From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Bwelta Balentong 6 Throwback

Isang matagal nang fan ng FlipTop ay magkwekwento ng karanasan niya sa Bwelta Balentong 6.

Anonymous Battle Fan
September 11, 2024


Hinding hindi ko makakalimutan ang Bwelta Balentong 6. Una sa lahat, ito ang huling event na napanood ko bago ako lumipad patungong Australia. Syempre, maliban diyan, tumatak talaga ‘to dahil sa kalidad ng mga laban. Ito yung event na meron para sa lahat ng klase ng fan ng battle rap. Bilang taga suporta ng liga mula pa nung 2010, sobrang saya na makita ang lahat ng mga kaganapan sa gabing ‘to. Salamat nga pala sa FlipTop staff para sa pagbigay sakin ng oportunidad na ibahagi ang kwento ko.

Kasama ko manood ang pinsan pati kapatid ko at gaya ko ay talagang na-enjoy din nila ang bawat laban. Pagdating namin sa Tiu Theater ay saktong magsisimula na ang unang battle. Hanep yung duelo nila LilJohn at CripLi. Parehas komedya pero may kanya-kanya silang creativity sa pagsulat ng mga linya. Buhay na buhay kami dito palang kaya saludo sa kanilang dalawa. Rest in peace ulit kay sir LilJohn! Napakasaya na mapanood ka live. Malupit yung naging palitan nila Zaito at Thike. Mas sa komedya din nakasentro ang labang ‘to at parehas naman silang pumatok samin. Mas bumenta lang talaga yung kakaibang mga konsepto ni Zaito. Ganunpaman, saludo pa rin kay Thike para sa malinis na performance.

Mabisang pagtimpla ng bars, jokes, at kakaibang references ang narinig natin sa BLKD vs Frooz. Mas dikdikan sana ‘to kung hindi lang nawala si BLKD sa pangatlong round pero kahit nangyari yan ay natuwa pa rin kami sa pinakita niya. Karapat-dapat din naman kay Frooz yung panalo lalo’t ang laki ng improvement niya dito. Ibang klase yung Apoc vs Invictus! Bakit? Ang tindi nung mga binitawan nilang teknikal na berso pero parehas ding nag-choke nang malala. Nakakadismaya yung pag-stumble pero nagustuhan namin yung mga naibuga nilang bara. Baka maging battle of the night ‘to kung parehas sana preparado.

Ang battle of the night para samin ay yung semis matchup nila Sixth Threat at Poison13. Eto yung bakbakan talaga! Purong lirisismo tapos ramdam mo talaga yung enerihiya nila hanggang ikatlong round. Hindi namin napigilang mag-ingay sa tindi ng materyal nila. Sangayon kami na kay Sixth yun pero hindi kami magrereklamo kung sakaling napunta kay Poison13 yung panalo. Solido din yung semifinals na digmaan nila G-Clown at Apekz. Parehas may epektibong well-rounded na stilo at presensya sa entablado. Mas litaw nga lang talaga sa tingin namin yung materyal ni Apekz kaya malinaw na sa kanya ‘to. Shout outs pa rin kay G-Clown dahil grabe yung performance niya dito sa torneo.

Kung masaya panoorin ang Shernan vs Hazky sa video, mas masaya pa siya sa live! Medyo pagod na kami nito dahil lagpas alas dose na pero binuhay nila ulit kami. Oo, hindi “barfest” yung laban pero hindi mapagkakaila ang pagiging creative nila sa kanilang mga karakter. Yung konsepto palang ng asawa at kabit ay naiiba na. Malinis ang performance nila Shernan at Hazky at halos lahat ng punchlines nila ay nagpaingay ng audience. Ayos na ayos makanood ng mga ganito to lalo na kung gusto mo muna magpahinga mula sa purong teknikalan o kaya yung personalan na atake.

Makalipas ang dalawang araw ay lumuwas na ako ng Pilipinas. Laking pasasalamat ko sa staff ng liga pati syempre sa emcees dahil kahit papano ay nabawasan yung lungkot ko nung ako’y sumakay sa eroplano. Napapangiti nalang ako bigla dahil naaalala ko ang ilang mga makasaysayang pangyayari sa Bwelta Balentong 6. Dahil rin sa pagiging fan ng FlipTop ay hindi ako nakaramdam ng pagiging homesick sa Australia. Nagkaroon agad ako ng mga kaibigang Pinoy sa unang araw ng trabaho dahil kapwa taga hanga din sila. Magbabakasyon kami sa Pilipinas sa Setyembre 19 hanggang 30 at ang unang gagawin namin pagkatapos makipagkita sa mga kapamilya at ibang kaibigan ay manood ng Bwelta Balentong 11 live. May tickets na kami! Magkita-kita tayo dun!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT