MC Spotlight

MC Spotlight: Railkid

Muling nagbabalik ang MC Spotlight! Ngayon ay kakausapin natin ang isa sa mga representante ng Mandaluyong, si Railkid.

Anonymous Staff
October 20, 2023


Sa panahon na kung saan marami ang sumasabay sa uso para makilala agad, isa siya sa iilan na tumahak ng sariling landas. Matagal na siyang aktibo sa larangan ng underground at kailanman ay hindi nawala ang dedikasyon niya sa sining na ‘to. Agad din siyang nakabuo ng stilo na masasabi niyang sa kanya lang. Imbis na umasa sa tipikal na paraan ng pagsulat ng rap ay pinili niyang mag-eksperimento pagdating sa tugmaan.

Mula sa siyudad ng Mandaluyong, ating alamin ang kwento ng emcee na si Railkid. Kailan siya nagsimula? Bakit unorthodox ang gusto niya? Ano ang kwento sa bago niyang proyekto? Sino ang mga impluwensya niya?  Yan ang at iba pang mga katanungan ang sasagutin niya dito sa bagong kabanata ng MC Spotlight. Simulan na natin…

1. Kailan ka nag simula mag rap?

2010-2012 nagsimula bilang tiga-pakinig muna, then 2013 yung talagang nagsulat, nakapag record ng disente, naalala ko unang recording ko ay kila Pikaso, kaputukan ng turf, kaya whats up kay PK! Sabay natuto na din ako mag freestyle at nakalahok ng rap contest, tas tuloy tuloy na.

2. Ano ang kwento sa emcee name mo na Railkid? 

Simple lang, Ito ay dahil sa lugar na kung saan ako ay nagka-malay dahil dating daanan din ito ng riles ng tren, minsang naging parte ang lugar ko ng lumang PNR, and by that nais ko lamang i-honor ang history ng lugar ko dito sa Mandaluyong City.

3. Meron ka bang nirerepresentang kolektibo? Ano ito?

Oo, at Ito ay tinatawag naming Longhaul Global Communications.

4. Nakilala ka sa kakaibang paraan mo ng pagtugma ng mga salita. Ganito na ba ang stilo mo nung nag-simula ka?

Hindi ako ganito nagsimula, sa katunayan tipikal na pag bitaw lang ang ginagawa ko, hanggang sa nakapag research at inaral ko talaga itong sarili kong estilo mula scratch dahil minsang nakapag formulate ako ng mga formats/template kung paano ipasok ang mga tugma sa una, sa gitna, at minsan ay nasa loob pa nga, sa katunayan na boring ako sa tipikal na laro na palaging sapak lang ng sapak yung tugma sa hulihan at sa pakiramdam ko din ay na outgrown ko yung estilo na alam ng lahat, kaya naisipan kong gawin na din yung hindi masyado nagagawa bukod pa diyan ay mas nagsaliksik pa ako sa mga figures of speech lalo noong mga free time ko sa school kaya't laging laman ng library, nahilig din akong magbasa ng mga Filipiniana books, ibat-ibang klase ng poems, idioms, at dictionary. Sa totoo lang ay dinadama ko lang din ang sarap ng pagsusulat, yung paglalaro sa pagbigkas, paglaro sa salita, kung ano yung alam kong swabe sa puso ko, sasabihin ko yun, parang isang jazz drummer na dire-diretso sa pag-palo sapagkat dinadama niya lang ang kanyang sariling groove. Pero ayun! araw-araw din akong nag eensayo at masasabi ko lang na ang sarap maging Hip-hop.

5. Maari mo bang ibahagi sa amin kung ano-ano na ang mga nilabas mong album at/o EP?

Oo naman. Simula 2018 hanggang 2021 ay naka-apat na project na ako ng Album at EP, 
Makikita ninyo lahat yan sa link na ito, pero narito ang listahan ng mga sumusunod kong proyekto: 

1. KARATULA 
2. LONGHAUL EP 
3. PAMATO 
4. MGA KAHON MULA BODEGA 

And take note... No features lahat ng yan HAHA! At ngayong 4th quarter ng 2023 ay magiging pang-lima itong pangalawang project namin ni Six the Northstar, at ang title ng album namin ay "Anim na Mukha at si SYKE ang kaisa-isa naming guest sa album na yan.  Abangan at dapat niyong pakinggan yon, pero sa ngayon may dalawang Singles na kami na nailabas mula sa album, maari ninyong mapakinggan sa link na, nai-provide ko above, at syempre  bukod pa diyan ay madami pa akong sasabihin.

6. Ano sa tingin mo ang pinagkaiba ng "Anim na Mukha" sa mga nakaraan mong proyekto? 

Mas disente, dahil may plano talaga na nakalatag, pinaka unang project ko din na may backup ng mga kaibigan pagdating sa mga execution ng plano, such as brainstorming, shoot ng mga album cover, designing at pag conceptualize ng manner ng album, maging tiga bigay ng gabay sa outcome ng tunog ng bawat kanta sa album. Masasabi kong itong padating namin na album ay decent, professional, organize and may direction talaga.

7. Pangalawang kolaborasyon mo na 'to kay Six the Northstar. Kumusta siya katrabaho at bakit siya ang napili mong producer? 

Sa totoo lang tiga-hanga lang talaga ako ni Six the Northstar noon, before pa nakikinig ako sa mga instrumentals/beats nya at talagang gusto ng puso ko yung mga gawa niya, at gawa na din na minsang nagkaroon ako ng mga kaibigan sa grafitti gaya ng TCMF kaya dun ako mas na introduce sa mga producers dito locally dahil may time na isang bilog sila nun, and by that naging tahimik lang akong tiga-pakinig at tiga suporta. Sabay nakilala ko siya personally thru Eli, ayun tuloy tuloy na, nagkasundo sa mga gusto na tunog, pinakikinggan, influences, at the same time na develop na din ang pagkakaibigan, at kung kumusta siya katrabaho, hmm para sa'kin, direct to the point siya na tao, walang madaming sabi, trabaho agad, and parehas din kasi kaming may day job kaya naba-value namin ang time ng bawat isa, kaya kapag may mga sini-send siya na beats, susulatan ko talaga agad and paglalaanan ng oras pag isipan ng tema at eensayuhin. Masaya siya katrabaho, isa sa pinaka hiphop na tao na nakilala ko HAHA!

8. Ano ang proseso mo sa pagsulat ng kanta?

Madami at iba-iba, natural na dumadating sa loob ko, nahipan na din ata ako hangin dahil freestye sa utak palagi HAHA! Madalas nauuna yung tema, dahil masaya mag conceptualize ng tema eh, lalaruin mo eh, yung letra naman madali na dahil freestyle sa utak sabay sulat din agad, minsan naman kapag nasa labas ako, may magma pop-up na idea, gagawin ko iti-take note ko kaagad yun, pero ang mas naging consistent sa'kin na mga paraan is yung pagligo, paglalakad, pagbi-bisikleta, at ehersisyo dahil sa mga activity na yan mas nakakaisip ako ng mabuting konsepto ng isang kanta.

9. Ano ang iyong top 3 na album (local at foreign)? Nakatulong ba ang mga ito sa pag-gawa mo ng mga kanta?

Foreign: 
1. Sour Soul - BADBADNOTGOOD & Ghostface Killah
2. Cheat Codes - Danger Mouse & Black Thought
3. Donuts - J Dilla

Local:
1. Happy Battle - Francis M.
2. Bukas Uulan ng mga bara - DJ Arbie Won & Kemikal Ali
3. Contra Tiempo - Sandwich

Oo naman, nakatulong ang energy nila dahil masaya pakinggan ang buong album kahit paulit ulit. 

10. Sino naman ang iyong top 3 na emcee (local at foreign)? Gaya ng tanong sa 9, may naitulong ba sila sa mga bara mo? 

Sa ngayon ito naiisip ko:

Foreign:
1. Black Thought
2. Action Bronson
3. Boldy James

Local:
1. Kemikal Ali
2. Batas
3. Eli

Yes, nakatulong din dahil masarap silang pakinggan syempre, and gusto ko sila mag perform ng live.

11. Para sayo, kumusta ang lagay ng lokal na eksena ng hip-hop ngayon?

Okay lang, steady haha, 'di ako madali ma-impress sa ngayon eh HAHA! Konti lang ang magagaling at mabibilang mo yung totoong may pakialam talaga sa hiphop, at makikita mo din naman yung mga gumagatas lang, sapakin ko pa kayo eh! HAHA! 

12. Kumpara sa era ng hip-hop na kinalakihan mo noon, ano ang pinagkaiba nito sa era ngayon? Ano ang mga na-improve nito at mga tingin mong dapat pang iimprove? 

Of course dati medyo limited ang mga events, and sasali ka talaga sa mga rap contest para makapag create ng network, talagang magta-tiyaga ka dumalo sa mga events para din mai-showcase mo yung talento mo sa pag sulat, ganyan yung inabot ko noon, pero ngayon ay may social media na at madali ka na makapag connect sa mga tao, at abot kamay na din ngayon na makapag release ng kanta lalo kung may maayos na equipment ka na, kaso lahat naman naging feelingero na, akala nila ganun lang mag release ng kanta haha, ending nawawalan ng saysay at may mailabas lang, 'di nila alam saksakan sila ng kabaduyan. Sa improvements naman, may pataas na part na din naman ang estado ng hiphop dito dahil napapansin na din at nirerespeto na din ng iilan yung craft na 'to, at feel ko naman mas may iimprove pa yung estado sa ngayon, sana.

13. Aktibo ka pa bang nanonood ng FlipTop? Sino ang paborito mong battle emcee ngayon at ano ang pinaka tumatak na laban sayo?

Magiging honest ako, dahil hindi na masyado nakakanood  sa live, huling nood ko ng live ay yung battle pa sa FlipTop festival at pre-pandemic pa nga yun, sa ngayon YouTube na lang din muna nakakasubaybay, at paborito ko na battle emcee na active ay si Sayadd maski naman noon pa, at ang pinaka tumatak na battle sa'kin ay Abra vs Zaito, kahit paulit ulit ko panoodin sa YouTube lehitimo pa din yung tawa eh HAHA!

14. May balak ka rin bang maging battle emcee o mas gusto mong tumutok lang sa musika?

Hindi ko din naman sinasara yang sarili ko sa opportunity na 'to pero yung element ng competition yun yung masarap kasi eh, yung bungguan ng ulo talaga, pero sa ngayon hindi ko siya naiisip dahil lamang din talaga ang pagsulat ng musika są akin, masaya ang puso ko dito. Pero malay natin, ayoko din naman pangunahan, confident din naman ako sa skills ko at masasabi ko din kaya kong mag battle, kaya hindi ko sinasara ang pinto papunta dito.

15. Ano ang mga maaasahan namin sayo sa mga darating na buwan at taon?

Albums, dahil madami pa akong sasabihin.

16. Ano ang maipapayo sa mga nagsisimula palang sa larangan?

Wala eh dahil sino ba ako!? HAHA! Pero sa mga whack talaga, tigil mo na wag kana maki-siksik dito sipain pa kita eh HAHA! Pero ito seryoso, consistency at composure dahil itong hiphop marathon ito kailangan mong mag tiyaga kung talagang nasa puso mo ito, at muli ako nga pala si Railkid at nandito ako para sa longevity. Peace.

Suportahan ang mga album at EP na nilabas ni Railkid. Syempre, abangan din natin ang susunod niyang obra. Para sa mga karagdagang updates, sundan niyo lang ang opisyal na pahina niya pati ng Longhaul Global Communications sa Facebook. Salamat ulit kay Railkid hindi lang para dito, kundi para sa patuloy na pagtulak ng kalidad na lirisismo at tunog.  



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT