Balikan muna natin ang nakaraan. Eto ang mga Pinoy hip-hop albums at EPs na nilabas nung 2017.
Halina’t lumakbay muli sa nakaraan! Balikan natin ang mga Pinoy hip-hop na proyekto na nilabas nung taong 2017. Malay niyo baka meron pa kayong mga hindi pa nadidiskubre. Para din ‘to sa mga bagong mulat palang sa kultura na naghahanap ng karagdagang soundtrip.
Paalala lang, hindi ito mala countdown na piyesa. Random ang pag lista ng mga album at EP kaya kung magrereklamo kayo tungkol sa ranggo, masasayang lang ang oras niyo. Handa na ba kayo? Pwes, simulan na nating mag balik tanaw…
Siguradong mayayanig ang eksena kapag nagsama-sama ang mga malulupit na baguhan at beterano sa larangan. Ayan nga ang nangyari nung nabuo ang supergroup na nagngangalang 727 Clique. Nilabas nila ang kanilang album na “Ating Panahon” nung kalagitnaan ng 2017 at hindi nagtagal ay memoryado na ng mga tao ang mga awitin nila.
Noong Marso ng 2017, muling binuhay ng Illustrado ang Hardcore hip-hop sa kanilang self-titled album. Binitawan nila Batas, Sayadd, at Goriong Talas ang kanilang pinaka brutal na lirko sa mga nakakabasag bungong tunog ni Apo Lerma. Maliban sa mga pang gaspangan na kanta, nag eksperimento rin ang grupo sa mga kakaibang tema at maganda ang kinalabasan ng mga ‘to.
Shadow Moses – “Super Shadow Moses Turbo”
Ano nga ba talaga ang “Nerdcore”? Sinagot yan ng Shadow Moses sa kanilang debut album na “Super Shadow Moses Turbo”. Ang mga kanta ay tungkol sa video games, Science Fiction movies, at iba pang mga pang nerdo na tema. Ganunpaman, makamandag pa rin ang mga linyang binitawan nila NINNO at Chyrho pati ang mga boom bap beats ni Six The Northstar.
Anuman ang tema ng kanta, pinakita ni KJah sa EP niyang “Kamao Ng Kankaloo” ang kanyang galing sa pag sulat. Meron ditong love song, pang banatan, at pang good vibes, at garantisadong mamangha ka sa bawat isa. Dito rin pinatunayan ni KJah na mapa boom bap o trap na tugtugan ay kayang kaya niyang sabayan ito.
Mula sa battle hanggang sa musika, walang makakatanggi sa galing ni Apoc. Pinatahimik niya ang kanyang mga kritiko sa debut solo album niya na “Loob Ng Kabaong”. Ipinamahagi niya dito ang ilang sa mga naranasan niyang pag subok sa buhay pati ang mga pananaw niya sa lipunan. Gaya ng mga liriko, tumatak ang mga beat na siya din mismo ang gumawa.
Kilala na si Apekz sa husay niya sa battle pero sa album niyang “Ala Una”, pinakita niya ang kanyang galing sa paglikha ng awitin. Nanatiling solido ang kanyang multis at nasabayan niya ang samu’t saring istilo ng mga beat. Creative din ang tema ng bawat kanta, kaya hindi nakakagulat na pumatak ‘to sa mga taga hanga pati sa mga bagong nakikinig sa kanya.
Ilang buwan pagkatapos sumabak sa finals ng Isabuhay, nilabas ni Plazma ang kanyang EP na pinamagatang “The Impaler”. Muli niyang pinakita dito ang kanyang husay pag dating sa Horrorcore na genre. Kasama niya sa poryektong ‘to ang ilan sa mga bagong usbong at malulupit na emcee at producer.
Calix – “The Lesser Of Your Greater Friends”
Inilabas ni Calix ang lahat ng kanyang hinaing sa sistema sa proyekto niyang “The Lesser Of Your Greater Friends”. Sang ayon ka man o hindi sa mga mensahe, hindi maitatanggi na isa si Calix sa mga pinaka matindi sumulat ngayon. Rekta ang mga linya niya at tumpak ang mga beat sa bawat konsepto ng kanta. Ramdam na ramdam mo ang kanyang emosyon mula simula hanggang katapusan ng album.
Wrathsol – “Children Of The Future”
Pinatunayan ni Wrathsol sa album na ‘to na may ibubuga ang mga artist ng Central Luzon. Hindi lang rap skills sa Ingles at Tagalog ang pinamalas niya dito, kundi pati ang kanyang galing sa melodiya. Walang ring makakatanggi na kayang kaya niya bumitaw sa kahit anong beat, mabagal man o mabilis. Underrated pa rin ang LP na ‘to, kaya sana ay mas kumalat pa.
Mas dumami pa ang humanga sa skills ni Ruby Ibarra nang nilabas niya ang debut album niyang “Circa91”. Litaw na litaw ang matinik niyang pen game, delivery, at flow sa mga beat na hango sa Golden Age ng hip-hop. Mula sa mga kwento ng buhay niya hanggang sa mga sociopolitical na komentaryo, tagos ang mensahe ng bawat kanta dito.
Serenata – “For My Daydream Dalliance”
Mataas na kalidad ng Love Rap ang binigay satin ng Serenata (Kensa at Soupherb) sa proyekto nilang “For My Daydream Dalliance”. Bagama’t may mga tradisyonal na pang kilig na kanta, pinakita rin ng dalawang makata dito ang madalim na bahagi ng pag-ibig. Iba-iba ang producers sa album at nakuha nila ang vibe ng bawat awitin.
Tiny Montana – “Random Thoughts”
Buhay na buhay ang Gangsta Rap nung 2017 dahil kay Tiny Montana. Ang album niyang “Random Thoughts” ang nagsilbing prueba na kahit anong klase ng beat ay kaya niyang wasakin. Maliban kay Tiny, matindi rin ang mga binanat na linya ng mga guest emcees. Siguradong mapapa hype ka mula sa una hanggang huling kanta.
Samu’t saring mga emosyon ang nilabas ni Fossils sa debut album niya na “Bad Burn”. Merong kalungkutan, konting kasiyahan, at matinding galit. Bawat awitin ay sinamahan ng tunog na mananatili sa utak mo kahit tapos mo nang pakinggan. Hindi mapagkakaila na isa ito sa mga pinaka underrated na proyekto ng taon.
Shanti Dope – “Materyal” at “Shanti Dope”
Nag labas si Shanti Dope ng dalawang EP nung 2017 at dahil dito ay pumutok agad ang kanyang pangalan. Sa “Materyal” at “Shanti Dope” niya pinakita ang mapaglaro niyang flow at lirisismo pati ang husay niya sa pagpili ng tema ng kanta. Pumatok din sa mga nakikinig ang iba’t ibang klase ng instrumental.
Skarm & Anitek – “Playground Tactics”
Nag sanib pwersa ang beteranong Pinoy emcee na si Skarm at ang respetadong producer mula New Jersey na si Anitek para sa “Playground Tactics”. Muling pinatunayan ni Skarm na isa siya sa mga pinaka malupit pag dating sa wikang Ingles. Kasabay ng kanyang malupit na mga bara at flow ang mga boom bap beats ni Anitek na naimpluwensyahan ng 90’s hip-hop.
Halos kakasimula palang ni Curtismith nung 2017 pero nakilala siya agad dahil sa EP niyang “Soully, Yours”. Tinalakay niya ang kanyang personal na buhay pati na rin ang mga karanasan niya sa eksena. Hindi lang galing sa pagsulat ang napakita niya dito, kundi pati ang kanyang flow. Bagay na bagay ang bitaw niya sa mga swabe na beat.
Magandang kombinsayon ng Leftifled at Horrorcore hip-hop ang inihandog ni Crispy Fetus sa “Kagubatan”. Malagim man ang mga kanta, nagawa pa rin niyang lagyan na kaunting komedya ang mga ‘to. Bumagay rin ang unpredictable niyang flow sa mga kakaibang beat. Pag dating naman sa nilalaman, walang preno si Crispy Fetus dito kaya lagot ang mga sensitibo.
Lima lang ang kanta sa “Rotonda” EP, pero garantisadong mamamangha ka pa rin sa tunog pati syempre, sa rap skills at malalalim na kataga ni Gloc-9. Walang siyang kupas kahit higit dalawang dekada na siyang gumagawa ng musika. Bigatin din ang mga guest dito at gaya ng mga lumang obra ni Gloc, napapanahon ang mga konsepto.
Malaki ang posibilidad na may mga hindi kami nasama dito. Kung may gusto kayong idagdag, sabihin niyo lang sa comments section. Walang duda na napaka lakas ng hip-hop sa Pinas nung 2017. Ang saya rin isipin na mas lalo pa ‘tong umangat sa mga sumunod na taon. Ipagpatuloy niyo lang ang pag suporta para manatiling buhay ang eksena natin. Siguradong marami pang ilalabas ang mga local artist kaya abang nalang tayo!