General

Tama nga ba ang pag-skip?

Matagal nang gawain ang pag-laktaw ng rounds sa isang battle na naupload. Dapat nga bang pabayaan ito? Alamin ang mga rason kung bakit hindi mabuti para sa eksena.

Anonymous Battle Emcee
November 29, 2021


   Sa FlipTop, ilang beses na nating nasaksihan ang engkwentro ng isang bigating emcee at isang hindi pa gaanong kilala. Makakaasa tayo ng libu-libong komento kapag ito ay nai-upload na. Kadalasan ay uulan ng papuri sa sikat na makata at batikos naman sa kanyang kalaban.  Siguradong nakabasa ka na rin ng ganito: “Click like kung hindi niyo pinanood si (pangalan ng hindi sikat na emcee)!” o kaya yung mga nagbibigay ng “timestamp” kung saan round na ng idolo nilang rapper. Ang tanong, tama ba yung ganyan?

   Wala namang masama sa pag-skip kapag napanood mo na yung battle, pero kung unang beses palang, pinapatunayan mo lang na ikaw ay biased talaga. Dahil isang bahagi lang yung nakita mo, paano mo masasabing “classic” ang laban? Kapag natalo naman ang manok mo, paano mo masasabi na hindi tama ang desisyon ng mga hurado? Hindi mo ba naisip na baka mas lamang talaga yung kalaban nung gabing yun? Walang pinagkaiba yan sa mga sumusunod sa fake news. Kahit hindi mo alam ang buong storya, maniniwala ka agad.

   Ito ang isa sa mga problema sa iilang mga manonood ngayon. Uulitin namin, “iilan” at hindi lahat. Ang basehan pa rin nila ay yung kasikatan ng isang emcee. Kung sino ang mas patok sa madla o mas maraming panalo, iyon ang pagtutuonan nila ng pansin. Sa madaling salita, ang mas kilala ang itinuturing nilang “bida”. Nawawala rin ang kanilang pakialam sa galawan ng eksena dahil nakatutok lang sila sa idolo nila. 

   Hindi namin sinasabi dito na huwag mo na tangkilikin ang mga sikat na rapper. Ipagpatuloy mo lang dahil karapatan mo naman yan at syempre, ikaw ang isa sa mga nagbibigay ng inspirasyon sa kanila. Ang masama lang ay yung pagiging bulag sa iba pang mga karapat-dapat na makatapak sa entablado. Sa tuwing binabalewala mo ang mga bara nila, para mo na ring sinasabi na walang saysay ang kanilang pagod pati ang oras na sinugal nila para lang makapag tanghal. Sinuway mo pa ang ginintuang patakaran ng larangan na “respect the emcees”.

   Kung nabalitaan mo sa iba na nagwagi ang idolo mo, panoorin mo pa rin yung mga round ng katunggali niya. Diyan mo mas mauunawan yung mga binitawang linya ng iyong tinitingalang makata, lalo na yung mga rebuttal. May possibilidad din na malupitan ka sa mga sinabi ng kalaban at dahil diyan, magkakaroon ka ng panibagong aabangan. Isipin mo, hindi ba’t mas masaya kapag mas marami kang napapanood?  

   Lagpas 200 na ang kasali sa FlipTop, tutulugan mo ba silang lahat para lang sa isa? Bigyan mo rin ng tsansa ang iba pang mga mandirigma, at garantisadong mas sasaya ang iyong viewing experience. Hindi ka lang makakarinig ng mga matitinding kataga, matututunan mo pa ang iba’t ibang mga stilo. Kaya sa susunod na makabasa ka ng komento tungkol sa pag-laktaw ng round, huwag mo nang tularan ‘to. Sinuman ang lalaban, pareho nilang kailangan ang iyong atensyon. Panooring nang buo, suriin ang mga bara, at suportahan ang sining ng battle rap. Sana sa 2022 ay mas marami nang bukas ang isipan.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT