General

6 Na Bagay Na Pwede Mong Gawing Habang Naghihintay Ng Bagong Video

Hindi pa ba inuupload ang inaabangan mong laban sa FlipTop? Relax lang, tsong! Eto ang mga pwede mong gawin habang wala pa yung video.

Ned Castro
November 23, 2021


   Pagkatapos ng paligsahan, hindi agad-agad napapanood online ang mga laban na naganap. Dahil hangarin ng FlipTop ang mabigyan kayo ng kalidad na video, naglalaan sila ng mahabang oras sa pag-eedit ng mga  ito. Malulugi rin yung mga taong lumakbay mula sa malayo o nag-ipon para makanood live. Baka wala nang pumunta sa susunod kung ilalabas naman pala agad sa YouTube yung mga duelo. Kaya habang naghihintay ka ng bagong upload, ito ang 6 na bagay na pwede mong gawin. 

6. Balikan ang mga lumang laban ng FlipTop at panoorin ang iba pang videos

   May higit 700 na battles na sa channel ng FlipTop, kaya malaki ang tsansa na may mga hindi ka pa natutuklasan. Bigyan mo ng pagkakataon yung mga hindi masyadong sikat na emcee at baka mabilib ka pala sa istilo nila. Maari mo ring balikan yung mga napanood mo na dati, baka may ibang mga linya na mas mauunawan mo na ngayon. 

   Maliban sa mga solidong duelo, mayroon ding mga nakakatuwang segments tulad ng “DasWak” at “Unggoyan”.  Kung gusto mong marinig ang pananaw ng mga emcee sa laban nila, nandiyan ang pre at post battle interviews. Marami pang mga programang paparating mula sa liga, kaya abang-abang nalang.   

5. Panoorin ang ibang mga liga

   Sila EJ Power, Invictus, Lanzeta, Mhot, Sur Henyo, at marami pang bigating FlipTop emcees ngayon ay nagsimula sa ibang mga liga. I-type mo lang sa YouTube ang “Rap battle league Philippines” at siguradong makakahanap ka ng ginto. Malay mo, baka diyan mo makita ang susunod na kampeon ng Isabuhay. 

   Kung gusto mong lumawak pa ang iyong kaalaman, panoorin mo din ang mga liga sa ibang bansa. King of the Dot at URL ang maaring pinaka kilala ngayon, pero tiyak na madami ka pang madidiskubre. Aktibo din ang eksena ng battle rap sa Australia, United Kingdom, Russia, at New Zealand. 

4. Makipag-diskusyon sa mga kapwa taga hanga

   Imbis na makipagmurahan o mag-lokohan sa comment boards ng FlipTop, bakit hindi ka nalang magsimula ng makabuluhang diskuyson? Kapag hindi ka sang ayon sa mga nagsasabing “daya” ang isang laban, mag-bigay ka ng detalyadong eksplanasyon. Walang mapupuntahan  ang usapan kung idadaan mo lang sa bastos na salita. Baka magkaroon ka pa ng mga bagong kaibigan pagkatapos ng isang maayos na debate. 

3. Pakinggan at panoorin ang ibang mga obra ng emcees

   Hindi sa digmaan ng letra umiikot ang mundo ng mga emcee. Ibinibuhos din nila ang kanilang isang daang porsyento sa musika. Kaya kung tunay na taga hanga ka nila, suportahan mo rin ang kanilang mga kanta, album, at music video.  Tulad nga ng palaging sinasabi ni Anygma, “slam dunk contest” lang ang battle rap. Ang tunay na tagumpay ay nasa nilikhang mga awitin pa rin. 

2. Aralin ang kultura ng hip-hop

   Walang masama sa pag-tangkilik ng FlipTop kahit hindi ka hip-hop, pero maganda rin kung iyong pag-aaralan ang kultura. Maliban sa Rap, nandiyan ang “turntablism”, “breakdancing”, “graffiti”, at “beatboxing” na maaaring magustuhan mo. Garantisadong maraming resulta ang lalabas sa Google kapag tinype mo ang “hip-hop culture”. May ilang mga artikulo din sa website ng liga na makaka dagdag sa iyong kaalaman. Sa sobrang lawak ng kultura, hindi ka magsasawang saliksikin ito. 

1. Pumunta sa mga event

   Kung talagang hindi mo kayang mag-hintay ng upload, bakit hindi mo subukang manood nang live sa susunod (pag tapos na ang pandemya syempre)? Itanong mo sa lahat ng mga nakapunta na dati at sasabihan nila na sulit ang binayaran nilang ticket. Magkakaroon ka pa ng pagkakataong magpapicture o makipag-usap sa mga paborito mong makata at makabili ng iba’t ibang merchandise.

   Masaya at kakaibang experience din ang manood ng mga event na puro tugtugan lang at walang laban. Dito mo mas mauunawaan ang kanta ng mga battle emcee at ang iba pang mga elemento ng hip-hop.  Halos kada linggo ay may ganitong event, huwag kang mahiyang pumunta kung bakante ka.  

   Ngayong tapos mo na itong basahin, hinay-hinay lang sa pag-sabi ng “ang tagal naman ng upload! Nakakawalang gana!” Ilalabas naman yung mga inaabangan mong engkwentro, kaya relax ka lang. Gawin mo muna ang mga nasa listahang ito at siguradong hindi ka lang mag-eenjoy, may matututunan ka pa. 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT