General

Sa Mga Hindi Pumasa Sa Tryouts…

Ito ay para sa mga emcee na hindi pinalad sa FlipTop tryouts. Tuloy lang ang laban!

Anonymous Battle Emcee
November 09, 2021


   Tapos na ang Process of Illumination at kung isa ka sa mga naka pasok, congrats at welcome sa liga! Aabangan namin ang unang pag-sabak mo sa entablado. Dun naman sa mga hindi pinalad, para sa inyo ‘to. Siguro ngayon ay dismayado kayo at tingin niyo hindi na ulit kayo magkakaroon ng pagkakataong pumasok sa FlipTop. Diyan kayo nagkakamali mga tsong! Isa lang yan sa mga hadlang na mararanasan niyo sa inyong paglalakabay.

   Balikan natin ang pinaka unang tryout nung 2010 sa Freedom Bar. Meron dun isang makata na unang round palang ay tanggal na. Imbis na mawalan ng gana, mas nagpursigi pa siya maging malupit na emcee. Naging aktibo siya sa bawat event at tinuloy ang paggawa ng musika. Nang marinig ni Anygma ang mga kanta niya at napanood siyang mag-tanghal, binigyan siya ng laban. Mas tutok na ulit siya sa recording ngayon, pero nagmarka sa mga tao ang kakaiba niyang stilo sa pakikidigma. Sino tong taong ‘to? Walang iba kundi si Kjah.

   Tandaan niyo na hindi sa battle rap nagtatapos ang hip-hop. Bilang isang rapper, alam niyo dapat na walang limitasyon ang lirisismo. Mag-sulat lang kayo ng mga bara at ilapat niyo ‘to sa mga malulupit na beat. Itanong mo pa sa lahat ng aktibo sa larangan at sasabihin nila na masarap sa pakiramdam ang bumuo ng mga awitin. Baka yung pagkatalo niyo sa tryout ay senyales na gumawa na kayo ng album o EP. Ang daming magagaling na producer sa eksena ngayon, huwag kayong mahiyang kausapin sila. 

   Kulang pa ba sa inyo ang pag-likha ng mga obra? Eh di kumuha kayo ng mga gig. Malaki ang tsansa na may tugtugan na magaganap diyan sa lugar niyo. Ganyan kalakas ang hip-hop ngayon. Kung sakaling wala naman, subukan niyo gumawa ng sarili niyong event. Pwede kayong humingi ng tulong sa mga kakilala niyo pag dating sa mga venue at iba pang mga bagay. Kayo na ang bahala sa diskarte. Kapag nagawa niyo yan, malaki ang posibilidad na mas lumakas pa ang galawan ng hip-hop sa inyo. Syempre, ito rin ang pagkakataon na iparinig sa mga tao ang mga piyesa niyo. Huwag niyo na isipin ang reaksyon ng mga nanonood, kunin niyo lang ang mikropono at ilabas ang anumang nararamdaman niyo.

   Hindi rin ibig sabihin na porket bagsak kayo sa una ay wala nang pag-asa. Pwedeng pwede pa rin kayo sumali sa mga susunod na Process of Illumination. Bago kayo sumabak ulit, itanong niyo muna sa sarili niyo kung saan kayo nagkulang dati. Baka sobrang kabado pala kayo nun o hindi niyo inakala na purong freestyle pala ang labanan. Pag-aaralan niyo ang mga battle na may old school na format (yung may beat at off-the-top pa) para makabuo kayo ng mas epektibong stratehiya. Kung tingin niyo sapat na ang mga natutunan niyo, dun na kayo mag-register ulit.

   Ano? Mag-aamok pa rin ba kayo dahil hindi kayo nag-kampyeon o nakasama sa special picks? Madali lang bumangon pag natumba, lalo na’t kung dedikado talaga kayo sa sining na ‘to. Naranasan na din yan ng mga iniidolo niyong emcee, pero tignan niyo sila ngayon. Manatili lang kayong ganado at baka sa susunod ay makasama na namin kayo.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT