Music Reviews

Shehyee – ALL IN (Song Review)

May bagong kanta si Shehyee! Halina’t pagusapan natin ang “ALL IN”.

Ned Castro
July 23, 2024


Nung ika-28 ng Hunyo 2024 ay nilabas ni Shehyee ang kanyang bagong kanta. Ito ay siyam na buwan pagkatapos niyang iparinig ang napaka lupit na single niya na “Opo”. Kumusta nga ba itong bago niyang nilikha? Mag-iiwan ba ‘to ng marka sa lokal na hip-hop? Parte ba ‘to ng ebolusyon ni Shehyee bilang emcee? Ating i-rebyu ang “ALL IN”.

Lirisismo:
Kung yung “Opo” ay mas personal yung sentimiento, mas pang battle rap naman yung atake dito. Ilang beses na ginamit sa rap na kanta yung ganitong stilo pero sinigurado ni Shehyee na maging kakaiba pa rin. Sa “ALL IN”, bawat berso ay may sariling konsepto. Tinalakay niya sa una yung pagiging dominante niya sa mundo ng gaming na tinuloy niya sa entablado ng hip-hop. Sa pangalawa naman ay pinagyabang niya na kung dati pa niya binigay ang lahat ay baka siya na ang hinirang na panginoon ng rap. Nabanggit pa niya dito ang ilang mga rapper sa Pinas pati si Eminem! Malamang magiging kontroberysal yan sa iba. Inamin niyang nawalan siya ng gana sa gitna ng paglalakabay pero hindi na daw yun mauulit. Naging mas inspirational yung anggulo ng pangatlong berso dahil hinikayat niya ang mga nakikinig na tumodo din gaya niya sa anumang larangan. Yan yung sinasabi naming pagkakaiba ng “ALL IN” sa mga kanta na “braggadocio” yung tema. Meron itong narratibo at epektibo yung naging konklusyon.

Sa usapang tugmaan, ibang lebel si Shehyee dito. Hindi man gaanong ma-multi ay nabawi niya sa malulupit na wordplay at reference. Walang duda na sunod-sunod din yung solidong punchlines. Isa pang nakakamangha dito ay yung mapaglarong flow. Unpredictable yung paraan ng pagbuga kaya talagang tututukan mo bawat bara. Simple lang yung pagbuo koro pero ito yung mga tipong mapapa sabay ka sa live o kapag pinapakinggan mo lang kahit saan.  

Produksyon:
Si Thyro ang gumawa ng beat ng “ALL IN”. Pinatunayan niyang muli na maliban sa pag kanta ay mahusay din siya sa produksyon. Trap yung tunog nito at kahit hindi siya masyadong “groundbreaking”, siguradong mapapa tango ka. Ito yung tipong pag pinatugtog live ay magwawala ang crowd. Sinabayan ng instrumental ang agresibong stilo ni Shehyee hanggang sa katapusan ng kanta. Base naman sa rap ni Shehyee, alam mong trip niya talaga yung tunog na ‘to. Litaw ang chemistry ng emcee at producer dito. Isa sa yan sa pinaka mahalaga pagdating sa kanta.

Konklusyon: 
Kung fan ka ni Shehyee, walang duda na magugustuhan mo ‘to. Ganun din sa mga ngayon lang makakadidiskubre ng musika niya. Nakakabilib hindi lang ang lirisismo kundi ang mismong mensahe. Matutuwa ka sa pinamalas na rap ability at gaganahan ka pa magsumikap pa lalo sa anumang ginagawa mo. Saludo kay Shehyee para sa pagbuo nito. Magkaiba man ang paraan ng pagsulat nito sa “Opo” ay parehas pa rin pinakita ang matinding improvement ng 2018 Isabuhay Champion sa paglikha ng kanta. Syempre, kailangan din bigyan ng pagpupugay si Thyro para sa beat niya na garantisadong tatatak sa mga makikinig. Mapapakinggan niyo na ang “ALL IN” sa lahat ng streaming sites. Abngan niyo ang mga susunod pang proyekto ng mga artists na ‘to. Mabuhay ang Pinoy hip-hop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT