Music Reviews

Smugglaz – PIGING (Song And Music Video Review)

Eto na ang bagong obra ni Smugglaz na pinamagatang “PIGING”. Basahin ang aming rebyu ng kanta at music video.

Ned Castro
July 31, 2024


Sa wakas ay nandito na ang bagong awitin ng nag-iisang Smugglaz. Nilabas ito nung ika-20 ng Hulyo 2024, kasabay ng kanyang kaarawan. Sa parehong petsa ginanap ang launch sa Holic sa Tomas Morato. Hanggang ngayon ay trending ang piyesang ito sa YouTube. Meron nang higit 252,000 views. Karapat-dapat nga ba ang popularidad nito? Maisasama ba ‘to sa mga makasaysayang obra ni Smugglaz? Eto ang aming rebyu ng kanta at music video ng “PIGING (Imbitado Ka!)”.

Kanta:
Maririnig mo agad dito ang husay ni Smugg hindi lang sa pagrap kundi pati sa pagkanta. Nakakamangha yung melodiya ng koro at tiyak mapapasabay ka agad dito. Syempre, hindi makukumpleto ang awitin kung hindi magpapamalas ng malulupit na rima sa mga berso. Hindi man kasing bilis ng mga lumang gawa niya yung flow, siguradong hahanga ka pa rin sa bawat bara. Wala pa ring makakapantay sa napaka polido niyang pabuga. Gaya ng ibang mga kanta niya, klaro ang bawat salita at kailanman ay hindi mo maririnig na nawawalan siya ng hininga. 

Pagdating naman sa mismong sulat, walang kupas si Smugglaz sa paglikha ng mga salita. Tinalakay niya sa “PIGING (Imbitado Ka!)” ang lahat ng mga pinagdaanan niya at kahit naabot niya ang tuktok ay mananatili siyang mapagkumbaba. Litaw yung malawak niyang bokabularyo sa kanta pero sinigurado niya na madaling maintindihan ang mga kataga. Dahil dito ay garantisadong marami ang makaka-relate sa liriko kahit hindi rapper o musikero. Hindi mapagkakaila na ito ang isa sa pinaka malakas na aspeto ng sulat ni Smugg: yung pagiging “relatable” ng mensahe.

Si Bj Prowell ang gumawa ng beat na naimpluwensyahan ng “ShowGoesOn” ni Lupe Fiasco. Matagumpay ito sa pagsabay sa emosyon ng kanta. Inspirasyonal ang tema at masasabi mo agad na inspirasyonal din ang tunog. Kahit ganito ay hindi pa rin nawala ang pagka hip-hop ng instrumental kaya malamang ay mapapatango ka sa simula palang. Mga ganitong swabe na beat yung pwedeng pwede patugtugin sa byahe o kung gusto mo lang magpahinga at kalimutan ang mga problema.

Music video:
Sa direksyon ni Edrex Clyde Sanchez ang opisyal na music video ng “PIGING (Imbitado Ka!)”. Tiyak na mamamangha ka sa paghalo ng special effects at mga aktwal na eksena. Natural ang bawat transition at talagang mabibilib ka rin sa samu’t saring kulay. Sa bandang huli ng video ay iyong makikita ang ilan sa mga pinaka malapit na tao kay Smugglaz. Sama-sama silang kumain sa mahabang hapag-kainan para ipagdiwang ang kanilang narating sa buhay. Sobrang makasaysayan ‘to at maluluha ka din kung alam mo yung istorya tungkol sa kapatid ni Smugglaz. Basahin dito.

Konklusyon:
Oo! Karapat-dapat lang na maging trending ang “PIGING (Imbitado Ka!)” ni Smugglaz at sana ay mas marami pa ang makaunawa. Maliban sa kanyang galing sa rap ay pinakita din niya ang buong pagkatao niya dito. Mas tataas pa ang respeto mo sa kanya pagkatapos nito, fan ka man o hindi. Saludo din syempre kay Bj Prowel para sa hindi malilimutan na beat at kay Edrex Clyde Sanchez at sa buong production team para sa hanep na music video. Abangan ang mga susunod pa nilang proyekto at patuloy nating suportahan ang lokal na hip-hop!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT