Naghahanap ka ba ng bagong soundtrip? Eto ang ilan sa mga Pinoy hip-hop na proyekto na nilabas nung mga nakaraang linggo.
Ilang buwan nalang at magtatapos na ang taong 2024. Ang bilis eh noh? Maliban sa mga makasaysayang battles ay marami ring nilabas na proyekto ang ating lokal artists. Sa sobrang dami ay kulang ang isang artikulo para ilista ang mga ‘to. Sa nakaraang dalawang linggo palang ay busog na tayo sa mga kalidad na materyal. Sa mga naghahanap ng bagong papakinggan o papanoorin, eto ang mga mixtapes at kanta na nilabas mula ika-7 hanggang ika-20 ng Oktubre.
Hindi na namin niranggo ang mga nakalista para maiwasan ang magulong diskusyon. Ang tanging hangarin nito ay I-promote ang mga pinaghirapan ng ating emcees at producers. Para rin ‘to sa mga bagong fan palang o kaya mga interesadong pumasok sa mundo ng Pinoy hip-hop. Huwag na natin pahabain pa. Magsimula na tayo!
Flict-G - TikTok Live feat. K-Ram & Lhipkram
Pang-apat na kanta sa solo album ni Flict-G na “Kuwento”. Nakipag-collab ang beteranong rapper kay K-Ram at Lhipkram upang ikuwento ang isang magandang babaeng nakita nila sa live ng sikat na app, kaya ang pamagat ay “TikTok Live”. Si K-Ram ang nagbigay ng mahusay na boses sa koro habang pinamalas naman nila Flict-G at Lhipkram ang kanilang malupit na rhyme schemes at imagery sa mga berso.
Flict-G - Inosentensya feat. Lirico
Isa na namang kanta galing sa “Kuwento” album. Dito sa “Inosenstensya”, kasama ni Flict-G si Lirico para dalhin tayo sa utak ng isang inosenteng taong nakulong. Kahanga-hanga ang pinakitang galing ng dalawang emcee sa sining ng storytelling.
A$tro - WA$$UP
Itinuloy ni A$tro ang pag-kuwento ng samu’t saring mga karanasan niya sa kalye at eksena ng musika sa bago niyang mixtape na pinamagatang “WA$$UP”. Walang kupas ang kanyang creativity, swabeng delivery, at abilidad sumabay sa kahit anong stilo ng beat. Hanep din yung lineup ng mga artist na nakasama niya dito.
Gloc-9 feat. Arvy T –DEBU
Nilabas ang music video ng kantang "DEBU” nila Gloc-9 at Arvy T nung Oktubre 13. Pinakita ng dalawa ang kanilang hindi maitatangging husay hindi lang sa flow kundi pati sa pagsulat ng mga matatalas na linya. Swak yung tunog ni BTDT Beats sa agresibong stilo ng mga berso.
Nik Makino - Meta Mixtape
Marami nanaman tayong maririnig na hits mula kay Nik Makino dahil nilabas na niya ang kanyang “Meta Mixtape”. Nananatiling solido ang paghalo niya ng rap at r&b pati sa pagpili ng mga konsepto. Garantisadong papatok din yung mga beats dito sa mga club at kalye.
Sur Henyo - Magkasama
Pagkatapos ng matagumpay na “Kampay”, naglabas ulit si Sur Henyo ng isa na namang potensyal na hit single. Sa “Magkasama”, pinakita niya ang kanyang walang kupas na pagmamahal sa kanyang kasintahan na matagal na niyang hindi nakikita. Bagay na bagay ang pa-kantang stilo ng 2017 Isabuhay finalist sa nilapat na masayang instrumental ni Clinxy Beats.
Frooz feat. Harlem - DAMN
Nagsanib-pwersa ang dalawang beterano ng FlipTop para sa isang malupit na awitin. Kung fan ka ng teknikal na sulatan at multisyllabic na tugmaan, tiyak na matutuwa ka sa atake nila Frooz at Harlem dito sa “DAMN”. Maliban sa mababangis na bara, epektibo din ang swabe pero delikadong beat ni Tan Espino.
G-Clown feat. Arvy T - TAHAK
Nung isang araw lang ay nilabas ni G-Clown ang bago niyang kanta na “TAHAK”. Kasama niya dito si Arvy T at kanilang ikuwinento kung pano nila nilagpasan ang lahat ng mga pagsubok para makamit ang pangarap. Nakakamangha ang mga binanat nilang tugmaan at flow na talagang bumagay sa beat na may impluwensya ng rock.
GA feat. Yuridope – Malupitan
Flinex nila GA at Yuridope ang kanilang tagumpay sa “Malupitan” pero ganunpaman, pinaalala nila na hindi ito madali at kailangan mong magsumikap upang makamit ito. Kalmado ang atake nila sa kanta at ganyan din ang ginawa ni RB Slatt sa beat. Ito yung mga masarap patugtugin pag nasa road trip o kaya sa mga inuman kasama ang tropa.
Midnasty – Kalidad
Malayo na ang narating ng Midnasty sa eksena at pinagdiwang nila ito sa kantang “Kalidad”. Patuloy nilang nirerepresenta ang Bisaya sa kanilang liriko at hanggang ngayon ay nakakamangha pa rin ang kanilang kombinasyon ng pag-rap at kanta. Siguradong maraming mapapaindak sa trap na beat nito.
Pricetagg feat. CLR - Chillin Like A Villain
Nagsama muli sila Pricetagg at CLR para sa awiting “Chillin Like A Villain” at yung music video ay nilabas nung ika-17 ng Oktubre. Masasabing ito ang part two ng hit song nila na “Kontrabida” dahil sa tema ng pagiging totoo sa sarili. Matindi pa rin ang palitan ng dalawa at nakita rin dito ang ebolusyon ng tunog ni Mark Beats.
Zae - Oops I Did It Again
Nag-alay na naman ng isang posibleng club hit si Zae. Sa “Oops I Did It Again”, ipinangalandakan niya na siya ang reyna gamit ang kanyang catchy na mga rima, swabeng delivery, at malakas na karisma. Pagpupugay naman sa early 2000s mainstream hip-hop ang solidong beat ni NO LIMIT.
DiCe and k9 feat. Hi-C, Garvie – HOLDING IT DOWN
May bagong kanta ulit sila DiCe at k9 na may malaking tsansang maging hit. Kasama nila sa “HOLDING IT DOWN” si Garvie at kapwa beterano na si Hi-C at pinasalamatan nila dito ang lahat ng mga tao na patuloy silang sinusuportahan sa kanilang paglalakbay. Si k9 ang gumawa ng beat at tiyak marami itong mapapasayaw.
READ ALSO: Latest Releases from FlipTop Emcees (July 7-October 7 2024)
Pasensya na kung sakaling may mga nakalimutan kaming ilagay. Pakisabi nalang sa comments section. Syempre, abangan din yung mga paparating pa na proyekto. Siguradong madami pa yan, mula mainstream hanggang underground. Panatilihin nating malakas ang eksena sa pamamagitan ng patuloy na pagsuporta sa sariling atin.