Bakit hindi dapat palagpasin ang susunod na FlipTop event? Sasabihin nitong fan!
Sa susunod na Sabado na ang pinaka unang FlipTop event ng 2025, ang Ahon 15 Day 3. Sa mga hindi pa nakakaalam, ito ay magaganap sa Events Pavilion sa 500 Shaw Zentrum. May walong laban sa lineup at kahit walang pang tournament ay hindi niyo dapat ito palagpasin. Bakit nga ba kaabang-abang ang event na ‘to? Hayaan niyong ipaliwanag ko sa inyo.
Simulan muna natin sa venue! Oo, bagong lugar na naman at balita ko ay maganda raw dito. Halos kasing laki daw ng Tiu Theater at maraming aircon. Siguradong mabibilib din daw tayo sa disenyo sa loob. Bilang manonood ay mahalaga talaga ang kalidad ng venue sa event. Syempre, dapat komportable tayo habang nanonood ng battles, hindi ba? Excited na akong makita ‘tong Events Pavilion. Swerte rin dahil malapit lang sa’min hehe!
Ito yung mga lineup na FlipTop lang talaga yung makakaisip. Oo, medyo random sa unang tingin pero malaki ang tsansa na maging makasaysayan ang bawat isa. Simulan natin sa R-Zone vs Ets. Solido ang pinakita nila sa Won Minutes at ito ang pagkakataon nilang ipakita sa mas marami pang tao ang kanilang galing. Wag kakalimutan na lahat ng mga iniidolo natin ay nagsimula din bilang baguhan. Mukhang marami tayong maririnig at mapapanood na kakaiba sa Tulala vs Dodong Saypa. Magkaiba man sila ng atake, parehas silang sobrang creative pagdating sa materyal. Pwede din tawaging style clash yung Meraj vs Shaboy pero expect the unexpected sa matchup na ‘to. Kung napanood mo mga laban nila sa mga underground na liga, alam mong kayang kaya nilang balasehin ang epektibong teknikalan at katatawanan.
Exciting ang Karisma vs Class G dahil laban ito ng dalawang kampeon (si Karima sa Pulo at sa Motus naman si Class G). Parehas batikan sa teknikal na sulatan at may malakas na presensya sa entablado. Huwag niyong tutulugan ang Rapido vs Mastafeat. Kapag sila’y naghanda, makakaasa ka ng patok na komedya, solidong rap skills, at kakaibang mga konsepto. Marami ang nagsasabi na pang main event daw yung Plazma vs Emar Industriya. Sinong hindi maeexcite sa salpukan ng dalawang may malawak na bokabularyo at patuloy na inaangat ang kalidad ng lirisismo?
Duelo ng mga nagmarka sa Isabuhay yung Hazky vs SlockOne. Una silang nakilala sa jokes pero ngayon, sobrang husay na nila sa well-rounded na stilo at mas lumakas pa ang performance nila. Para sa’kin, tama lang naman na main event yung Sinio vs Poison 13. Hindi lang dahil sa most viewed yung isa, kundi dahil parehas laging tumotodo sa sulat pati sa pagtanghal. Ano mga prediksyon niyo sa gabing ‘to? Sabihin niyo lang sa comments section.
Inaabangan ko rin sa events yung mga announcements ni Anygma. Maaaring dito na niya ianunsyo yung kumpletong lineup ng Isabuhay pati yung susunod na paligsahan. Syempre, excited na din akong marinig yung DJ set ni Supreme Fist. Sobrang dami kong mga nadiskubreng kanta at artists dahil sa mga soundtrip niya. Kung gusto mong lumawak ang kaalaman mo sa Pinoy hip-hop, wag kalimutang panoorin at pakiggan yung tugtog si Supreme Fist.
Meron ka na bang ticket? Kung meron na, magkita nalang tayo sa Marso 29, 2025, para sa Day 3 ng Ahon 15! Para naman sa mga wala pa, mag-PM lang kayo sa pahina ng FlipTop para bumili. Nagbebenta rin ng tickets ang mga sumusunod: BranDead, HYPEBEAT, KRWN., Black Manila, ULAP Clothing, at Meek and Chill Clothing Shop. Limited lang ‘to kaya bili na kayo. Unahan ko na si Anygma, Ahon 15 Day 3, mag-ingay oh!