From A Fan's Perspective

From A Fan’s Perspective: Kumusta ang Won Minutes Luzon Uploads?

Ano ang masasabi ng isang solidong FlipTop fan sa mga bagong upload? Alamin dito.

Anonymous Battle Fan
April 23, 2024


Limang battles na mula sa nakaraang Won Minutes Luzon ang naupload. Inaamin ko na nung una ay hindi ako masyadong interesado sa Won Minutes. Sa main stage battles lang ako nakasubaybay noon at hindi ko pinapanood ang ibang mga liga. Simula nung pumutok sila C-Quence, Vitrum, Bagsik, Slockone, Plaridhel, JR Zero, at iba pa sa FlipTop, doon na ako na-curious bigla. Hindi nagtagal ay nakatutok na ako sa mga bagong henerasyon ng rappers. Nag-marathon ako hindi lang ng mga laban sa Won Minutes kundi pati sa mga underground na liga.

Sayang at hindi ako natuloy manood ng live nung huling Luzon event dahil maraming tropa ang nagsasabi na ang lupit daw! Sobrang na-excite ako kaya nung nagsimula na yung uploads, inabangan ko talaga. Ngayon, ano nga ba ang masasabi sa nakaraang videos? Binigyan ako ng pagkakataon ni Anygma na magbigay ng maiksing rebyu tungkol dito. Salamat agad, sir! Tandaan na ito’y opinyon ko lang kaya kung hindi ka sang-ayon, wag ka sana magalit! Pwede ka naman gumawa ng sarili mong piyesa.

Komedya na may bahid ng leftfield na stilo ang pinakita nila Crispy Fetus at Katana. Litaw agad ang kanilang originality at kahit kakaiba sa pandinig ay nakuha pa rin nila ang crowd. Kaabang-abang ang ipapakita nila sa main stage. Sunod naman ay duelo nila Hespero at Saint Ice. Si Hespero ay nag-iwan ng marka sa mga laban niya sa Motus, BLVCKOUT , PULO, at Sin Zone. Eto naman ang pagbabalik ni Saint Ice na dati ay nakilala bilang Ice Rocks. Grabe yung palitan nila! Mga solidong references ang pinamalas ni Saint Ice habang mabisang wordplays naman ang binanat ni Hespero. Umulan din ng wordplays at metaphors sa Negho Gy vs Frinze. Parehas epektibo ang mga linya mula una hanggang ikatlong round kaya ang hirap mamili kung sino panalo. Hindi rin maitatanggi ang kanilang husay sa pagtanghal at pagbigkas. Matatawag na style clash ang Freek vs Fernie. Bagama’t parehas na purong lirisismo ang pinakita, magkaiba sila ng atake. Matalas na flow at kakaibang references at imagery ang pinakita ni Freek dito. Si Fernie naman ay bumanat ng matitinding multis at metaphors. Solidong teknikalan pa rin ang naging labanan nila Meraj at Lord Manuel pero dinagdagan nila ng masasakit na personals at kontrobersyal na mga anggulo. Ramdam na ramdam din ang agresyon nila sa bawat round kaya kahit hindi mo alan ang konteksto na mga sinasabi ay alam mong mainit ang laban! 

WATCH: Won Minutes 2024 (Luzon)

Para sakin ay sobrang lupit ng mga nakaraang uploads. Marami pa rin akong nababasang reklamo kesyo hindi daw kilala ang mga sumasampa pero ang masasabi ko lang sa mga yan ay bahala kayo. Kung pumutok ang mga pangalan nila, humingi kayo ng kapatawaran sa kanila! Dun sa mga lehitimo sumusuporta sa sining na ‘to na hindi pa nakakapanood, ang masasabi ko lang ay huwag niyong tulugan ang Won Minutes. Hindi kayo magsisisi. Iba’t ibang stilo ang makikita niyo pero nananaig pa rin ang liririsismo. Para sa mga kasali sa lineup, excited na akong makita kayo sa main stage. Abangan niyo rin syempre ang mga susunod pang uploads. Balita ko matindi din daw mga yun. Kita kits sa susunod na event!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT