General

Rest in peace, DJ Arthug!

May nawala nanaman na isang batikan sa eksena. Hanggang sa muli, kapatid!

Anonymous Staff
June 06, 2024


Siguro ay nakilala niyo siya bilang DJ ng Uprising, may ari ng Authentic Bootleg, at alamat sa memes, pero bago pa niyan ay marami na siyang naambag sa ating eksena. Pumutok ang pangalan ni Arthug sa underground Pinoy hip-hop nung unang bahagi ng dekada 2000. Nagsimula siya bilang emcee at producer sa mga kolektibong Apocalypse Records, Mischievouz Entertainment, Tuesday Troopz, at Unknown Critics. Bago pa sumikat ang “geng geng” ay ganyan na ang stilo ni Arthug sa pagrap at paggawa ng beat. Isa siya sa mga kinikilalang nagpauso ng “crunk” sa Pilipinas. Nanatili siyang independent artist pero ganunpaman, tumatak sa maraming hip-hop heads ang kanyang mga hardcore na sulat at agresibong tunog.

Nagpahinga saglit si Arthug sa paggawa ng mga kanta para tutukan ang pagiging turntablist o DJ. Napabilang siya sa kampo ng Uprising nung 2018 at nakapag-scratch sa ilang mga albums at singles. Naging parte siya ng Teknika Brutal nung 2019 at Gramofön nung 2022. Siya ang nagsilbing DJ ng dalawang grupo. Maliban diyan, naglabas din siya ng ilang instrumental singles sa ilalim ng Uprising at nung Disyembre 2023 ay nilabas ang album niya na pinamagatang “Underground Tape Volume One” sa cassette. Ang pinakahuling proyekto niya ay yung LP ng Gramofön na “G.R.A.M.”. Ito ay lumabas nung ika-21 ng Abril 2024.

Maraming salamat kapatid na Arthug hindi lang sa pagbigay ng kalidad na musika kundi sa pagpapatawa mo sa amin sa pamamagitan ng memes sa social media at mga laruan sa Authentic Bootleg. Grabe yung creativity mo at sisiguraduhin namin na mananatiling buhay ang legasiya mo. Nakakataba ng puso na sobrang dami ang nagbibigay ng pagmamahal at suporta sayo. Patunay lang yun na mahusay at mabuti kang tao. Hanggang sa muli, kapatid. Pahinga ka na diyan. Nakikiramay din nga pala kami sa kanyang pamilya at iba pang tropa.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT