Disyembre pa ang Ahon 15 kaya habang naghihintay tayo, balikan muna natin ang nakaraan. Pagusapan natin yung ikaapat na event.
Ginanap ang ikalimang yugto ng Ahon nung Disyembre 19 at 20, 2014 sa San Juan Gym. Hindi ito ang unang beses na naging lagpas isang araw ang Ahon pero simula nito ay nanatili na siyang multi-day na year-ender event. Alam na rin ng fans na ito ang isa sa pinaka malaking okasyon ng liga. Syempre, mataas ang ekspektasyon ng lahat lalo na nung nilabas ang opisyal na lineup! Pagkatapos ng paligsahan, tingin namin ay sangayon ang lahat na makasaysayan ang dalawang gabi na ‘to.
Ahon 5 ang unang beses na nag-kampeon si Batas. Dito natin nakita ang todo pag level up ng kanyang mga rima at flow at dahil diyan ay dinomina niya ang buong torneo. Masasabing dikdikan ang finals pero mas nanaig talaga hindi lang ang materyal kundi pati ang presensya ni Batas. Saludo din syempre kay Melchrist dahil grabe ang pinakita niya hanggang sa dulo. Isa pa rin siya sa may pinaka epektibong delivery sa battle rap.
Pagkatapos ng dalawang taon ay muling nagbalik sa FlipTop si Loonie! Marami ang nag-abang sa kanyang pagsampa muli sa liga kaya talagang dinagsa ang venue nung day 2. Dito nangyari ang hanep na engkwentro nila ni Aklas. Hindi nagpatalo ang 2013 Isabuhay Champion. Pinakita ni Aklas dito ang walang kupas na unorthodox na stilo niya at pumatok ito sa crowd. Nagpamalas naman si Loonie ng napakatinding multis at mga creative na anggulo at reference na nagpaingay din sa bawat manonood. Kung hindi ito promo, malamang mahihirapan ang judges sa pagpili ng klarong panalo.
Sa Ahon 5 natin nasaksihan ang sobrang entertaining na duelo nila Zaito at Smugglaz. Bumanat ng ilang mga malupit na seryosong rima si Zaito na ikinatuwa ng audience. Tumodo naman si Smugglaz sa kanyang well-rounded na materyal pati sa walang kupas na flow niya. Dikdikan din ang naging battle nila Sinio at Sak Maestro. Merong teknikalan, komedya, at “real talk” at ramdam mo ang kumpyansa nila mula una hanggang huling round. Sayang at hindi naghanda dito si J Skeelz pero buti at binigay ni Tipsy D ang A-game niya. Kalidad na pen game ang kanyang pinamalas at ang angas ng ginawa niyang call out sa huli. Hindi rin preparado si Fongger pero sinalo naman ni Shernan ang laban gamit ang kwela niyang jokes, creative na antics, at malakas na presensya. Isang rap clinic naman ang nasaksihan natin sa Crazymix vs Damsa. Nakakamangha yung palitan nila ng mabangis na flow at rektahang punchlines.
Ilan lang yan sa mga battle sa Ahon 5 na nag-iwan ng marka. Marami ring mga underrated na laban gaya ng M Zhayt vs Asser, Frooz vs PriceTagg, Ejo vs Nikki, at Harlem/Juan Lazy vs G-Spot/Mac T. Literal na walang tapon sa event na ‘to kaya tama lang na tawagin siyang classic. Isa ka ba sa mga naka-attend nito live? Huwag mahiyang ipamahagi ang iyong kwento sa comments section.
WATCH: Ahon 5 Day 1 & Day 2
Ang bilis talaga ng panahon. Ngayong Disyembre ay gaganapin ang Ahon 15. Sampung taong gulang na ang Ahon 5! Yan ang patunay na palakas lang nang palakas ang FlipTop pati ang buong eksena ng hip-hop sa Pinas. Sana ay patuloy pa rin ang pag-suporta niyo sa mga darating na taon. Abangan nalang ang announcements para sa Ahon 15. Malupit ‘to sigurado.