-throwback, local hip-hop style!
Zaito – “Ganti Ng Patay”
Ilang beses niya tayong pinatawa sa FlipTop pero sa album na ‘to, pinakita naman niya ang ibang bahagi ng kanyang pagkatao. Sa “Ganti Ng Patay”, ikwinento ni Zaito ang mga samu’t saring pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay. Maririnig mo ang kanyang lungkot, galit, at saya gamit ang mga malulupit niyang tugmaan. Maliban sa kalidad na lirisismo, marami rin ang bumilib sa boom bap beats ng proyekto na ‘to.
BLKD x UMPH – “Gatilyo”
Nag-sanib pwersa si BLKD at UMPH ng Uprising Records upang gawin ang obrang pinamagatang “Gatilyo”. Kung kalabang emcee ang dinudurog niya sa battle, mga abusado sa gobyerno naman ang nilampaso ni BLKD dito. Tinalakay rin niya sa “Gatilyo” ang kagandahan ng ating bansa pati ang importansya ng pagkakaisa. Naging mas epektibo ang bawat linya sa LP na ‘to dahil sa solidong mga tunog na inambag ni UMPH.
KJah – “AGIW”
“AGIW” (Ang Gantimpalang Idinaan Sa Wika) ang pangalawang full-length album ni Kjah. Muli niyang pinatunayan dito na isa siya sa mga pinaka mahusay na emcee sa eksena. Hindi lang mga mabibigat na linya ang pinamalas niya dito, kundi pati ang makamandag na delivery niya. Iba-iba rin ang tema ng mga kanta. Merong tungkol sa pag-ibig, personal na buhay, at larangan ng musika. Siguradong mamangha ka sa husay niyang bumanat sa boom bap at trap na tunog.
GSM – “Gobasagubat”
Unang nakilala ang GSM sa kanilang kakaibang enerhiya sa entablado. Isa sila sa mga grupo na nagpasikat ng “slamman” sa mga hip-hop event. Nung bandang Nobyembre ng 2015, nilabas nila ang debut mixtape nila na nagngangalang “Gobasagubat”. Gaya ng kanilang pagtatanghal, ramdam mo rin mula simula hanggang katapusan ng proyektong ‘to ang gigil ng bawat miyembro. Mapa seryoso o pang good vibes na tema, siguradong mapapa talon ka sa mga berso pati beat na karamihan ay may impluwensya ng Rock.
Smugglaz – “Walking Distance”
Tumatak si Smugglaz dati dahil sa mabilis na pag-rap niya. Sa kanyang debut album na “Walking Distance”, pinatunayan niya na maliban sa flow ay magaling din siyang sumulat ng kanta. Halo-halo ang konsepto ng mga awitin, mula sa personal hanggang sa hardcore na bagsakan. Iba-iba din ang atake ng mga beat, pero nasabayan ni Smugglaz ang bawat isa. Kitang kita ang rap skills niya dito!
Bugoy Na Koykoy – “Supplier”
Tuloy ang pag kwento ni Bugoy Na Koykoy tungkol sa buhay kalye at paglalakbay sa eksena ng rap sa mixtape niyang “Supplier”. Hindi man “malalim” ang laman ng mga kanta sa proyektong ‘to, tumatak pa rin lahat dahil sa mga creative niyang rima. Naging mas maganda din sa pandinig ang bawat awitin dahil sa mga laidback na beat. Ito yung tipong pwede mong pakinggan habang nag mamaneho o tumatambay kasama tropa.
Ives Presko – “Track Dealer”
Swabe man ang mga beat pati delivery, walang makakatanggi na malakas pa rin ang mixtape ni Ives Presko na “Track Dealer”. Ikwinento niya dito ang buhay ng pagiging hustler sa hood at nilampaso rin niya ang mga bumabatikos sa kanya. Simple lang ang tema ng mga kanta, pero ginawang malupit pa rin ni Ives gamit ang kanyang mapaglarong istilo ng pag tugma.
Assembly Generals – “Assembly Generals”
Anong mangyayari kapag nagsama ang isang emcee at mga musikero mula sa iba’t ibang banda? Isang solidong tugtugan! Ganyan mismo ang nangyari sa self-titled debut album ng Assembly Generals. Bumanat si Switch ng mga umaapoy na berso habang si Deng naman ang nag-ambag ng mga koro gamit ang kaakit-akit niyang boses. Pag-dating sa tunog, sinigurado ng mga musikero na masasabayan nila ang matinding lirisismo. Kitang kita ang chemistry nila hanggang sa huling kanta.
Maaaring may mga nakalimutan kaming ilagay dito. Kung meron man, sabihin niyo nalang sa comments section. Nananatiling aktibo ang mga artists na nabanggit sa taas kaya sana ay patuloy niyo pa rin silang suportahan. Pakinggan ang kanilang mga obra at puntahan niyo rin ang mga gig nila. Itanong mo sa lahat ng mga nakapanood nang live at sasabihin nila na masayang experience ‘to. Dito na nagtatapos ang ating paglakbay sa 2015. Hanggang sa muli! Mabuhay ang ating eksena!