Eto na ang pang anim! Alamin kung ano ang ibig sabihin nitong mga salita na madalas mo marinig sa FlipTop.
Lagpas isang dekada na ang FlipTop at dahil dito ay napakaraming mga salita ang napauso nito. Maaaring karamihan dito ay madalas niyong marinig pero hindi niyo alam ang mismong kahulugan kaya hayaan niyo kaming ibigay sa inyo ang tunay na ibig sabihin ng mga ‘to. Nasa pang anim na kabanata na pala tayo! Kung bago ka lang dito, eto ang una, pangalawa, pangatlo, pang apat, at pang lima. Huwag na natin patagalin pa. Mag-simula na tayo…
Anticlimactic rhyming
Kung meron iskema na binubuo ng mga tumutugmang salita tapos sa huling linya ay biglang mag-iiba, yun ang tinatawag na anticlimactic rhyming. Isa sa mga nagpauso nito sa liga ay si K-Ram lalo na yung “homecourt adviser” imbis na “homecourt advantage” at “Duma” imbis na “Sinio” na mga banat niya kay Zaki. Pinakahuling gumamit nito ay si Frooz laban kay Fukuda nung Ahon 14. Ito ay yung ender niya sa round 3 na “N word”.
Consistency
Ang consistency o pagiging consistent sa isang battle ay yung pagiging handa. Sa diksyunaryo ang depinisyon ng salitang ‘to ay “hindi nagbabago” pero pag hinambing sa battle rap o sa performance, consistent ang isang emcee dahil tuloy-tuloy at walang putol ang pagbanat niya ng mga linya. Kaya pag nag-choke o nag-stumble ang isang rapper, matik na hindi siya consistent.
Stumble / Choke
Ayun, gaya ng sinabi namin sa taas, ang pag-stumble at/o choke ng emcee ay kabaliktaran ng pagiging consistent. May pinagkaiba nga pala ang dalawang ‘to. Ang pag-stumble sa isang berso ay yung pag utal sa mga bara. May ilang mga salita kang nakakalimutan pero nabubuo mo pa rin ang mga linya kahit papano habang ang pag-choke naman ay yung pag-blangko talaga ng isip mo. Kaya tinawag na choke dahil pag nabubulunan ka ay hindi ka maka salita.
Clinic
Maliban sa pagamutan, ang isa pang opisyal na depinisyon ng clinic ay isang aktibidad kung saan meron magtuturo tungkol sa partikular na paksa. Kaya kapag sinabing flow clinic, magpapamalas ang emcee ng matindi at mabisang pagbigkas ng mga kataga. Kapag freestyle clinic, babanat ang rapper ng mga epektibong rebuttal at mga bara na naisip on-the-spot. Maaaring tawaging rap clinic kung samu’t saring stilo ang pinakita ng emcee.
Punchline
Ito ang isa sa mga basic na salita sa battle rap o sa hip-hop mismo pero may ilan pa rin na hindi alam ang tunay na kahulugan. Ang punchline ay yung pinaka punto ng iyong konsepto sa battle. Sa madaling salita, ito yung mga linya na magisisilbing pandurog sa kalaban. Kadalasan kapag dalawang bara, yung una ay ang tinatawag na setup habang punchline naman yung kasunod. Syempre, may kanya-kanyang diskarte din ang emcees pero yan ang pinaka nakasanayan.
Line bite
Maaaring narinig mo na ‘to bilang anggulo sa kalaban. Ang line bite ay ang paggaya sa isa o maraming linya at konsepto ng ibang emcees. Kaya bite dahil kinagat mo yung luto ng iba Higit na ipinagbabawal ito dahil maliban sa pagiging hindi orihinal, laking insulto ito sa mga tunay na lumikha. Minsan naman ay nagkakataon lang din na halos magkaparehas o magkatunog ang mga linya. Ganunpaman, may mga nananadya pa rin.
READ ALSO: Mga Prediksyon Sa FlipTop Ngayong 2024 (Mula Sa Fans)
Kahit nasa pang anim na tayo, siguradong marami pa kaming hindi natatalakay. Abangan niyo nalang ang susunod na parte nito. Kung may mga termino kayo na hindi niyo pa alam ang kahulugan, sabihin niyo lang sa comments section at kami na ang bahala. Salamat sa patuloy na pagsuporta niyo sa FlipTop at sa sining ng battle rap!