General

Kahulugan Ng Mga Sikat Na Termino Sa FlipTop (Part 3)

Ano ang ibig sabihin ng mga salitang naririnig mo sa FlipTop? Alamin niyo dito!

Ned Castro
January 24, 2023


   Nasa ikatlong kabanata na tayo! Ito ang ilan sa mga salita na madalas niyong marinig sa mga rap battle. Maaaring nasabi ito sa mga laban o sa paliwanag ng mga hurado. Ngayon ay ipapamahagi namin kung ano nga ba talaga ang kahulugan ng bawat isa. Kung bago palang kayo dito, naglabas na kami ng part 1 at 2. Basahin niyo din yun!

Haymaker

   Sa usapang suntukan, ang haymaker ay isang suntok na sa sobrang lakas ay garantisadong mapapatumba o magbibigay na matinding pinsala sa kalaban. Katumbas ito ng napaka lupit na punchline sa battle rap. Ito yung linya na mapapasabi ka nalang na “wala, tapos na yung laban!” Maraming sa mga emcees ng liga ang kayang bumitaw ng sunod-sunod na haymaker. 

Well-rounded

   Kapag sinabing well-rounded ang emcee, ang ibig sabihin nito ay balanse ang stilo niya. Kaya niyang paghaluin ang teknikalan, rektahan, at komedya nang hindi nagtutunog pilit. Well-rounded din ang isang rapper na kayang bumanat ng freestyle sa written battle kung kinakailangan. Mahirap makalaban ang mga ganitong klase dahil unpredictable ang atake nila. 

Gun bars

   Si Pricetagg ang isa sa mga pinaka mahusay na gumagamit nito sa FlipTop. Ang gun bars ay ang pag banggit ng baril sa anumang aspeto sa battle. Pwedeng bilang metapora o parte ng mismong punchline. Sa Ultimate Rap League (URL) unang pinaka nakilala ang gun bars at hindi nagtagal ay madami na din emcees mula sa iba’t ibang liga ang naimpluwensyahan nito.

Anggulo

   Ito ay yung konsepto ng mga ibabanat ng emcee tungkol sa kalaban niya. Pinaka magandang halimbawa nito ay yung ginawa ni Loonie kay Tipsy D sa round 2. Yung pag nakaw daw ng mga linya ni Tipsy D ang anggulo ni Loonie doon. Isa pang halimbawa ay yung atake ni Smugglaz kay Rapido sa round 3. Yung paggamit ni Rapido ng relihiyon sa mga laban niya ang napiling anggulo ni Smugglaz.

Underrated at overrated

   Kapag sinabing underrated, ito yung mga tao na kahit sobrang husay ang pinapakita sa kanilang larangan ay hindi pa rin gaanong napapansin ng madla. Sila Batang Rebelde, Sayadd, at Thike ang ilan sa mga madalas na nababanggit na underrated sa liga. Overrated naman yung tawag sa mga artist na inuulan ng papuri kahit hindi naman gaanong kagalingan. Maaaring sumikat lang ang mga ‘to dahil may kapit o sinuwerte lang talaga sa timing.

Rebuttal

   Ito yung pagsagot sa anumang mga binato sayo ng kalaban. Sobrang dami na sa FlipTop ang nakakagawa nito pero si Dello ang unang pinaka nakilala dito. Nagiging mas epektibo ang isang rebuttal kung ang naibalik mo ay yung sobrang lakas na linya gaya ng ginawa ni JDee kay JR Zero nung Ahon 12. Dito din masusukat ang kakayahan ng isang emcee sa freestyle.

Setup

   Hindi magiging mapaminsala ang punchline kung walang malupit na setup. Ito yung nagsisilbing tulay para itawid ang isang pamatay na linya. Isipin niyo, magiging malupit ba yung “na sa G ako inis” ni Sak Maestro kung yun lang sinabi niya? Hindi, diba? Naging sobrang mabangis yan dahil binanggit niya yung “huling battle ko pa nga sa Manila napa A to Z pa ako na Ingles.” May mga panahon na nagiging sablay ang setup lalo na kapag masyadong mahaba ito.

   Gaya ng dati, ilagay niyo lang sa comments section kung may mga nakalimutan pa kaming banggitin. Malaki ang posibilidad ng magkakaroon din ng part 4 kaya abang-abang nalang. Salamat sa paglaan ng oras para dito at pakipasa nalang sa mga kapwa taga hanga ng battle rap kung sakaling hindi pa nila alam ang kahulugan ng mga termining ito. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT