General

2024 Isabuhay Finals: Sino Ang Magkakampeon? (Ayon Sa Fans)

Malapit na ang finals ng 2024 Isabuhay Tournament. Eto ang predikyon ng ilang fans.

Ned Castro
October 16, 2024


Papalapit na nang papalapit ang finals ng 2024 Isabuhay Tournament. Wala pang eksaktong petsa pero malamang sa Disyembre ito gaganapin sa Ahon 15. Marami na ang nagsasabi na ang torneo ngayong taon ay isa sa pinaka matindi sa kasaysayan ng liga. Mula unang round hanggang semis ay ang daming mga laban na pwedeng mapabilang sa battle of the year. Mataas din ang ekspektasyon ng karamihan sa finals. SPOILER ALERT sa mga hindi updated! Si GL at Vitrum ang maghaharap! Dalawang emcee na grabe yung pinakita sa nakaraang mga taon at kahit magkaiba sila ng stilo, parehas silang tumatak sa mga manonood.

Nagtanong kami sa ilang mga solidong tagahanga ng FlipTop kung sino ang tingin nilang maguuwi ng kampeonato. Anim ang tinanungan namin at sinigurado namin na pantay ang representasyon ng dalawang finalist. Opinyon nila ‘to kaya kung hindi ka sangayon, wag mo na sila awayin. Lahat naman tayo ay may kanya-kanyang pananaw lalo na dito sa battle rap. Simulan na natin! 

Fan 1: GL
Para sakin, pagaling nang pagaling si GL. Tingin ko sa finals niya ilalabas yung “full form” niya. Magpapakita ulit siya ng bagong meta at mas magiging agresibo siya. Siya yung tipong emcee na hindi tinatablan na personals o mga magagaspang na bara. Matatalo mo lang siya kapag pinantayan mo yung pen game niya. Excited na ako mapanood siya ulit!

Fan 2: Vitrum
Kung napanood mo yung Bwelta Balentong 11 live, alam mong sobrang nag level up si Vitrum. Akala ko hindi na mahihigtan yung dark humor niya pero nagawa niya ‘to. Grabe! Kahit hindi ako kalaban nararamdaman ko yung hapdi ng bawat linya. Malaki lamang niya kung ang usapan ay personals at haymakers. Isama mo pa yung gigil niya sa pag-deliver at talagang malaking banta siya sa finals.

Fan 3: GL
Sa battle rap, preference ko talaga yung teknikalan kaya kay GL ako dito. Hindi lang siya basta-basta teknikal eh. Pinagiisipan niya bawat linya at anggulo at sinisigurado niya na may kakaiba siyang ipapakita sa bawat laban. Ang husay din niyang bumasag ng stilo ng kalaban sa pinaka creative na paraan at hindi yung tipikal na style mocking lang. Tingin ko may pasabog siya sa finals at siya ang magiging kampeon ng 2024 Isabuhay Tournament.

Fan 4: Vitrum
Saludo sa mga purong lirkal na emcees! Hanga ako sa inyo kahit dati pa pero nakakamiss din yung stilo na talagang pang wasakan ng diwa at yan ang nakita ko kay Vitrum. Nung una ay hindi ko siya gaano napapansin pero simula nung Bwelta Balentong 10, napansin ko na grabe hindi lang yung improvement niya sa entablado kundi pati sa kanyang materyal mismo. Sobrang epektibo ng mga rekta niyang linya at marami siyang anggulo na magugulat ka. Prediksyon ko sa Ahon 15 ay magwawagi si Vitrum pagkatapos ng tatlong brutal na rounds!

Fan 5: GL
2021 palang idolo ko na siya at ngayong taon ay isusuot na niya ang korona na karapat-dapat lang sa kanya. Walang makakatanggi sa malaking improvement pati sa mga naambag ni GL sa liga. Siya na ang itinuturing na meta ngayon at palagay ko ay marami pa siyang bagong ipapakita sa atin. Oo, mula wordplays hanggang metaphors ay na-master na niya pero isa pang kahanga-hanga sa kanya ay ang kanyang husay sa paggawa na tema sa laban. Bilang kapwa manunulat, marami akong natutunan sa stilo ni GL at siya ang prediksyon ko na magkakampeon. 

Fan 6: Vitrum
Nung napanood ko siya live sa Ahon 15, sinabi ko sa sarili ko na sana sumali si Vitrum sa 2024 Isabuhay. Ayun, natupad yung hiling ko at ibang klase yung improvement niya sa sulat, presensya, at delivery. Yung materyal niya grabe! Matagal na akong nanonood ng battle rap at yung sulat niya ang isa sa pinaka brutal at magaspang na narinig ko. Ang maganda pa dito ay nahahaluan pa rin niya ng creativity ang bawat masasakit na bara. Pagdating sa presensya at delivery, sobrang litaw na yung kumpyansa niya ngayon. Dahil diyan, siya ang tingin kong magkakampeon sa finals.

WATCH: 2024 Isabuhay

Kayo? Sino sa tingin niyo ang magkakampeon sa Ahon 15? Huwag mahiyang sabihin sa comments section. Sundan niyo lang ang pahina ng FlipTop sa Facebook upang manatiling updated sa finals, Ahon 15, at iba pang events na paparating. Abangan niyo rin syempre yung videos ng Isabuhay semis. Sobrang sulit yun!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT