Hip-Hop Events

Limang Solidong Hip-hop Events Na Paparating

Masayang tugtugan at tambay ba ang hanap mo? Pwes, merong lima na malulupit na event na magaganap sa mga darating na araw!

Ned Castro
June 09, 2022


   Kumusta na ang Pinoy hip-hop ngayon? Eto, may lima na malalaking event na magaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kung dati ay pahirapan makahanap ng hip-hop na tugtugan, ngayon ay marami ka nang pagpipilian. Ito ang prueba na napaka lakas ng lokal na eksena at tuloy-tuloy pa ito. Magandang pambawi rin ‘to sa halos dalawang taon nating pagtiis sa pandemya. Sulitin na natin!

   Sa mga taga Quezon City, Makati, Cavite, Cebu, at Davao, humanda sa hip-hoppan na siguradong hindi niyo makakalimutan. Lahat naman ay sa weekend mangyayari kaya sa mga may pasok diyan, wag kayo mag-alala. Pwedeng pwede kayo magtagal! 

Pugay Kamay 2 (Davao)

   Pagkatapos lasapin ang simoy ng hangin at maligo sa dagat ay dumiretso sa Shimric Beach Farm Resort para sa Pugay Kamay 2. Bibisita at magtatanghal si Ghetto Gecko ng 1096 Crew. Maliban sa kanya ay mapapanood niyo rin ang mga malulupit na solo artist at grupo ng Davao gaya ng Kalawakan Krew, Budvibes, Children of Mary Jane, at marami pang iba. Meron ding open mic para sa mga nais magpamalas  ng kanilang mga kataga. 350 ang gate fee na may kasamang beer habang 300 naman pag walang inumin.

Rapollo Komunidad Dos (Cebu)

  Patuloy ang misyon ng Rapollo na mas lalong palawakin ang eksena ng hip-hop sa Cebu! Sa ika-11 ng Hunyo ay magaganap ang “Rapollo Komunidad Dos” sa Breaking Point Sports Bar. Panoorin kung paano wasakin nila Fangs, Mistah Lefty, Marshall Bonifacio, Dave De La Cruz, K9, at iba pang mga emcee ang entablado. Magpapakitang-gilas din sila Dyha at Eazy-Q sa turntables. 250 pesos ang entrance at may kasama pa itong libreng beer! Sulit!

Tunay Na Kalayaan? (Makati)

   Hunyo 11 din ang petsa ng “Tunay Na Kalayaan?” na gaganapin sa Suez & Zapote sa Makati. Ito ay handog ng TeamManila at ang mga magtatanghal ay sila Calix, JRLDM, Astro, Paul Cassimir, Juss Rye, PMQH, at mga malulupit na banda. Paano natin masasabi na malaya tayo kung nananatili tayong nakakulong sa ilusyon? Hangarin ng event na ‘to na sagutin ang tanong na yan. Ito rin pala ang launch ng music video ng Gutom nila Paul Cassimir at Juss Rye. Libre nga pala ang entrance.

Alon Water Music Fesitval x Mr. Phoebu$ & Honcho B-day Bash (Quezon City)

   Inihahandog ng Pandayo Entertainment ang “Alon Water Music Festival” at selebrasyon ng kaarawan nila Mr. Phoebu$ at Honcho. Ito ay gaganapin sa Hunyo 12 sa Amoranto Sports Complex. Nakilala ang venue bilang tahanan ng Pulp Summer Slam ng ilang taon kaya masayang isipin na magkakaroon na din ng hip-hop event dito. Sino ang mga mapapanood mo? Skusta Clee, 187 Mobstaz, Mhot, Ex-Battalion, Gloc-9, Loonie, Ron Henley, at sobrang dami pang iba. Sa madaling salita, puro mga mabibigat ang magtatanghal sa event na ‘to. Bumisita sa FB page ng Pandayo para makita ang detalye tungkol sa 100 pesos na pre-sale ticket. Hanggang bukas nalang pwedeng bumili ng pre-sale. Isang libong piso ang halaga ng walk-in.

Akyat Bahay (Cavite)

   Syempre, hindi magpapatalo ang siyudad ng Cavite! Sa ika-18 ng Hunyo sa Ingay Likha, dadayo ang ilan sa mga miyembro ng Uprising Records para sa “Akyat Bahay”, na handog ng Broken Skull Productions. Ipapamahagi ng kolektibo ang kanilang istilo: ang hip-hop na walang kompromiso at pang wasakan ng bungo. Maliban sa emcee performances, masasaksihan niyo din ang sining ng turntablism. Garantisadong mamamangha kayo sa kombinasyon ng rapper at DJ sa entablado. 100 pesos lang ang entrance fee at sa venue mismo makakabili. 

   Oh, pano? Simulan mo nang yayain ang mga tropa, pamilya, at ka-barangay. Ugaliing magsuot ng mask at magdala ng alcohol o hand sanitizer para manatiling ligtas sa COVID-19.  Kung nakapili ka na nang pupuntahan mo, ang masasabi lang namin ay enjoy! Hinding hindi ka magsisisi sa desisyon mo! Pakilagay nalang pala sa comments section kung sakaling may nakalimutan kami.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT