Kumusta ang Second Sight 12 nung sabado? Eto ang masasabi ng isang battle rap fan.
Ayun, tapos na ang Second Sight 12. Gusto ko lang sabihin na isa ito sa pinakamalupit na events ng FlipTop. Walang biro! Literal na walang tapon na laban at buhay na buhay ang crowd mula umpisa hanggang dulo. Tumaas nang konti ang ticket pero para sakin ay sulit talaga. Ngayon, ibabahagi ko sa inyo ang tingin kong mga pinaka tumatak na battles at performances. Wag kayo magalala. Hindi ako magbibigay ng anumang spoiler para maging masaya pa rin ang pagnood niyo sa video.
Dalawa ang masasabi kong pinaka dikdikan at pwedeng kandidato para sa battle of the year. Oo, simula palang ng 2024 pero may mga pambato na agad sa battle of the year. Hanep, noh? Una ay yung Romano vs 3RDY para sa Isabuhay. Ramdam na ramdam ang presensya ng dalawang emcees at marami mga anggulo’t tugmaan na bago sa pandinig. Tingin ko na pagdedebatihan ang resulta pag naupload na pero ganunpaman, digmaan ng rap skills ang maaasahan niyo dito. Sunod ay ang duelo nila M Zhayt at Emar Industriya. Maraming nag-predict na style mocking ang gagawin ni M Zhayt pero hindi! Sinabayan niya ang kalaban sa literatura at sobrang epektibo nito. Si Emar naman ay muling nagpamalas ng kanyang leftfield na stilo at marami siyang naipamahaging panibago. Parehas pa silang todo ang kumpyansa kaya talagang nabighani kami sa tatlong rounds. Gaya ng Romano vs 3RDY, maghahati ang opinyon dito tungkol sa nanalo.
Para naman sa performances, dalawa rin ang napili ko. Hindi man gaano tumatak ang laban ni Slockone nung Ahon 14, walang duda na nakabawi naman siya sa Second Sight 12. Mas seryoso ang atake niya dito at marami siyang mga kakaibang linyahan at konsepto. Nahigitan pa niya yung pinakita niya dati kay CNine pagdating sa teknikalan. Dun sa mga nag-akalang panandalian lang ang improvement ni Vitrum, pwes, nagkakamali kayo! Mas lumakas pa na Vitrum ang napanood namin sa gabing ‘to at kung ipagpatuloy niya ‘to, malaking tsansa na makaabot siya sa finals ng Isabuhay. Balanse pa rin ang paggamit niya ng teknikalan at komedya at mas lumitaw na ang kumpyansa niya sa entablado.
Yan yung talagang mga nag-marka sa akin, pero huwag niyo rin tutulugan yung ibang laban! Pangako, hinding hindi kayo mabibigo. Patunay lang ‘to na napaka tindi ng Second Sight 12. Inanunsyo rin dito ang lineup ng Gubay 13 pati bracketing ng 2024 Isabuhay Tournament. Kaabang-abang ang susunod na mga kaganapan sa liga. Salamat muli sa staff at syempre sa emcees para sa hindi malilimutang okasyon. Para manatiling updated sa FlipTop, sundan niyo nalang ang kanilang opisyal na pahina sa Facebook.
Gusto ko rin nga pala pasalamatan yung tatlong nakilala ko dito. Mag-isa lang din silang nanood at nagkakilala kami sa event. Napasarap yung inuman natin ng FlipTop Beer umabot tayo ng alas tres ng madaling araw kahit bandang 11:30 PM pa natapos yung paligsahan lol! Napag usapan namin na sabay kami manonood sa susnod na Metro Manila event. Excited na agad kami! Yan ang isa pang maganda sa pagnood nang live. Makakakilala ka ng kapwa fans na maaaring maging tropa mo rin.