Behind The Sound

Behind The Sound: Hirui Seki

Isa siya sa kinikilalang pinaka mapanlikha sa eksena ng Pinoy underground hip-hop. Kausapin natin si Hirui Seki!

Anonymous Staff
August 08, 2024


Lumaki sa Batangas at kasalukuyang nakatira sa Thailand. Sa musika, nagsimula siya sa boom bap beats pero hindi nagtagal ay natuto rin siyang mag-eksperimento ng iba’t ibang tunog. Kaya niyang lumikha ng agresibo o swabeng instrumental at bihasa siya sa sining ng sampling. Parte siya ng grupong IWA pati kolektibo na Namkha. Kahit wala na siya sa Pilipinas ay patuloy pa rin siyang gumagawa ng mga obra.

Para sa bagong Behind The Sound, ating alamin ang kwento ni Hirui Seki. Paano siyang nagsimula bilang producer? Ano ang proseso niya sa paglikha ng musika? Ano o sino ang inspirasyon niya sa pag tugtog? Ilan lang yan sa mga tanong na kanyang sasagutin dito. Simulan na natin…

1. Kailan at paano ka natutong gumawa ng beats? Eto na ba gusto mong gawin simula nung namulat ka sa hip-hop?

Nagsimula ako mag aral gumawa ng beats nung 2013 o 2014 hindi ko masabi yung mismong na taon. Nagimpluwensya sakin talaga yung mga tropa at kasama ko sa pag skate. Nagsskratch sila, tas ako naman napapakinig ko yung mga ilang ginawa ni Moki Mcfly na pamilyar sakin yung sample o tunog. Ang nakakatuwa nun kasi nilaro nya ayon sa gusto nya yung tunog na yun, kaya dun ako ginanahan magsimula, aralin kung paano, at ano pede ko magawa. Nagkaron na din ako ng mga kaunting idea sa hiphop dahil sa mga skate videos na napapanood namin noon, normal na napapakinggan ko lang sya, hanggang sa nagustuhan ko na rin. Oo sa pag gawa ng beat ako nagfocus at kinilala yung mga idolo kong beat maker.

2. Anong kanta (local o foreign) ang nagsilbing inspirasyon sayo bilang producer?

Hindi sya kanta e, pero soundtrack to na ginawa ni Nujabes para sa Samurai Champloo, kung narinig nyo na yung "Sanctuary Ship", hook na hook ako sa soundtrack na yun at sa iba pang mga gawa nya hanggang ngayun pinapakinggan ko parin madalas sa byahe papuntang trabaho. Nakakainspire kasi yung mga gawa nya na puro sample galing sa ibang kanta pero bibigyan nya ng sariling flavor na masasabi mong "tunog Nujabes" Tumatak din sakin yung mga kanta ng Blue Scholars na madalas namin soundtrip sa sasakyan ng tropa hehehe.

3. Sinong producer naman (local o foreign) ang nag-impluwensya sayo?

Nujabes, J Dilla, 9th Wonder, Moki Mcfly at iba pang sample based producers.

4. Ano ang ginagamit mo sa pag-gawa ng beats?

SP404 mk2 at Ableton ginagamit ko sa ngayon.

5. Ano ang proseso mo sa pag-produce? Ikaw ba yung gumagawa kahit wala pang artist na sasalang o may naiisip ka na agad na babagay sa instrumental?

Yung proseso ko ngayun, nagsosoundtrip lang ako sa umaga habang nasa byahe papuntang trabaho, naghahanap ng pede isample. Kapag gusto ko yung vibe ng sample na nahanap ko sinesave ko lang sa phone ko, tapos pag nakauwi  na ko sa bahay susubukan ko naman gumawa. Gawa lang ako ng gawa, nagsusubok at nageexplore ng bagong teknik na pede ko iapply. Pinapakinig ko din sa mga tropa yung iba kong gawa, tapos kung oks sa kanila, binibigay ko para gawan ng kanta at kung pede lapatan ng skratch, o kaya naman tinatabi ko para makabuo ng isang album.

6. Meron ka bang preference (boom bap o trap) sa tunog o depende talaga sa mood? 

Depende lang sa mood, nakakaumay din kasi kung magstick lang sa isa, mas maganda para sakin maging open mapa boombap man o trap. Mabisang pangontra ko sa nakakasanayan at para may pagbabasehan rin ako kung ano sa palagay ko mas bagay para sa mga sample na nahahanap ko.

7. Sa mga hindi pa nakakakilala sayo, maaari mo bang ibahagi dito ang ilan sa mga nakaraang proyekto mo? 

Ako yung gumagawa ng beat para sa kagrupo ko sa IWA na si Inkubus at ilang kanta ni Crispy Fetus sa "People of the Philippines" at "Sinampalukang Bulsa ng Kangaroo" tulad nung kantang "Sweldo", "Portal" at iba pa. Ako rin yung Jazz Format kung nadadaanan nyo. Lumabas din ako sa huling album ni Shrink na "Lamat" check nyo lahat yan!

8. Ano ang kwento sa bagong album mo na "This is Hirui"?

Madalas ako ngayon makinig ng mga lumang Memphis Rap, at mga 70s na soul, dun ko kinuha madalas yung samples tapos nakakatuwa rin maglaro ng vocal samples na paulit ulit at mabilis, nakakaexcite para sakin habang ginagawa ko yun. Tulad nung sinabi ko, nakakaumay din magstick sa isa, kaya sinubukan ko rin gumawa ng bago na ayon parin sa alam at gusto ko. Humingi rin ako ng tulong sa mga tropa ko na sina Bigboy, Fuwy, Inkubus at Crispy Fetus para lapatan nila ng kanta at skratch yung ilang beat na nilagay ko sa album. Ilang gabi ko rin pinagpuyatan at dinala sa trabaho yung gamit ko para ituloy tuwing lunch break haha. Nung naipon ko na yung mga ilalagay ko, nagsabi ako kay Moki na gusto ko maglabas ng album kaya tinulungan naman nya ko sa cover art. Simple lang yung album pero masasabi kong gusto ko lahat yung mga nakalagay dun.

9. Paano nabuo ang grupo niyo ni Inkubus na IWA? Makakaasa ba kami ng bagong proyekto mula sa inyo?

Nagsimula kami noong 2017 sa tulong ng tropa naming si Meninggo (RIP), sinabihan nya ko na may tropa daw sya na gusto mag rap at naghahanap ng beat, simpleng pakilala lang bato ako ng isang beat tapos lapat nya ng rap, hanggang sa nagdecide na kami magisip ng pangalan ng grupo para sa ilalabas naming kanta. Sa ngayun hindi namin masabi e, may mga ilang kanta na rin kaming naitabi pero may hinahanap pa siguro kami o hindi pa talaga kami ulit nahahype gumawa para sa IWA. 

10. Nanonood ka ba ng FlipTop? Sino ang mga paborito mong battle emcee at ano ang mga paborito mong laban?

Hindi gaano, kapag yung mga idolo kong emcee yung nakasalang nakakapanood ako. Isa na yung royal rumble nila Batas, BLKD, Goriong Talas at Tweng. 

11. Nakatira ka na sa Thailand ngayon. Kumusta naman diyan? Malakas din ba yung eksena ng hip-hop diyan?

Sarap dito lalo na yung mga pagkain haha! Sa eksena naman, hindi ako madalas lumalabas  kaya hindi ko gaano nakikita yung ibang eksena ng hip hop dito, meron din siguro sa ibang lugar. Bihira ang mga lokal na nakakaappreciate at madalas puro ibang lahi. Sa beat scene naman sa Goja, consistent yung tugtog once in a month, grateful ako kasi nakakasali ako sa ganito, kumbaga ito na yung pinakalabasan ko ng trip at isang way para maishare yung mga nagagawa ko. Madami rin sumusuporta, mababait at malulupet yung mga nakakasama ko, bonus pa pag naiimbitahan sa ibang event. 

12. May iba ka pa bang nirerepresentang kampo maliban sa Namkha? Ano-ano ang mga 'to? 

Yung Bkk Beat Cipher, follow nyo sa IG, yan yung grupo na nirerepresent namin dito sa Bangkok kapag tumutugtog kami, iba't ibang klaseng na beat makers at dj yung mga kasali dyan!

13. Ano ang masasabi mo sa local hip-hop ngayon, lalo na pag-dating sa production?

Sa local hiphop hindi ako updated gaano, kung ano yung sinasoundtrip ko noon bago ako umalis papunta dito sa Thailand, halos sila parin hanggang ngayon. Sa production sa nakikita ko madami na source na pede pagkuhanan at way para gumawa, halos karamihan sunod sa uso (ganun naman talaga) at meron parin old school na bagsakan, may mga trip at hindi trip kagaya noon, depende nalang sa taste ng nakikinig. Madami na rin lumalabas sa ibat ibang platform na pedeng masoundtrip, oks din mas madali maibahagi at mas lumalawak yung pede mo maging koneksyon sa ibang artist gamit yung social media.

14. Ano naman ang pananaw mo sa mga artist na gumagamit ng nakaw o downloaded na beat?. 

Oks lang naman, lalo na sa mga nagsisimula magrap, tsaka masarap din makinig kapag pamilyar ka sa beat na nilapatan nila tapos swak pa sa panlasa ko yung lapat ng rap. Pero pinaka dabest parin para sakin makahanap sila ng beat maker na makakasabay nila. Madalas kasi hindi napapansin yung mga beat maker, madali na rin sa internet maghanap ng pede gamiting beat. Mas maganda parin kung susuportahan nila yung mga lokal at tropa nyong beat maker, magandang way din yung makipagcollab sa kanila sa ganun nagkakaron kayo ng koneksyon at naiintroduce nyo din ang isa't isa sa mga kilala nyo.

15. Ano ang maipapayo mo sa mga nagbabalak pumasok sa beat making?

Madaming paraan para gumawa ng beat, magsimula kayo sa kung anong meron kayo, computer, smartphone, subukan nyo aralin ng aralin hanggang sa makuha nyo gusto nyo. Makinig din kayo ng iba't ibang genre at artist, makakatulong yan para malaman nyo kung ano ba talaga gusto nyo. Tsaga lang at be creative. Basta masaya kayo sa ginagawa nyo. Hindi palaging gusto nyo yung kinalalabasan, oks lang yan, enjoy naman habang ginagawa nyo yung beat yun ang mahalaga, lalo na pag umupo na yung tunog sa utak mo haha! Explore nyo lang at mag experiment kayo. Nood din kayo ng tutorials sa internet kung hindi pa kayo familiar sa gamit nyo, at wag din kayo mahiya magtanong sa ibang producer na kilala nyo. Mahirap sa una, pero nakukuha yan sa paulit ulit na practice. Enjoyin nyo lang.

16. Bago 'to matapos, may mensahe ka ba sa mga sumusubaybay sayo? Atsaka ano pa ang mga parating mo na proyekto?

Sa ngayon wala pa naman ako eksaktong plano, gawa lang at tabi ng beat. Gusto ko din bumuo ng isa pang instrumental na album pang sarado ngayung taon. Sa mga gusto makinig at makilala yung mga beat ko follow nyo yung Spotify ko, pede nyo icheck yung link ko sa FB at IG. Salamat FlipTop! Hindi ko ineexpect na mainterview ako dito!

Abangan natin ang mga susunod niyang single at album at suportahan ang mga nakaraang proyekto. Sundan mo lang ang social media accounts na binigay niya sa huling tanong para maging updated sa kanyang galaw. Salamat kay Hirui Seki sa paglaan ng oras para dito at saludo sa pananatiling aktibo sa larangan. Hindi tayo makakarining ng mga makasaysayang awitin kung wala ang mga kagaya niyang producer. Salamat din sayo na nagbasa nito. Sana mas lumawak pa ang pagunawa mo sa kultura ng hip-hop. Magkita kits tayo ulit sa susunod na Behind The Sound!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT