Hip-Hop Events

Mga Paparating Na Events Mula November 24 Hanggang December 2, 2023

Tuloy-tuloy lang ang hip-hoppan! Eto ang mga na events sa susunod na dalawang linggo.

Ned Castro
November 20, 2023


Ang lupit ng nakaraang linggo para sa Filipino hip-hop dahil sunod-sunod ang solidong hip-hoppan! Nandyan ang unang event ng Pangil Sa Pangil, ika-20 anibersaryo ng 187 Mobstaz, pagbabalik ng FlipTop Mindfields sa Metro Manila, Armageddon 3 ng PULO, Sinag 2 ng Motus, at iba pa.  Bawat isa ay nakapag-bigay ng kalidad na programa at napuno. Walang duda na buhay na buhay pa rin ang eksena natin ngayon.

Meron pang Won Winutes at Ahon 14 na paparating pero bago ang mga yan ay may ilang mga pasabog pa! Eto ang mga events na magaganap mula Nobyembre 24 hanggang Disyembre 2, 2023. May dalawa sa Metro Manila, dalawa sa Cebu, at isa sa Leyte kaya kung wala kang gagawin sa susunod na dalawang linggo, subukan mong pumunta sa isa dito.  

Full Tank Uprising 10th Year Anniversary

Sampung taon na ang Uprising sa industriya at kanilang ipagdiriwang ang isang dekadang anibersaryo nila sa susunod na Full Tank. Ito’y mangyayari sa ika-25 ng Nobyembre 2023 sa Tiu Theater. Dito ilalabas nila Apoc, Emar Industriya, at Kensa ang kanilang mga bagong album. Tutugtugin nila ang ilang mga awitin sa proyekto nila. Maliban diyan, magtatanghal din sila KJah, Kemikal Ali, Arbie Won, Tatz Maven, Sayadd, Goriong Talas, Plazma, Supreme Fist, Kregga, Tala, Ilaya, KMG, DJ Arthug, UMPH, Apo Lerma, DJ NIcko, at DJ Antsdru. Meron ding “Uprising Pa Rin” 10th Anniverary Special Feature na hindi niyo dapat palagpasin. Lang lang ang entrance dito! Sulita diba? Saludo sa Uprising sa patuloy na pagtaguyod ng hip-hop na walang kompromiso.

Dumuduong

Ang Dumuduong Records, isang bagong kolektibo sa Cebu, ay magkakaroon ng garantisadong matinding hip-hop event sa Nobyembre 25, 2023 din. Magpapamalas ng talento ang mga artist na kabilang sa label kasama ang ilan sa mga malulupit na emcees at grupo mula Visayas. Mapapanood niyo sila Manuel, Dap, Mistah Lefty, Brice, Mcking, Greekmob, Lokal Season, Batang Tinago, at marami pang iba. Magpapakitang-gilas din sila Skiny Deep at LlSlnce sa rap battle. Ito ay mangyayari sa Mirth Recreational Bar sa Baybay City, Leyte. Hindi mo na kailangan mag-ipon nang malaki dahil 150 pesos lang ang entrance dito.

Strap 10th Year Anniversary Celebration

Gaya ng Uprising, ika-10 anibersaryo din ng Strap, isang respetadong clothing line sa Cebu. Sa ika-24 naman ng Nobyembre 2023 ang kanilang selebrasyon at sa Draft Punk ang venue nito. Ilan sa mga bigating hip-hop artists na magtatanghal dito ay sina Waiian, Rjay Ty, Hero Tunguia, King Spade, Harcket, Dyha, at iba pa. Nandito din ang alamat ng Pinoy reggae na si Budoyx. 200 ang presyo ng pre-sale ticket habang 250 naman ang walk-in. Kung nais mong bumili ng pre-sale, makukuha mo ‘to sa mismong tindahan ng Strap. 

DIVN 8 

Muling nagbabalik ang DIVN o Dead Inside Vibe Nights na handog ng NoFace Records, isang underground na label sa Metro Manila. Magaganap ang ika-walong DIVN sa Paper Lantern, Matalino St, Quezon City sa Disyembre 1, 2023. 200 pesos ang halaga ng entrance fee. Tutugtog sa gabing ‘to sila Mocksmile, skinxbones, Calix, U-Pistol, Arkyalina, GRE!, Tatz Maven, at BLKD. Makakaasa kayo dito ng kakaiba at agresibong mga tunog at lirirismo na hindi niyo maririnig sa tipikal na hip-hoppan. 2018 pa yung huling DIVN kaya congrats sa NoFace para sa pagbalik nito.  

Rapollo Koneksyon IV

Sa Visayas tayo ulit! Sa Disyembre 2, 2023 ay gaganapin ang ika-apat na Koneksyon na handog ng Rapollo, isang kilalang liga sa Cebu. Hanep yung lineup dito. Merong rap battles na siguradong dikdikan gaya ng Marshall Bonifacio vs Mistah Lefty, Pen Pluma vs Empithri, Royal Rumble nila Loco, Climax, Bords, Cedie, at Znitch, at ang finals ng Laglag Bara 6: Ban vs Ivar. Meron pang surprise freestyle battle! Para naman sa performances, may DJ set sila Dyha at Eazy Q at babanat naman sa mikropono sila Hero Tunguia, Fangs, Mistah Lefty, KJah, K-Ram, Mhot, at Sixth Threat. Sa R Yo.U Restobar ang venue at 350 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 500 naman para sa walk-in. Puntahan niyo lang ang pahina ng Rapollo para sa detalye tungkol sa pre-sale.

READ ALSO: Why You Should Go To Ahon 14

Meron ba kaming nakalimutang ilagay dito? Kung meron, pakisabi nalang sa comments section. Para naman sa mga nakapili na ng kanilang pupuntahan, humanda kayo sa makasaysayan na gabi! Patuloy natin suportahan ang hip-hop na sariling atin! Abangan nalang ang updates sa Won Minutes at Ahon 14 sa opisyal na pahina ng liga sa Facebook.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT