Hanggang ngayon, parte pa rin ng tradisyon ko sa Hip-hop ang pakikinig ng mga album nang buo. Eto ang aking rason kung bakit sa tingin ko ay dapat ipagpatuloy ‘to ng lahat.
Malaki man ang naitulong ng iba’t ibang music streaming services sa mga musikero pati sa ating mga taga hanga, marami ring mga negatibong naidulot ang mga ‘to. Dahil sa sobrang lawak ng selection, umikli ang attention span ng karamihan sa nakikinig. Hindi na nila prayoridad pakinggan ang buong album. Mas pipiliin na nilang makinig sa mga single ng iba’t ibang artists para maging “updated”.
Kung yan na talaga ang trip nila, sige lang, pero hindi na natin maitatanggi na nawawala na ang sining ng pag unawa ng full-length albums. Ito ang hinihiling ko na sana ay bumalik ulit. Nag-simula akong maengganyo sa musikang Hip-hop nung kalagitnaan ng dekada nobenta (oo na, matanada na ako). Pag nabalitaan ko na may bagong album na ilalabas ang paborito kong emcee o grupo, talagang mag-iipon ako para makabili ng tape sa pinaka malapit na tindahan.
Laking tuwa ko kapag nasa kamay ko na ang cassette. Babasahin ko muna ang loob baka may lyrics o para makita ang mga nasa “shout outs” (diyan kasi ako naghahanap ng mga susunod na i-sosoundtrip). Syempre, mas sasarap ang pakiramdam pag pinindot ko na ang “play”. Dito ko lubos na makikilala ang artist pati ang kakayahan niya. Kung baga sa libro, mababasa ko ang bawat kabanata nito. Hindi mo ‘to mararamdaman sa isang awiting lang.
Maganda ang single bilang introduksyon sa artist, pero kung nais mo siyang maunawaan pa lalo, kailangan mong marinig ang buong kwento. Masasabi ko na pwede ring magbago ang pananaw mo dito. Kunyari may isang musikero na hindi mo nagustuhan ang nilabas na awitin. Posibleng maging taga hanga ka na niya pag narinig mo na ang kanyang album.
Pinaka magandang halimbawa nito ay yung “Good Kid, M.A.A.D City” ni Kendrick Lamar na nilabas noong taong 2012. Oo, inaamin ko na hindi ako bumilib sa kanya nung una kong napakinggan yung “Bitch, Don’t Kill My Vibe” pati “Backseat Freestyle”. Sinabi ko sa sarili ko dati na wala naman pinagkaiba ang mga yan sa mga Hip-hop na puro pa-hype at yabangan lang. Ganunpaman, pinili ko pa ring pakinggan ang buong LP dahil sa curiosity. Bakit ang daming nagkaka gusto dito?
Pagkatapos ng higit isang oras, biglang napabilang ang “Good Kid, M.A.A.D City” sa listahan ko ng pinaka malupit na album ng 2012. Ang proyektong ‘to ay tungkol sa buhay ng artist sa lugar niya na Compton. Tinalakay niya dito ang mga karanasan niya mula sa kanyang kabataan hanggang sa pag-tanda. Kung papakinggan niyo mabuti, naging seryoso ang vibe nung album sa bandang huli. Yan ang simbolo ng “maturity” niya bilang rapper at bilang tao. Oh diba nakakabilib?
Sa local na eksena naman, magandang ehemplo ang “Loob Ng Kabaong” ni Apoc na lumabas noong 2017. Ito ang pananaw ng isang tao na nadaanan ang lahat ng mga negatibo sa buhay. Kung papakinggan mong maigi, konektado ang bawat kanta at yung huli ang nagsilbing konklusyon sa istorya. Napaka personal ng proyekto ‘to. Hindi rin ako nagulat na maraming haters ni Apoc ang nagbago ang tingin sa kanya pagkatapos ‘to marinig.
Madami pa akong marerekumenda sa inyo, pero mas maganda kung kayo nalang mismo ang makadiskubre. Kahit tape, plaka, CD, o online pa yan, siguradong kakaibang experience ang nag aabang sa inyo. Bakit hindi niyo subukan? Konting oras lang naman ang kakailanganin dito. Para naman sa mga patuloy na tumatangkilik pa rin sa mga full-length albums, mabuhay kayo at ipagpatuloy niyo lang yan!