Ano ang mga nangyari sa ikapitong Ahon event? Isang fan ang magkwekwento sa’tin!
Sisimulan ko agad sa pangungusap na ‘to: isa ang Ahon 7 sa pinakamasayang FlipTop event na napanood ko live. Sa sobrang saya ko pati ng apat na tropa kong kasama ay talagang tinago pa namin yung ticket bilang remembrance! Bakit nga ba makasaysayan ito? Halina’t bumalik muli sa ika-16 at 17 ng Disyembre 2016 sa San Juan Gym. Salamat nga pala sa liga para sa pagbigay sa’kin ng oportunidad magkwento sa inyo.
Ito ang unang Ahon event na napuntahan namin kaya matik na espesyal na ‘to agad. Pagpasok palang namin ng venue sa day 1 ay ramdam na namin agad na parte kami ng kasaysayan. Ang daming tao at nagulat kami na maraming emcees ang tumatambay lang sa gilid. Laking tuwa namin dahil marami ang mga pumayag na magpapic sa’min. Hindi muna namin inistorbo yung mga may laban dahil baka masira ang konsentrasyon nila. Grabe yung excitement na madarama mo pag aakyat na si Anygma sa entablado para simulan yung programa.
Syempre, sa Ahon 7 natin nasaksihan ang pagiging kampoen sa Isabuhay ng Hari ng Tugma na si Loonie. Ilang beses ko na siya napanood nun pero tumataas pa rin ang balahibo ko pag nagrarap na siya. Todo namangha kami sa multis niya at ang lakas ng tawa namin sa kanyang simple pero bentang jokes. Marahil maraming magsasabi na bodybag ito pero sa totoo lang ay hindi. Bumilib kami sa pinakita ni Plazma lalo na sa paghalo niya ng horrorcore at komedya. Dikiti na laban ‘to pagdating sa content pero lumamang talaga si Loonie sa pagiging “complete package”.
Ang tindi ng enerhiya namin sa laban nila Shehyee at Sinio. Bumenta sa’min yung jokes nila pero ibang lebel ang kanilang personals. Marami mga linya na todo react kami dahil sa sobrang sakit ng mga ‘to. Eto yung bakbakan talaga at literal bawat segundo ay inaabangan namin ang mga sasabihin nila. Ganyan din ang naramdaman namin sa Batas vs PriceTagg. Mas teknikal naman ‘to at dahil tagahanga kami ng ganitong stilo ay laking tuwa namin sa pinakita nila. Maliban sa solido na pen game, tumatak sa’min ang kanilang agresyon. Sa sobrang dikdikan ng labang ‘to ay ayos lang sa’min kahit sino ang manalo sa kanila.
Hindi pa kami ga’no pamilyar kayla CripLi, Towpher, Lanzeta, at Invictus nung panahon na ‘to kaya nagulat kami sa performance nila. Style clash ‘to at ang matindi pa ay tumodo ang dalawang pares sa kani-kanilang taktika. Pagkatapos ng tatlong rounds ay agad na kaming naging fans nilang apat. Isa sa mga pinakadikit na laban sa Ahon 7 ay yung Apoc vs Apekz. Grabe yung palitan na ‘to. May komedya, teknikalan, multis, at flow at epektibo ang bawat isa. Deserve ni Apekz ang panalo pero hindi kami magrereklamo kung sakaling si Apoc ang pinili ng mga hurado.
Masasabi naming “comedy gold” yung Shernan vs Lil Sisa. Sobrang creative ng mga bara at anggulo nila at sinigurado ng dalawa na kahit simple yung materyal nila ay tatatak pa rin sa’ming mga manonood. Malaki rin talaga ang naitulong ng kumpyansa nila. Alam mong sanay na talaga silang magtanghal sa entablado. Pinatunayan nila dito na pwede pa ring magkaroon ng wholesome na laban sa battle rap. Nung inupload ‘to ay pinapanood ko agad sa mga magulang ko at sobrang natuwa sila.
Yan ang ilan sa mga pinaka nagmarkang laban sa’min pero nagustuhan naman namin halos lahat. Ganyan katindi ang Ahon kada taon kaya kung wala ka pang ticket para sa susunod ay dapat bumili ka na. Pangako namin na hindi ka mabibigo, kahit hindi ka pa fan ng battle rap. Totoo na iba pa rin talaga pag live. Ngayong Biyernes at Sabado ay gaganapin ang ika-labinlimang kabanata ng Ahon. Hindi namin papalagpasin yan! May tickets na kami kaya kita kits nalang tayo sa The Tent. FlipTop habambuhay!