Music Reviews

No Mannas – KNMH (EP Review)

May bagong nilabas ang No Mannas! Ating i-rebyu ang EP nilang “KNMH”.

Ned Castro
July 13, 2022


   Dalawang taon pagkatapos ilabas ang kanilang album na “Make It Happen”, ipinamahagi ng grupong No Mannas ang EP nila na pinamagatang “KNMH”. May anim na kanta at lahat ng tunog ay nilikha ni MC Beats. Mapapakinggan niyo ito sa opisyal na YouTube channel ng grupo. Sulit nga ba ang proyekto na ‘to? Alamin dito sa aming rebyu!

Lirisismo:

   Hindi na namin ginawang track-by-track ang pag-rebyu dahil bawat awitin ay umiikot sa tema na pagiging positibo at madiskarte sa buhay. Ang ibig sabihin ng KNMH ay “Kahit Na Maraming Hassle”. Diyan palang ay malalaman mo na ang direksyon ng EP. Siguro ay iisipin mo na magsasawa ka agad pero mali yan! May iba’t ibang stilo ang mga miyembro sa pagsulat at pagbigkas kaya hindi ka mauumay kahit isa lang ang tema. Makakarinig ka ng mga multi, mabilisang flow, solidong paghalo ng rap at kanta, at iba pang atake. Maraming mga berso at koro na tiyak ay mananatili sa isip mo nang matagal. Kung napabilib ka nila Thike at Hazky sa mga battle nila, siguradong matutuwa ka rin sa ipinamalas nila dito. Wag mo din tutulugan ang ibang miyembro syempre!

   Pagdating naman sa mismong mensahe, naitawid naman nila ito nang mabuti. Hindi sobrang malalaim ang mga salita at konsepto kaya mauunawaan ito ng kahit sino. Hindi lang din ‘to para sa mga rapper. Mapa estudyante, negosyante, o emplyado ay garantisadong makakarelate sa nilalaman ng proyekto. 

Produkyson:

   Boom bap ang tunog ng ikalawa hanggang anim na kanta habang trap naman ang bagsakan ng una. Sa boom bap, madarama mo ang impluwensya ng hip-hop noong simula hanggang gitna ng 2000. Dun naman sa trap, hindi pilit yung pagakda ng musika. Alam mong may tenga talaga si MC Beats sa ganitong klaseng tugtugan. Swak na swak yung swabeng produksyon. Mapapakalma ka agad pag nagsimula nang tumugtog ang beat.

   Ang tanging kritisismo lang sa EP na ‘to ay yung pagiging manipis ng mga instrumental. Kadalasan ay kombinsayon lang ng drums at keyboard, kaya maaaring magtunog kulang lalo na sa mga pamilyar talaga sa produkyson. Ganunpaman, mapapa bounce ka pa rin at hindi naman nabawasan ang epekto ng liriko.

Konklusyon:

   Kung gusto mo ng hip-hop na swabehan at maraming mapupulot na aral, pwes, para sayo ang “KNMH” ng No Mannas. Maaari mo din tong iparinig sa mga nagsasabi na puro yabang at kabastusan lang ang musika hilig natin. Maliban sa positibong mensahe, epektibo rin ang kanya-kanyang diskarte ng mga emcee sa lirisismo at ang chemistry ng buong grupo. Puntahan at I-like niyo lang ang pahina ng No Mannas sa Facebook para maging updated sa galawan nila! 

 



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT