General

Bakit Makasaysayan ang Mabanges ng BB Clan?

Ito ang isa sa pinaka tumatak na album sa larangan ng Pinoy hip-hop. Pag-usapan natin ang unang album ng BB Clan na Mabanges.

Ned Castro
September 01, 2022


   Ang taon ay 1997. Ito ang kalagitnaan ng pamumuno ng kampong Dongalo Wreckords sa eksena. Marami na silang nilabas na makasaysayang proyekto at wala silang balak na huminto. Syempre, hindi nagpahuli sila Kemikal Ali, Japs, at Simon o mas kilala noon bilang BB Clan. Tumatak ang awitin nilang “A.E.I.O.U” sa compilation na “R.A.P 1st Issue”, kaya talagang tinutukan nila ang kanilang unang album.  Lumabas din ito sa wakas at “Mabanges” ang napili nilang pamagat. Hindi nagtagal ay nagmarka ito sa larangan ng hip-hop. Paano nga ba ‘to nangyari?

   Madalas ay hardcore ang bagsakan ng Dongalo artists noon at ganun din ang nirerepresentang istilo ng BB Clan.  Ganunpaman, sinigurado ng grupo na magiging kakaiba ang kanilang atake sa pagsulat. Nung panahon na yun ay hindi pa gaano pamilyar ang mga tao sa konsepto ng multisyllabic rhymes. Sa “Mabanges” nagsimula madiskubre ng karamihan ang ganitong paraan ng pagtugma. Hindi man ito kasing komplikado ng multis ngayon, ito pa rin ang nagbigay inspirasyon sa mga susunod na henersayon ng manunulat. 

   Maliban sa paglaro ng mga rima, matindi din ang mga hinain na metapora sa album na ‘to. Nakilala ang Dongalo sa rektahang mga linya, pero pinili ng BB Clan na lagyan ng mga teknikal na aspeto ang mga kanta. Karamihan ng piyesa dito ay battle-oriented o yung purong lirikalan talaga, at kitang kita ang creativity sa bawat punchline. Walang duda na ito ang dahilan kaya maraming naimpluwensyahang battle emcees ang album. Ilan sa mga pinaka tumatak dito pagdating sa hardcore na bagsakan ay ang “Handa Na Ba?”, “Walang Respeto”, at “Mabanges”.

   Pagusapan naman natin ang “Buwaya” pati “Besfriend”. Sa “Buwaya”, tinalakay dito ang mga karumal-dumal na gawain ng mga maduduming pulis. Malinaw ang mga imaheng ginuhit ng mga emcee. Kung baga parang nandun ka mismo habang binabanat nila ang mga berso. Yan ang tinatawag na “imagery”, at pinakita nila Kemikal Ali, Jap, at Simon ang kanilang husay dito. Damang dama mo din ang galit nila sa bulok na sistema. Sa “Bestfriend” naman, epektibong storytelling ang pinamalas ng grupo. Ito ay kwento ng dalawang magkaibigan (yung isa ay tulak) at ang naging madugong wakas ng kanilang pagsasama dahil sa droga. Gaya ng “Buwaya”, klaro ang pagkwento ng mga eksena tila parang napapanood mo ang mga pangyayari. Hindi mapagkakaila na ito’y natutunan nila sa pinuno ng kanilang label, walang iba kundi si Andrew E.

   Nakakagulat na dalawampu’t limang taon na ang nakalipas nung lumabas ang obrang ito. Sa mga nakabili dati ng pisikal na kopya, napaka swerte niyo at naging parte kayo ng kasaysayan. Itago niyo yan! Para naman sa mga ngayon lang nakadistubre nito, wala nang mabibiling kopya sa mga tindahan pero nasa Spotify at ibang streaming sites na ‘to. Pakinggan at mamangha mula sa una hanggang huling awitin. Maglalabas nga pala sila ng damit bilang selebrayon ng anibersaryo ng album ngayong buwan. Mag PM lang kayo sa pahina ni Kemikal Ali sa Facebook kung interesado kayo. Mabuhay ang Pinoy hip-hop! Mabuhay ang kalidad na lirisismo! Meron ba kayong mga lumang album na gusto niyong talakayin din namin? Sabihin niyo lang sa comments section.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT