Verse 1:
Ang mundong ito ang ating paraiso
Ang lugar kung saan ako ang Adan at ikaw ang Eba
Pareho tayong naging makamundo nung naparito
Nagnasa't umasa na magkaroon ng pamilya
Dalawa tayong mapanukso na ahas
Na di nagdalawang isip kumagat sa mansanas
At walang diyos na pwede sa ating magpalayas
Kase tayong nagbuo ng mundo nating dinadanas
Daigdig na pag-ibig ang nagdisenyong
Tinayo natin sa gitna ng langit at impyerno
Ikaw at ako lang sa isa't isa ang nakumpleto
Kaya sa mundong ito tayo ay nakuntento
At naging bingi tayo sa mga komento
Na ang meron tayo ay isa lamang konsepto
Sabi natin ay walang makakapanghimasok pero
Nilagay pala nating pader ay hindi konkreto
Verse 2:
Nagawang mapasok ang mundo natin ng mga alien
Upang sirain ang nilikha nating Eden
Nagpalindol sila upang humina ang ating pundasyon
Nagpabagyo sila upang bumaha sa ating relasyon
Ng mga pagsubok na nakakalunod
Gusto nilang panaginip natin ay maging bangungot
Kaya nung minsan tayong pumikit ay nagkausok
At sa pagdilat natin, paraiso na ay nasusunog
Tinupok ng apoy ang ating pinaghirapan
Hanggang naabo ang ginawa nating tahanan
Pero di tayo noon sumuko sa digmaan
Kahit buong hukbo ng mundo nila ating kalaban
Pinaglaban pa natin to ng patayan
Upang di nila ito tuluyan na masakop
Ikaw lang ang pinaghugutan ko noon ng tapang
Pero nung nanalo na tayo e bigla kang natakot
Verse 3:
Noong iwanan mo akong mag-isa dito
Pinangako ko na muli ko tong bubuuin
At matapos kong maayos ang ating paraiso
Ng pitong araw ay saka na lang kita susunduin
Sa unang araw hinanda ko ang impyerno sa lupa
Sa ikalawa'y hinanap ko ang umulap sa iyong utak
Upang sa ikatlo ay gawin silang pataba sa lupa't
Sa ikaapat di na sumikat araw sa mga pucha!
Nung ikalima'y inubos kong chismis sa himpapawid
Nung ikaanim mga natirang hampaslupa'y sinaid
At nung ikapitong araw ako ay nagpahinga
Akala ko kinabukasan makakasama na kita
Pero hindi pala
Kasi sumaya ka na diyan sa bagong mundo mo
Kaya wala na ako ngayong magagawa pa
Kundi ang magpaalam na din sa mundong ito..