General

9 Tips Para Sa Mga Unang Beses Manonood Ng FlipTop Live

Gusto mo bang maging masaya ang unang panonood mo ng FlipTop event live? Pwes, sundan mo lang itong siyam na simpleng tips.

Ned Castro
July 19, 2023


Sa wakas! Matutupad na ang pangarap mong makapunta sa event ng FlipTop. Ano nga ba ang mga dapat asahan ng isang first-timer? Huwag ka mag-alala dahil kami ang bahala sayo. Eto ang siyam na tips para maging masaya at hassle-free ang experience mo buong gabi. Hindi na namin papahabain pa, mag-simula na tayo….

9. Pumunta ng maaga
Gusto mo bang mauna sa pila at makakuha ng magandang pwesto sa loob? Simple lang ang dapat mong gawin: huwag kang ma-late. Pumunta sa venue isa o dalawang oras bago magsimula ang event para maiwasan ang mga perwisyong nabanggit. Magkakaroon ka pa ng oras bumili ng mga merch at magpapicture sa mga iniidolo mong emcee. Maaari ka pa rin namang makapasok kapag sinundan mo ang “Filipino time” pero asahan mo na mahaba na ang linya at may mga laban na hindi mo papanood. 

8. Magbaon ng extrang damit at uminom ng tubig
Dahil kadalasan ay maraming tao sa mga event, hindi maiiwasan ang mataas na temperatura sa loob. Para sigurado, huwag mong kalimutang mag-dala ng extra na damit. Makakaramdam ka rin ng matinding uhaw pero huwag kang magalala dahil laging may binebentang tubig sa venue. Yan muna ang unahin mo bago magbabad sa softdrinks o alak (kung nasa tamang edad ka na). Makakabili ka rin ng pagkain dun kung ikaw ay magugutom. 

7.  Huwag istorbohin si Anygma, ang staff ng liga, pati ang mga emcees habang may labang nagaganap
Isipin mo ikaw si Anygma o kaya parte ng staff na nag-aakiaso ng event tapos biglang may kakalabit sayo para kumuha ng litrato o magtatanong ng kung ano-ano. Hindi ba’t nakakawala ito ng focus? Ganun din sa mga emcee na magsisilbing hurado o may paparating na laban. Kapag ginulo mo sila, malaking ang possibilidad na masira ang kanilang konsentrasyon. 

Maaari mo nang lapitan ang presidente pati ang mga emcee habang break o kapag tapos na ang buong event. Doon ka na pwede magpapicture, magpa-autograph, o kumustahin sila. Kung sakaling tanggihan ka nila, pagbigyan mo na. Baka naman pagod sila at gusto munang magpahinga. 

6. Ingatan ang mga gamit
Maliban sa FlipTop, naaangkop din ito sa lahat ng malalaking events. Sa dami ng tao, posibleng mawala ang mga ari-arian mo kapag hindi mo ito iningatan.  Kailangan ding pag-handaan ang mga siraulong pumunta lang para magnakaw. Wala pa namang nangyayaring ganyan sa liga pero mas mabuti nang maging alerto. Huwag kang mag-aalala, nandiyan din ang mga tropa nating bouncers upang tulungan kang bantayan ang mga gamit mo!

5. Huwag magkalat sa venue 
Walang event na magaganap kung wala ang venue, kaya simula natin ang pag-bigay ng respeto dito sa pamamagitan ng pagiging disiplinado. Ano nga ba mahirap sa pagtapon ng mga kalat sa basurahan? Wala naman diba? Siguro ay alam mo na ito pero magugulat ka sa bilang ng mga taong nananatiling pasaway. Sana sa susunod ay mas organisado pa ang lahat pagdating sa basura. 

4. Asahan na madaling araw na matatapos ang event
Mas maaga na nagsisimula ang events ng FlipTop ngayon. Kadalasan ay alas syete o alas otso ay bakbakan na. Hindi katulad dati na halos alas dyis na ay unang battle palang. Ganunpaman,  asahan niyo pa rin na aabot ito ng alas dose ng gabi o ala una ng madaling araw. Kahit tapos na ang mga battle, tiyak na mananatili ka nang ilang minuto dahil ito ang pagkakataon mong makihalubilo sa mga emcees at kapwa manonood. Kaya ipaalam mo na sa magulang o dyowa mo na late ka na makakauwi at siguraduhing nakatulog ka nang sapat.

3. Magdala ng extrang pera
Maliban sa mga pagkain at inumin, marami ring mga damit, album, at iba pang gamit na binebenta sa FlipTop events. Kaya bago ka pumunta sa venue, huwag mong kalimutang magdala ng dagdag na salapi. Hindi ka rin mamomroblema sa gastos dahil abot-kaya ang presyo ng mga merchandise. Tiyak na mas magiging sulit ang experience mo kapag may iuuwi kang souvenir. 

2. Huwag kunan ng video ang mga laban
Palagi itong sinasabi ni Anygma sa entablado bago mag-simula ang paligsahan pero mabuti na ring malaman mo na ngayon pa lamang. Ipinagbabawal ang unauthorized na pag-kuha ng video ng mga battle. Kapag nahuli ka, ikaw ay papalabasin agad. Ayaw mo naman siguro mangyari yun, diba? Ilalabas naman sa YouTube ang mga duelo na may kalidad na pag-edit. 

Ang pwede mong videohan ay yung mga DJ set tuwing break. Kung hindi mo pa alam, mayroong kinse minutong pahinga pagkatapos ng dalawa o tatlong laban. Dito mo masasakihan ang sining ng “turntablism”. Sa sobrang lupit ng mga guest DJ, siguradong mapapa pindot ka ng record sa cellphone mo. 

1. “React accordingly”
Walang masamang humiyaw sa tuwa kapag nakakarinig ka ng napaka tinding punchline, basta’t ilagay mo lang sa lugar. Possibleng ikaw pa ang maging rason ng pagkawala ng emcee sa berso niya dahil sa ingay mo. Kapag nagustuhan mo talaga yung banat, iklian ang reaksyon para tuloy-tuloy ang laban. 

Isipin mo rin ang mga tao sa tabi mo. Karamihan ay pumunta para makarinig ng mga bara, kaya kung sigaw ka lang nang sigaw bawat round, baka mainis sila sayo at isumbong ka sa mga bouncer. Respetuhin ang mga makata at manonood upang manatiling masaya ang gabi.

READ ALSO: Pre-event Review ng Zoning 16

Dati ay napapanood mo lang ang mga tugmaan sa computer screen, ngayon ay masasaksihan mo na nang harap-harapan. Magkita nalang tayo sa venue at sama-sama nating I-enjoy ang mga battle at tugtugan. Garantisado na marami ulit surpresa ang mga paborito nating makata.  



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT