General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 4)

Nasa pang apat na tayo! Alamin ang kahulugan nitong mga salita na madalas nating naririnig sa liga.

Ned Castro
September 06, 2023


Lagpas isang dekada na ang liga at dahil diyan, makakaasa ka talaga ng iba’t ibang mga termino. Sa sobrang dami ay nasa ika-apat na kabanata na tayo. Kung sakaling hindi mo nababasa ang mga ‘to, narito ang una, pangalawa, at pangatlo. Ngayon, ating itutuloy ang pagpaliwanag ng mga salita na madalas nating marinig hindi lang sa mismong battles kundi pati sa judging at sa pagpapakilala ng emcees at pagaanunsyo ng panalo.  

FlipTop
Oo, kailangan ipaliwanag ‘to dahil may iilan pa rin na hindi talaga pamilyar sa tunay na depinisyon ng FlipTop. May mga nag-aakala pa rin na ito ang tawag sa battle rap mismo. Mali po yan. Ang FlipTop ay pangalan ng isang kumpanya na itinaguyod nila Anygma at UMPH. Isa sa mga hangarin ng kumpanyang ito ay ang mag-organisa ng mga battle rap events sa bansa. Ngayon, pag may nagsabi na “FlipTop tayo”, paki paliwanag nalang sa kanila. Para mo na rin sinabi sa basketball na “NBA tayo” o sa suntukan na “tars UFC tayo”.  

Wordplay
Ang pinaka simpleng kahulugan ng wordplay ay literal na paglaro sa salita upang gawing mas creative o nakakaaliw ang piyesa. Ilan sa mga magandang halimbawa nito ay yung “di sa inyo, disenyo” ni Sixth Threat, “super, natural, supernatural” ni BLKD, “alagad, kaagad, ka agad” ni Sayadd, Sak na iskema ni Lanzeta, at baliktaran ni Mhot. May iba’t ibang klase ng wordplay, kabilang na dito ang anagram, onomatopoeia, oxymoron, at aliterasyon. Ito’y nananatiling isa sa pinaka mabisang atake sa battle rap dahil dito nasusukat ang talas ng pag-iisip ng emcee.

Mainit na laban
Kapag tadtad ng personals sa bawat round at/o may lehitimong hidwaan ang mga naglalaban na rapper, dun mo masasabing mainit ang duelo. Pwede din ‘to sa mga sagupaan na matagal nang hinihintay ng mga tao. Kunyari may isang emcee na sobrang galling sa teknikalan tapos itatapat siya sa isang henyo sa komedya; mainit ang battle dahil siguradong magpapamalas sila ng mga apoy na linya.  

Dikdikan
Marami mga laban sa FlipTop na sobrang hirap pumili ng panalo dahil napaka lupit ng pinakita ng emcees.  Ito yung mga tinatawag nating dikdikan na battle. Walang atrasan sa letrahan at sunod-sunod na suntok ang ating nasasaksihan.  Ito yung matchups na mapapasabi tayo ng “grabe, dikit yun” pagkatapos ng tatlong rounds. Oo, dikdikan yung mga battle na naging draw sa FlipTop gaya ng Kregga vs M Zhayt, Rapido vs Asser, at Fangs vs Marshall Bonifacio.

React accordingly
Sigurado narinig mo na ‘to bago magsimula ang isang battle. Ang ibig sabihin ni Anygma dito ay pwedeng ka naman pumalakpak o mag-ingay sa mga mapapanood mo basta wag mong aabusuhin at bigyan mo ng pagkakataon ang emcee na ibanat ang mga bara niya. Maliban diyan, isipin mo din syempre yung mga kapwa fan sa paligid mo. Baka yung iba sa kanila ay gustong tutukan yung battle kaya kung lagi ka lang mag-iingay, baka masira yung experience nila. Tandaan, react accordingly lagi!

Freestyle
Kung sakaling hindi mo pa alam, sa modernong stilo ng battle rap, pinaghahandaan ang mga laban. Ibig sabihin nito ay sinusulat at kinakabisa ang mga berso para sa duelo. Ganunpaman, marami pa rin ang nagpapamalas ng kanilang galling sa pag-freestyle. Makikita mo ito pag nakalimutan ng emcee ang kanyang hinandang linya o kaya kapag siya’y magrerebutt. Ito yung mga linya na “on-the-spot”, o yung dun lang sa battle mismo naisip. 

READ ALSO: 5 Bagay na Pwedeng Gawin Habang Wala Pang Event

Garantisadong magkakaroon ‘to ng kasunod kaya kung may naisip ka pang mga salita, ibahagi mo lang sa comments section. Para maging updated sa mga susunod na events ng FlipTop, sundan niyo lang ang kanilang pahina sa Facebook. Kasalukuyang inuupload din ang mga laban sa nakaraang Won Minutes Mindanao. Suportahan natin ang bagong henerasyon! FlipTop, mag-ingay!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT