General

From An Emcee's Perspective: Mawawala Ba Ang Hate?

Posible nga bang mawala ang haters nang tuluyan? Magbibigay ng opinyon ang isang FlipTop emcee tungkol dito.

Anonymous Battle Emcee
March 17, 2022


   Kung rapper ka, malamang naranasan mo na ‘to. Yung tipong may mga makikita kang komento sa social media tungkol sayo na hindi maganda. Mumurahin ka nang todo o kaya naman sasabihin na bano ka at wag na mag-rap ulit. Ewan ko lang sa iba, pero may mga nag-kalat din ng mga maling impormasyon tungkol sakin dati. Dun talaga kumulo ang dugo ko! Nakakainis pa na wala kang magagawa dahil nagtatago lang sila sa keyboard nila.

   Sila ang mga tinatawag na “haters”. Walang ligtas sa kanilang masasakit na salita. Ultimo presidente ng Pilipinas ay nakakatanggap ng mga panlalait araw-araw. Bago ang lahat, iba ‘to sa kritisismo. Ang kritisismo ay may detalyadong (at sibilisadong) paliwanag sa kamalian mo habang ang hate ay para lang bastusin ka. Bakit nga ba may mga ganitong klaseng tao? 

   Ang madalas na sagot kung bakit may haters ay dahil inggit daw sila sayo. Posible nga naman. Puro Facebook at YouTube lang sila habang ikaw ay may ginagawang mas makabuluhan. Isang rason rin, tingin ko, ay gusto lang talaga nila mang trip. Sobrang dali gumawa ng troll account at mambatikos nang todo. Tagumpay na para sa kanila ang mambastos ng taong may pangalan na. 

   May tsansa nga ba na maglaho sila balang araw? Magkakaroon ba ng pagkakataon na gigising ka sa umaga, titingin sa PC o cellphone, at wala kang negatibo na mababasa? Pasensya na mga kapatid, pero hindi mangyayari yan. Malaya tayong lahat sa internet, kaya kung gusto nilang manlait lang nang manlait, walang makakapigil sa kanila. 

   Inaamin ko na sobrang apektado ako sa mga hate nung una. Talagang sinubukan ko mag research kung pano malaman ang address ng mga lokong ‘to (LOL). Meron pang mga nadamay sa galit ko. Tipong inaway ko bigla yung kakilala ko dahil lang kamukha niya yung profile pic ng hater ko. Nagpahinga ako ng medyo matagal sa pag battle para gumawa ng mga kanta. Akala ko safe na ako pero tuloy pa rin ang pag hirit nila.

   Nagbago ang pananaw ko nung nakausap ko sa isang event ang ilan sa mga pinaka hinahangaan ko sa Pinoy hip-hop. Sabi nila na natuwa sila hindi lang sa mga laban ko sa liga, kundi pati na rin sa aking musika. Kakaibang tuwa ang naramdaman ko nun. Hindi nagtagal ay nakakatambay ko na sila at nakakasama sa mga kanta. Ipinapaalam din nila sakin kung may mali akong ginagawa sa recording o sa battle tapos magbibigay sila ng ilang tips kung pano ma-improve ‘to.

   Napansin ko rin na sa likod ng mga hate comments ay may mga lehitimong sumusuporta. Hindi ko inakala na sila ay nabigyan ko ng inspirayon. May mga natutong mag rap at meron din mga namulat pa lalo sa kultura. Yung iba sa kanila ay nakakausap ko na sa mga gig. Para sakin, sapat na yan para balewalain ang higit isang daan na haters.

   Kaya dun sa mga nagpapaapekto pa rin sa mga lait, relaks lang mga pare at mare. Ang pagtuunan niyo nalang ng pansin ay yung mga kritisismo ng kapwa niyo emcee o yung may kaalaman talaga sa sining. Atsaka sobrang sayang sa oras pag sasagutin mo lahat ng mga nang tri-trip lang sayo. Mas nagmumukha kang ewan sa totoo lang. Tawanan mo nalang sila at ipagpatuloy ang bagay na nagbibigay sayo ng saya. Maikli lang ang buhay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT