Malapit na ang ikalabing-apat na Gubat! Ating I-rebyu ang mga laban.
Dahil nananatiling solido ang crowd pati buong eksena sa Cebu, muling babalik dito ang FlipTop sa Nobyembre 23, 2024 para sa Gubat 14. Ang venue ay sa Acacia Hall sa IEC Convention Center. Siyam na laban ang masasaksihan natin dito at yung isa ay para sa semis ng Dos Por Dos2 Tournament. Base sa lineup, may potensyal itong maging makasaysayang na event hindi lang sa Visayas Division kundi pati sa buong larangan ng battle rap.
May ilang linggo pa bago ang paligsahan kaya habang naghihintay tayo, I-rebyu muna natin ang mga laban na magaganap. Pwede mo ring ibahagi sa comments section ang iyong mga prediksyon. Wag na natin pahabain pa ‘to. Magsimula na tayo…
Pistolero vs Frooz
Magandang laban ‘to! Dalawa sa pinaka creative na emcees sa liga ang magtatapat sa Gubat 14. Ahon 14 pa yung huling duelo ni Pistolero sa FlipTop. Natalo siya nun kaya siguradong mas maghahanda siya dito. Ibang klase siya mag-dissect ng stilo at personalidad ng kalaban at hanggang ngayon ay batikan pa rin siya sa rebuttals. Nandiyan din ang kanyang napakalakas na presensya sa entablado. Kaabang-abang ang ipapakita niya sa Cebu.
Grabe yung performance ni Frooz nung Unibersikulo 12 pero malamang ay nais niyang higitan pa ‘to. Magkakaroon siya ng pagkakataon sa Nobyembre 23! Sobrang epektibo ng paghalo niya ng teknikalan at jokes at palupit pa nang palupit ang multisyllabic rhyming niya. Kung parehas totodo ang emcees, garantisadong makakakita tayo ng bakbakan.
Batang Rebelde vs CripLi
Kaabang-abang itong sagupaan nila Batang Rebelde at CripLi. Matagal nang underrated si Batang Rebelde pero mas maraming nakaunawa sa kanya pagkatapos ng matinding performance nung Unibersikulo 12. Asahan niyo na mas gagalingan pa niya sa battle na ‘to. Nakilala siya sa kanyang teknikal na pen game, patok na komedya, at hanep na freestyle ability. Nakakaexcite makita ang gagawin niya dito.
Talo man si CripLi sa comeback battle niya nung Unibersikulo 12, nakabawi naman siya nang matindi nung Bwelta Balentong 11 (abangan niyo video niyan sa mga hindi nakanood live). Litaw pa rin ang pagiging sobrang creative niya sa mga bara at anggulo at lumakas pa lalo ang delivery niya. Tiyak na gusto niyang magwagi ulit pagkatapos ng Bwelta! Mukhang dikdikan na laban ang masasaksihan natin dito.
J-Blaque vs Kregga
Maaaring style clash o maaaring purong teknikalan na laban. Ang sigurado sa J-Blaque vs Kregga ay dikdikan na laban ‘to. Unang battle ni J-Blaque sa FlipTop ngayong taon pagkatapos ng napakatinding performance sa Ahon 14. Mauulit kaya yun dito sa Gubat 14? Kaabang-abang! Kaya niyang sumabay sa brutalan, katatawanan, at letrahan tapos unpredictable pa ang paraan niya ng pagtanghal. Wag na kayo magulat kung mas lulupitan pa niya dito.
Ang tindi ng pinakita ni Kregga nung Gubat 13 at ngayong lalaban ulit siya ng Tagalog sa liga, marami ang excited sa ipapakita niya. Walang kupas ang unorthodox na mga linya at reference niya at nananatiling polido ang kanyang delivery. Bumabanat na rin siya ng jokes at benta ang mga ‘to. Kung hind sila magsu-stumble at parehas naka A-game, instant classic ‘to!
Zend Luke vs Mistah Lefty
Isang Bisaya battle na may potensyal maging match of the night! Sa mga hindi nanood ng Bwelta Balentong 11 live, abangan niyo yung performance ni Zend Luke dun. Ang bangis! Malamang mas ganado siya ngayon dahil Bisaya ang dayalekto kaya kaabang-abang ang materyal niya. Si Zend Luke yung emcee na hindi kailanman sasabay sa uso. Patuloy niyang nirerepresenta ang stilong leftfield at mas lalo pa siyang lumalakas dito.
Pagkatapos ng Pakusganay 8 ay diretso si Mistah Lefty sa Cebu para sa Gubat 14. Yan ang dedikasyon! Talo man siya sa debut niya sa FlipTop nung Gubat 13, marami pa rin ang humanga sa pinamalas niya. Well-rounded ang pen game ni Mistah Lefty at kitang kita ang kumpyansa niya sa pagtanghal. Mukhang totodohin niya sa Davao at Cebu. Humanda sa lirikal na labanan!
Negho Gy/Pamoso vs Atoms/Cygnus
Ito ang semifinals na laban para sa Dos Por Dos2 Tournament. Humanda sa matinding battle dahil ibang klase ang pinakita ng dalawang pares sa quarterfinals. Hanep na multis at wordplays, solidong mga anggulo, at klarong delivery ang maaasahan natin kayla Negho Gy at Pamoso. Dikdikan yung laban nila nung Second Sight 13 kaya siguradong mas totodo pa sila dito.
Ginulat ng mga underdog na sila Atoms at Cygnus ang crowd nung sila ang nanalo sa quarterfinals. Maliban sa kanilang well-rounded na materyal, walang duda na ang bagsik din ng agresyon at flow nila. Pagdating ng naman sa chemistry, meron nito ang bawat tandem kaya asahan niyong magiging dikdikan na palitan ‘to.
Ban vs Kenzer
Mukhang magiging entertaining na salpukan ‘to! Patok ang stilo ng komedya ni Kenzer at epektibo din siya pagdating sa teknikalan. Well-rounded din ang materyal ni Ban at mabisa siya sa paglikha ng mga anggulo. Kung usapang delivery at stage presence naman, parehas silang sobrang nagimprove dito kaya makakaasa tayo ng kalidad na performance. Ito yung mga mahirap I-judge lalo na kapag naka A-game silang dalawa.
Chris Ace vs Castillo
Muling nagbalik si Chris Ace sa FlipTop nung Mindfields x Won Minutes Luzon 2024. Ang bangis ng pinakita niya dun! Ahon 14 naman ang huling beses na napanood natin si Castillo. Natalo siya dun kaya siguradong balak niyang makabawi sa Gubat 14. May potensyal maging dikdikan ‘to kapag tumdo sila dahil parehas silang bihasa sa teknikalan at jokes at litaw lagi ang kumpyansa nila sa pagtanghal.
Mimack vs Barbarian
Galing sa talo sila Mimack at Barbarian kaya malamang ang hangarin nila sa Gubat 14 ay makabawi nang matindi! Pwedeng pwede naman nila magawa ‘to dahil maliban sa malupit na well-rounded na sulatan at mabisang mga anggulo, kahanga-hanga rin ang kanilang stilo ng tugmaan pati pag-deliver. Syempre, dapat A-game ang ipakita nila dito para magmarka sa mga tao at tingin namin ay ganun ang gagawin nila.
Nadnad vs Zero MB
Gaya ng battle sa taas, galing din sa talo sila Nadnad at Zero MB. Ganunpaman, hindi mapagkakaila ang husay nila sa battle rap. Parehas silang magaling sa pagbanat ng jokes at mabibigat na bara at nandun lagi ang mabangis na presensya nila sa entablado. Kung isang daang porsyento ang ipapakita nila sa materyal nila at walang kahit anong stumble, siguradong makasaysayan na opener ang mapapanood natin!
850 pesos ang halaga ng pre-sale tickets tapos 1,200 pesos naman ang walk-in. Limited lang ‘to kaya kumuha na kayo. Para sa pre-sale, mag-PM na sa Facebook ng FlipTop o kaya bumili sa Rapollo: Da Konsept Store o sa isa sa mga opisyal na resellers (nasa FB post sa taas yung kumpletong listahan). May kasamang isang libreng FlipTop Beer ang isang ticket. 3PM ay magbubukas na ang gate tapos 5PM naman ay maguumpisa na ang programa. Cebu, handa na ba kayo? Magkita tayo sa Gubat 14. FlipTop, mag-ingay!