Eto ang kaganapan nung ikalawang Bwelta Balentong event!
Ika-30 ng Mayo 2015 ginanap ang pangalawang Bwelta Balentong. 2010 pa yung unang event kaya marami ang na-excite nung inanunsyo ito. Hindi rin mapagkakaila na kahit lima lang yung laban ay kaabang-abang ang bawat isa. May apat na laban para sa Isabuhay at yung non-tournament matchup ay digmaan ng dalawang creative na emcee. 200 peso lang ang presyo ng entrance fee kaya sulit talaga! Marami ang umasa na ito’y hindi malilimutan na gabi at ganyan nga ang nangyari. Balikan natin ang mga kaganapan dito.
Kung grabe yung enerhiya ng Batas vs Sayadd sa video, mas grabe pa sa live. Kahit walang personalan ay ramdam mo ang hapdi ng matatalas na linya nila na may kasamang sapat na agresyon. Pinatunayan ng dalawa na kahit magkagrupo ay pwede pa ring makipagbakbakan sa entablado ng battle rap. Kontrobersyal man ang naging resulta ng BLKD vs Shernan, walang duda na tumodo sila sa kanilang performance. Epektibo ang gimmicks at komedya ni Shernan habang tumatak naman ang rhyme schemes at teknikal na mga bara ni BLKD. Dikdikan na duelo ang nakita natin at yun ang mahalaga.
Napaka underrated ng palitan nila Pistolero at Romano. Parehas polido ang delivery at mahusay ang pagbalanse nila ng jokes at mabibigat na bara. Naipakita rin ulit nila ang kanilang galing sa rebuttals. May potensyal sana maging battle of the night o year yung Dello vs Sak Maestro kaso ilang beses nag-stumble dito si Sak. Ganunpaman, sulit panoorin ang “total package” na performance ni Dello. Kung walang choke, maaaring mag-iwan din ng marka yung materyal ni Sak Maestro. Kita na buhay na buhay ang crowd sa Sinio vs Frooz. Maliban sa sobrang patok na komedya nila, nakakamangha ang kanilang style breakdowns at freestyle ability. Dikit yung battle at talagang entertaining hanggang sa huling segundo.
Para sa mga nakapanood live, alam niyo na siguro yung isa pang nangyari dito. Hindi inasahan ng liga na sobrang daming tao ang pupunta. Kahit malaki yung B-Side ay kulang pa rin para sa dumating na fans. Sinubukan ng FlipTop papasukin lahat pero ilang oras bago ng event ay nakita nilang hindi na talaga kaya. Dahil diyan ay may mga nagpilit pa ring makapasok na nagresulta sa mga nasirang gamit. Makikita mo rin sa videos na napaka init sa venue. Buti nalang at walang seryosong nasaktan at walang nangyaring malaking gulo. Salamat sa mga laban dahil napasaya pa rin ang audience. Nagsilbing aral ‘to para sa staff ng FlipTop.
Ngayong Sabado ay gaganapin ang ika-11 Bwelta Balentong. Labing-apat na taon na ang liga at lalo pang lumalakas. Patuloy natin ‘to suportahan para manatiling buhay hindi lang ang battle rap kundi pati ang hip-hop sa Pinas. Sa mga meron nang tickets, magkita-kita nalang tayo sa Metrotent Convention Center sa Pasig. Mukhang makasaysayan na gabi ulit ang naghihintay satin. Sa mga wala pa, mag-PM lang kayo sa pahina ng FlipTop sa Facebook. Pinost din nila diyan ang opisyal na resellers ng tickets. Paalala lang na paubos na ang pre-sale VIP at GenAd nalang ang pwedeng mabili sa walk-in. Kuha na kayo ngayon na!