Unibersikulo 12 na sa June 29, 2024! Ating i-rebyu ang matinding lineup.
Pagkatapos ng napakatinding Zoning 17 event ay babalik ulit ang FlipTop sa Tiu Theater sa Makati Central Square para sa ika-labindalawang Unibersikulo. Ito ay gaganapin sa Hunyo 29, 2024, at may walong laban tayong masasaksihan. Dalawa dito ay para sa quarterfinals ng Isabuhay Tournament. Unang tingin palang sa poster ay siguradong maeexcite ka na.
May ilang linggo pa bago ang bakbakan kaya habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang bawat laban sa gabing ‘to. Walang Unibersikulo nung nakaraang taon kaya dapat makabawi itong labindalawa. Huwag na natin pahabain pa. Simulan na natin ang pre-event review…
Tipsy D vs Batang Rebelde
Marami ang nagaabang at sa wakas ay mangyayari na! Makikita natin sa Unibersikulo 12 ang pagbabalik ni Tipsy D. 2021 pa yung huling laban niya kaya malamang ay paghahandaan niya ‘to. Alam naman natin kung gaano siya katindi hindi lang sa multis at mga anggulo kundi pati sa pagbuo ng mga hanep na wordplay at metapora. Siguradong handa na rin siya sa mga iaanggulo sa kanya. Humanda sa kalidad na performance!
Karapat-dapat lang kay Batang Rebelde na mapabilang sa main event. Sa totoo lang, dapat matagal na siyang naging headliner. Maliban sa pagiging consistent sa mga laban, walang duda na isa si Batang Rebelde sa pinaka magaling pagdating sa well-rounded na stilo. Kaya niyang sumabay sa katatawanan, seryosohan, at teknikalan at hind rin maitatanggi ang husay niya sa freestyle. Dikdikan na laban ‘to sigurado.
EJ Power vs Romano
Isa sa dalawang laban para sa 2024 Isabuhay Tournament. Mataas ang ekspektasyon sa Ej Power vs Romano dahil maliban sa parehas solido ang performance sa first round, halos magkatugma din ang stilo nila. Parehas batikan sa jokes pero pumapalag din kung ang usapan ay purong teknikalan at wasakan ng bungo. Tiyak na bakbakan ‘to mula una hanggang ikatlong round!
Medyo lamang dito si Romano pagdating sa agresyon habang sa flow naman liyamado si EJ Power. Ganunpaman, dahil tournament battle ‘to at parehas nageeksperimento sa sulat at pagtanghal, mukhang magiging unpredictable talaga ‘to. Kaabang-abang ang mangyayari dito.
Sur Henyo vs GL
Para din ‘to sa 2024 Isabuhay Tournament. Laging may pinapakitang bago si GL kada laban at garantisadong manggugulat ulit siya dito. Nagmarka ang kanyang kakaibang teknikal na atake at pagbuo ng mga konsepto. Bagama’t kalmado ang pagbitaw niya ng mga bara, ramdan pa rin ang hapdi ng bawat linya dahil sa mahusay ng pagsulat nito.
Grabe rin ang pinakita ni Sur Henyo sa unang round ng torneo! Hindi lang sa teknikalan kundi pati sa komedya siya lalong lumalakas. Nandiyan din ang palaging litaw na kumpyansa niya sa entablado kaya mas nagiging epektibo ang mga linya niya. Lagi siyang handa sa laban kaya asahan niyo na matindi ang ipapakita niya dito. Mukhang dikit na laban ‘to!
Frooz vs CripLi
Isa pang emcee na magbabalik sa Unibersikulo 12 ay si CripLi. Huli natin siyang napanood sa Ahon 13 at napakalupit ng pinakita niya dun. Siguradong gusto niyang bumawi kaya asahan niyo na totodo siya dito. Alam na natin na laging patok ang jokes niya pero maliban diyan, kaya din niyang lumaban ng purong lirikalan. Excited na kami marinig ulit yung “matatalo mo lang ako kapag…”
Komedya din ang nakilalang stilo ni Frooz pero kung kailangan magseryoso o magpaka teknikal, asahan niyong gagawin niya yan nang hindi nawawala ang creativity. Nananatili siyang underrated sa FlipTop pero sana mas marami pang makaunawa sa kanya sa labang ‘to. Kung parehas preparado, wag na kayong magulat kung maging classic ito.
Bisente vs Jawz
Mga susunod na laban ay mga bagong aabangan sa liga! Dalawang nagpakitang-gilas nung Won Minutes Luzon 2 at kilala sa eksena ng underground battle rap. Kaabang abang ang Bisente vs Jawz dahil parehas silang malupit sa teknikal na laro at may epektibong presensya sa entablado. Kung fan ka ng purong lirisimo na laban, wag na wag mo ‘tong tutulugan. Parehas din silang may agresibo na delivery kaya malaki ang tsansa na dikdikan ‘to mula simula hanggang huli.
BLZR vs Freek
Hindi man sila pinalad sa mga laban nila sa Won Minutes, marami pa ring humanga sa pinakita nila. Mukhang malupit ‘tong BLZR vs Freek dahil maliban sa kalidad na mga linya at anggulo, makakakita rin tayo ng palitan ng mababangis at kakaibang flow at delivery. Lamang si BLZR kung ang usapan ay battle rap experience pero syempre, hindi niya dapat maliitin si Freek dahil marami na ‘tong nagawang kanta na todo lirikal. Exciting ‘to!
Lord Manuel vs Philos
Matagal tagal na din silang lumalaban sa mga underground na liga at grabe yung pinakita nila sa Won Minutes. Ngayong nasa big stage na sila ng FlipTop, asahan niyo na mas lalo pa nilang gagalingan. Kilala sila Lord Manuel at Philos sa kanilang agresyon, mabagsik na tugmaan, at masasakit na mga linya. Syempre, litaw rin ang husay nila sa purong teknikalan. Maaaring ito ang maging isa o pinaka brutal na laban ng gabi.
Shaboy vs Dodong Saypa
Kung ito talaga ang unang laban ng Unibersikulo 12, pwes, matinding panimula ito! Marami nang mga komedyante sa FlipTop pero wag niyong tutulugan sila Shaboy at Dodong Saypa. Kakaiba ang paraan nila ng pagpapatawa at siguradong papatok sila sa mga tao. Sa mga nakapanood ng Won Minutes Luzon 2 live, alam niyo na kung gano sila katindi nun. Ang lakas ng tawa ng crowd sa bawat round nila. Basta, abangan niyo ang mga ‘to!
READ ALSO: From A Fan’s Perspective: Unibersikulo 11
850 pesos ang halaga ng presale tickets habang 1,250 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng FlipTop Beer! Sulit eh noh? Mag-PM ka lang sa pahina ng liga sa Facebook kung nais mong bumili. Nagpopost din sila ng iba pang pwedeng mapagbilhan ng presale. Kung nakabili ka na, magkita nalang tayo sa Hunyo 29 at sama-samang manood ng mga malulupit na battles. FlipTop, mag-ingay!