Walang duda na hanep yung pagbabalik ng Won Minutes nung nakaraang taon. Pagusapan natin ulit!
Magiisang taon na simula nung nilabas ng FlipTop ang poster ng Won Minutes Luzon 2024. Sobrang lupit nung event at ang maganda dito ay nagsisimula palang ito. Nasundan ito ng dalawa pang events sa Metro Manila at isa sa Cebu. Bawat gabi ay nag-iwan ng marka sa eksena ng battle rap at hip-hop sa Pinas. Ating alamin kung bakit nga ba sobrang makasaysayan ang pagbabalik ng Won Minutes nung nakaraang taon.
Patunay lang ‘to na sobrang dami talagang malalakas na emcees sa underground. Sa totoo nga ay kulang pa ang apat na event para mabigyan ng tsansa ang mga malulupit na baguhan. Sa mga hindi nakapasok, wag kayo mapanghinaan ng loob. Baka kayo na yung mapili sa susunod o kaya naman ay kailangan niyo pang hasain lalo ang inyong materyal at paraan ng pagtanghal. Ang mahalaga ay huwag kayong tumigil sa pag-rap at galingan niyo lang nang galingan.
Dahil sa Won Minutes ay mas mas lumawak pa ang liga. Maliban sa maraming bagong emcees sa lineup, marami ring bagong stilo ang nadiskubre. Meron na agad mga bagong iniidolo at siguradong madadagdagan pa yan ngayong taon. Sino mga inaabangan niyo sa kanila? Share niyo lang sa comments! Malay niyo may mga sasali sa Isabuhay 2025, diba? Pano kung isa pa sa kanila yung nag-kampeon? Kaabang-abang ang mga mangyayari.
Sa usapang torneo, dahil sa Won Minutes 2024 ay nagkaroon ng Dos Por Dos2. Piniling tutukan ng FlipTop ang bagong henerasyon para dito at sulit naman ang naging desisyon. Naging mas unpredictable ang mga laban at nabigyan ng karapat-dapat na spotlight ang kakayahan ng mga sumali. Unti-unting tumataas ang views ng uploads, kaya kung hindi mo pa napapanood, huwag mo na pagisipan pa. Panoorin at mamangha sa susunod na mga big names ng FlipTop.
Bagama’t hindi kasing daming ng Ahon o Bwelta Balentong ang bilang ng mga pumunta, masasabing matagumpay pa rin ang mga Won Minutes nung 2024. Mas maliit ang mga venue kumpara sa major events ng liga pero walang gabi na nilangaw ang mga ‘to. Nakita sa apat na okasyon na ‘to na may mga solidong sumusuporta talaga sa ating eksena. Buhay lagi ang crowd at wala silang mga tinutulugan na battle. Salamat sa tiwala niyo! Kahit hindi mga sikat o bigating pangalan ang nasa poster ay pinili niyo pa rin manood live. Yan ang tinatawag na suportang tunay.
Magkakaroon ba ulit ng Won Minutes sa 2025? Wala pang impormasyon tungkol diyan pero habang wala pang announcements, balikan ang mga nakaraang uploads mula sa 2024. Baka may ilan ka pang hindi napapanood na malupit pala. Patuloy din nating suportahan ang mga underground na liga sa bansa. Ang dami na ngayon! Malay mo meron na din pala diyan sa lugar niyo. Tandaan na lahat ng mga sikat ngayon ay nagsimula rin sa ilalim. Huwag tutulugan ang bagong henerasyon ng artists.
WATCH: Won Minutes Luzon 2024 1, 2, 3 | Visayas 2024
Isa ka ba sa mga naka-attend sa Won Minutes 2024? Tara at magkwentuhan sa comments section. Para naman sa susunod na events o proyekto ng FlipTop, sundan nalang ang kanilang pahina sa Facebook para maging updated. Maligayang anibersaryo din nga pala sa liga. Labinlimang taon na sila grabe! Umaasa kami na mas magiging matindi pa ang mga darating na taon. Mag-ingay!