Music Reviews

Choose Your Own Album Adventure: Lalim at Karimlan ni Dhictah at KMG

Narinig niyo na ba ang album nila Dhictah at KMG na pinamagatang "Lalim at Karimlan"? Kung hindi pa, basahin niyo 'to.

Ned Castro
November 23, 2021


   Nilabas ni Dhictah at KMG ang kanilang debut album noong ika-23 ng Nobyembre 2018 na nag-ngangalang “Lalim at Karimlam” sa ilalim ng Uprising Records. Si Dhictah ang isa sa mga unang sumabak sa FlipTop at pag-dating sa kanta at battle, agad tumatak ang kanyang agresibong pag-bigkas at teknikal na mga bara. Lumipat siya sa Dubai noong 2013 para mag-trabaho, pero hindi ito naging hadlang sa pag-gawa niya ng musika. Si KMG naman ay mula sa Bicol at matagal nang respetado sa underground scene bilang producer. Nakilala siya sa lawak ng kanyang kaalaman sa mga beat. Mapa boom bap, trap, o leftfield, kaya niyang bumuo ng tunog na magmamarka sa mga nakikinig. Nagkakilala ang dalawa sa Facebook noong 2017, at doon na nag-simula ang album na ‘to.

   Matindi ang chemistry ng dalawang artist dito. Sinigurado ni KMG na swak ang kanyang mga beat sa bawat konsepto. Bagama’t hardcore ang unang nakasanayang tema ni Dhictah, ipinakita niya dito na malupit din siya sa iba’t ibang paksa. Kung wala ka pang kopya, pwes, ito na ang pagkakataon mong marinig ang proyektong ‘to nang buo. Inupload ng Uprising ang album online, at sinigurado nila na mas magiging exciting ang soundtrip mo. Pakinggan ang Lalim at Karimlan, choose your own adventure style!

   Simple lang naman yung konsepto. Kung napanood mo na yung Black Mirror: Bandersnatch sa Netflix, parang ganito rin ‘to. Hinati sa tatlong free-streaming sites ang 21-track na album. Kailangan mong puntahan ang bawat isa para marinig lahat ng kanta. Handa ka na ba sa kakaibang paglalakbay sa hip-hop? Simulan mo na:

YouTube

Spotify

Bandcamp (merong surpresang nag-hihintay sa mga bibili dito)

  Sa mga gutom sa hardcore rap na boom bapan, nandiyan ang “Ako Ang Diktador”, “Trenta’y Dos”, “Anong Nagbago”, at marami pang iba. Garantisadong magkaka slamman naman sa “Ating Alamin” dahil sa solidong Trap beat nito. Pinakita rin ni Dhictah ang mga pag-subok na naranasan niya bilang OFW sa mga kantang “Ito Ang Kwento”, Abusadong Amo”, “Utang”, at “Katamaran”. Ganyan din ang tema ng “Bakasyon Nanaman Tayo”, pero mas positibo ang vibe nito. Magandang break ‘to sa mabibigat na laman ng album.

   Nagpamalas din ng talento ang bawat guest. Bumitaw ng mga umaapoy na linya ang ilang mga bigatin sa Uprising sa awiting “Mano Mano”. Sa “Sayo”, nag bigay pugay si  Dhictah sa kanyang mga impluwensya: ang Pamilia Dimagiba. Pagkatapos ng berso niya, bumanat ang tatlong miyembro ng grupo na sila Young Galaxy, Shadowblyde, at 8th Messenger. Pinatunayan nila na hinding hindi sila kakalawangin. Halong hip-hop at reggae vibes naman ang nangyari sa “Tunay”, salamat sa epektibong palitan nila Dhictah at Rastar Dee. Isa pang highlight ng album na ‘to ang mga scratches na inambag nila DJ Supreme Fist at Freezec sa ilang tracks. Lalo mong mauunawaan ang sining ng turntablism dito.

   Sa madaling salita, lehitimong hip-hop ang nirerepresenta ng Lalim at Karimlan. Mahaba man ang buong album, hindi mo ‘to mapapansin dahil mamamangha ka sa mga tunog at lirisismo. Busog ka sa battle-oriented at story telling na kanta. Sana ay maimpluwensyahan nito ang mga musikero pag-dating sa kanilang susunod na proyekto. 

   Maari ka ring bumili ng pisikal na kopya para mas makatulong pa sa mga artist. Available pa rin ‘to sa Baraks, Treskul, at marami pang mga co-signed stores. Pwede kayong mag-pm sa Facebook page ng Uprising para sa karagdagang impormasyon.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT