Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Pakusganay 8

May bagong Pakusganay na paparating. Pagusapan natin ang matinding lineup na ‘to!

Anonymous Staff
November 01, 2024


Akala ng marami na wala munang Davao event ngayong taon kaya nagulat sila nung nilabas ang poster para sa Pakusganay. Ika-walong kabanata na ‘to at ito’y gaganapin sa Nobyembre 16, 2024. Classroom Bar ang magsisilbing venue. May isang Dos Por Dos2 Tournament semifinal matchup at walong non-tournament battles. Kung titignan mo ang mga emcees na kasali, mukhang magiging makasaysayan ang gabi na ‘to para sa buong eksena.

Habang hinihintay natin ang event, pagusapan muna natin ang bawat laban na mangyayari dito. Meron ka rin bang mga prediksyon? Wag mahiyang ipamahagi ito sa comments section. Simulan na natin ang pag-rebyu…

Sak Maestro vs Lhipkram
Kung ito nga talaga ang main event, pwes, matindi ‘to! Muling nagbabalik si Sak Maestro sa FlipTop at kapag siya’y naghanda, alam naman natin kung gaano siya kalupit. Kalidad na teknikalan na may kasama pang pambihirang rhyme schemes at polidong delivery ang mga armas niya sa laban. Si Lhipkram naman ay mas lalo pang lumalakas sa well-rounded na stilo at isama mo pa ang nakakasindak na presensya niya sa entablado.

Kapag walang magchochoke dito at parehas magpapakita ng A-game, humanda sa brutal na palitan ng lirisismo. Maaaring mas lamang si Sak sa palaliman ng konsepto habang si Lhip naman ang nananaig pagdating sa jokes. Halos pantay naman sila kung ang usapan ay performance at tugmaan. Nakakaexcite ‘to! 

Goriong Talas vs JR Zero
Purong letrahan ba hanap mo? Yan ang maaasahan natin sa Goriong Talas vs JR Zero. Parehas silang galing sa talo kaya siguradong babawi sila dito. Dalawa rin sila sa pinaka underrated pagdating sa teknikal na stilo. Masasabing medyo lamang si JR Zero sa flow at multis habang sa delivery at brutalan naman liyamado si Goriong Talas, Ganunpaman, expect the unexpected sa ganitong mga laban.

Mahirap sabihin kung sino ang klarong magwawagi dito lalo’t grabe silang dalawa pag parehas naka A-game. Yan nga sana ang mangyari dito at sana mas marami ring umunawa sa kanila pagkatapos nito. May potensyal din ito maging battle of the night!

Fukuda vs Emar Industriya
Mukhang brutal na sagupaan din ‘to! Hanep yung 2024 ni Emar Industriya. Mas marami na ang bumibilib sa kanyang mala balagtasan na mga kataga at napakalaki ng improvement ng kanyang performance. Ito naman ang pagbabalik ni Fukuda sa liga pagkatapos ng Ahon 14. Talo man siya nung huli, wala pa rin makakatanggi na epektibo ang delivery niya at palakas nang palakas ang kanyang materyal.

Kung palaliman ng mga letra at patindihan ng imagery, maaaring lamang dito si Emar Industriya. Pagdating naman sa rektahang punchlines at pagtagpi-tagpi ng mga anggulo, posibleng mas nananaig si Fukuda. Parehas naman silang mabangis pagdating sa presensya, kumpyansa, at pagbigkas. Kaabang-abang ‘to!

Plaridhel vs Mistah Lefty
Isang Bisaya battle para sa mga tropa natin sa Cebu! Unang salang palang ni Mistah Lefty sa FlipTop nung Gubat 13 pero ang dami na agad namangha sa pinakita niya. Patunay lang yan na total package emcee talaga siya. Hindi siya pinalad sa nakaraang battle niya kaya asahan niyong mas totodo pa siya dito. Epektibo hindi lang ang kanyang teknikal na pen game kundi pati ang kanyang tugmaan at kumpyansa sa entablado. Syempre, wag niya mamaliitin ang katapat niya.

Matagal tagal ding nagpahinga ang 2023 Isabuhay Semifinalist na si Plaridhel sa battle rap kaya kaabang-abang ang gagawin niya sa kanyang pagbabalik. Nakita naman natin ang malaking improvement ng kanyang delivery at lalo pang tumindi ang balanseng sulatan niya. Kung parehas silang totodo, magiging makasaysayang Bisaya Conference matchup ‘to walang duda.

Caspher/Hespero vs Aubrey/Marichu
Ito ang battle para sa semifinals ng Dos Por Dos2 Tournament! Grabe yung pinakita ng dalawang pares nung quarter finals. Parehas litaw na litaw ang chemistry at mabisa ang paghalo nila ng teknikalan at rektahan. Hindi rin mapagkakaila na bawat emcee ay may malakas na presensya. Wag na kayong magulat kung tapatan o higitan pa nito ang mga makasaysayang Dos Por Dos matchups nung nakaraan.

Ngayon, san nga ba sila mas lamang? Sila Caspher at Hespero ang maaring llamado pagdating sa tugmaan habang sa pagbuo ng anggulo naman sila Aubrey/Marichu. Syempre, gaya ng sabi namin sa taas, expect the unexpected pa rin sa labang ‘to. Ang sigurado ay makakakita tayong ng solidong palitan!

Dosage vs Article Clipted
Parehas batikan sa malalim na sulatan at may malawak na bokabularyo. Purong lirisismo ulit ang masasaksihan natin dito sa duelo nila Dosage at Article Clipted. Walang kupas ang leftfield na atake ni Dosage habang nagpakita naman ng mas balanseng stilo si Article Clipted nung quarterfinals ng Dos Por Dos2 Tournament. Sa delivery, parehas silang may swak na agresyon. Maaaring marami silang ipamalas na bago dito kaya wag na wag niyo ‘to tutulugan. 

Empithri vs 3RDY
Isa pang laban na may potensyal maging battle of the night! Kilala sila Empihtri at 3RDY sa kanilang hanep na wordplays, metaphors, jokes, at multis. Isama mo pa ang kanilang kumpyansa sa pagtanghal at talaga namang kaabang-abang ito. Mas agresibo bumanat si 3RDY habang si Empithri naman yung may swabe pero delikadong pagbitaw. Kung parehas preparado, tiyak na maguguluhan ang mga judges sa pagpili ng mananalo!

Sickreto vs Derekta
Ikatlong 1-on-1 battle ni Sickreto sa liga habang unang laban naman ni Derekta sa big stage pagkatapos magpakitang-gilas sa Won Minutes Mindanao nung nakaraang taon. Kaabang-abang ang duelong ‘to dahil parehas armado ng kalidad na teknikalan at mabisang agresyon. Hindi rin maitatanggi na nakakamangha ang rhyme schemes nila. Malaki ang tsansang maging dikdikan ito mula una hanggang ikatlong round kapag tumodo sila. Nakakaexcite ‘to!

JP vs Yagi
Gaya ni Derekta, galing sa Won Minutes Mindanao rin si Yagi at ito ang unang beses niyang lalaban sa big stage ng liga. Pangalawang battle naman ‘to ni JP pagkatapos ng Pakusganay 7 at dahil talo siya sa kanyang debut, malamang ay gagawin niya ang lahat para makabawi. Magandang laban ‘to dahil parehas silang creative mag-wordplay at ibang lebel ang kanilang multis. Litaw rin ang pagka polido ng delivery nila. Sana ay tumodo sila dito.

WATCH: Pakusganay 7

850 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 1,200 pesos naman ang walk-in. Limited lang ang ibebenta kaya bumili ka na ngayon na. Pwede kang mag-PM sa pahinga ng liga sa Facebook o kay Snob Darwin. Magpopost din sila ng iba pang mapagbibilhan ng pre-sale. May kasamang isang libreng FipTop beer nga pala ang isang ticket. Sulit, ‘di ba? Magbubukas ang gate ng 3PM tapos sa 5PM naman magsisimula ang programa. Oh, pa’no? Magkita nalang tayo sa Pakusganay 8, ha? FlipTop, mag-ingay! 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT