Nandito na ang poster ng Ahon 15. Pagusapan natin ang lineup ng day 1!
Kahapon ay nilabas na ang poster ng isa sa pinaka malaking FlipTop event ng taon. Ikalabing-limang kabanata na ‘to kaya sinigurado ng liga na makasaysayan ang lineup. Disyembre 20-21 nga pala ang petsa at sa The Tent at Villar City sa C5 Extension Road, Las Pinas naman ang venue. Ngayon, habang naghihintay, pagusapan muna natin ang mga laban sa day 1 ng Ahon 15!
Walong duelo ang masasaksihan natin sa day 1 at kahit walang pang tournament, nabawi naman sa mga emcees na kasali. Salpukan ng iba’t ibang solido na stilo ang maaasahan natin dito at mukhang maraming magiging kandidato para sa battle of the year. Wag na natin pahabain pa. Magsimula na tayo sa pre-event review.
Shehyee vs EJ Power
Parehas semi-finalist ng magkaibang torneo: si Shehyee sa Matira Mayaman ng PSP habang sa Isabuhay ng FlipTop naman si EJ Power. Hindi man nila nakuha ang kampeonato, sobrang dami pa ring bumilib sa pinakita nila. Magtatapat sila sa Ahon 15 at siguradong bakbakan ‘to. Maliban sa pagiging semi-finalist, parehas din silang kilala sa dark humor, unpredictable na sulat, at nakakakilabot na presensya. Dahil galing sila sa talo, asahan niyong totodo sila dito.
Pwedeng mas lamang nang konti si EJ Power sa komedya habang sa mga mararahas na linya naman nananaig si Shehyee. Ganunpaman, expect the unexpected sa ganitong sagupaan. Ang sigurado lang dito ay maraming mga quotable at maha-hype ang crowd hanggang sa huling segundo. Grabe. Sobrang exciting to!
Tipsy D vs Frooz
Unexpected na matchup pero tiyak na dikdikan ‘to. 2024 ang comeback year ni Tipsy at walang kupas siya pagdating sa sining ng battle rap. Solidong tugmaan, kalidad na teknikalan, at epektibong komedya ang dala niya sa digmaan at malamang ay hihigitan pa niya ang nakaraang performances niya dito sa Ahon 15. Syempre, huwag niyang mamaliitin ang kalaban niya.
Walang duda na lalo pang nag-improve si Frooz pagdating sa content. Mas tumindi ang multisyllabic rhyming niya at ang creative niyang bumuo ng mga anggulo. Isa siya sa may pinaka mabisang well-rounded na stilo at siguradong mas gagalingan pa niya sa Disyembre 20. Mukhang instant classic ang matchup na ‘to.
Shernan vs Pistolero
Bihira lang magka-rematch sa FlipTop kaya kaabang-abang ‘to. Panoorin niyo ulit yung unang laban nila sa Second Sight 2. Bagong pasok palang sila sa liga nun pero tumatak na agad sila sa eksena. Pa’no pa kaya ngayon na todong nag-level up na sila? Mahirap sabihin kung sino ang klarong mananalo. Nananatiling mapaminsala ang style dissection ni Pistolero habang si Shernan ay mas nagiging creative pa lalo sa mga atake.
Hindi rin mapagkakaila na sobrang lakas nilang dalawa sa rebuttals pati presensya. Kung parehas naka A-game sa Ahon 15, malamang tatatak ‘to ulit gaya ng una nilang engkwentro. Humanda sa mga nakakagulat na linyahan, anggulo, at posibleng mga antics din.
Lhipkram vs Sayadd
Lirikalan ‘to! Pagdating sa teknikal na mga bara na may halong horrorcore, isa si Sayadd sa pinakamalupit dito. Mas nagiging epektibo pa ang materyal niya dahil sa kanyang kakaibang boses at agresyon. May mga pagkakataon lang na hindi siya gaanong preparado sa laban pero dahil Ahon ‘to, mukhang paghahandaan niya. Kapag si Sayadd ay naghanda, matik na classic yan! Kailangan niyang tumodo dito dahil malakas ang katapat niya.
Mahusay din talagang tumeknikal si Lhipkram. Nandiyan pa ang kanyang palaging patok na komedya, solidong rhyme schemes, at matinding kumpyansa. Tulad ni Sayadd, kapag nag isang daan porsyento si Lhipkram ay makakaasa kayo ng hindi malilimutang performance. Kaabang-abang ang salpukan na ‘to! Goodluck sa judges kung sakali.
CripLi/Towpher vs SlockOne/K-Ram
May non-tournament Dos Por Dos battle sa day 1! Bilang pares, malakas ang pinakita nila CripLi/Towpher at SlockOne/K-Ram sa mga huli nilang laban. Parehas mabisa sa stilong well-rounded at mapanlikha pagdating sa anggulo at tugmaan. Syempre, nandiyan pa ang kanilang chemistry na mahirap pantayan ng iba.
Eto yung mga laban na kapag todo dikdikan ay nasa preference nalang ng mga hurado kung sino ang mananaig. Dahil sa kanilang creativity sa sulat at presentasyon, malaki ang tsansa na isa ‘to sa pinaka unpredictable na laban sa buong Ahon. Nakakaexcite makita ang mga gagawin nila!
Manda Baliw vs Meraj
Galing silang dalawa sa talo pero hindi mapagkakaila na kalidad ang kanilang materyal. Sa day 1 ng Ahon 15, susubukang makabawi nila Manda Baliw at Meraj at tingin namin ay bakbakan ‘to hanggang round 3. Sa komedya lamang si Manda Baliw habang sa teknikal na banat llamado si Meraj. Parehas naman silang sobrang creative sa pagbuo ng mga anggulo at konsepto sa bawat round. Mukhang makakakita tayo ng makasaysayang palitan at siguradong marami silang ipapakitang bago dito.
Ruffian vs Saint Ice
Sa fans ng purong lirisismo diyan, para sa inyo ‘to! Hanep yung pagbabalik ni Saint Ice sa liga. Hindi lang siya nagwagi sa Zoning 17, grabe pa yung improvement ng pen game at delivery niya. Talo man si Ruffian sa quarterfinals ng Isabuhay 2024, marami pa rin ang namangha sa pinamalas niya dun. Maglalaban sila sa Ahon 15 at ang maaasahan natin dito ay hanep na wordplays, metaphors, rhyme schemes, at mga anggulo. Tiyak na maraming linya na tatatak mula sa kanila at mahihirapan ang mga hurado kung todo A-game sila!
Zaki vs 3RDY
Dalawang emcee na may mabangis na delivery! Maliban diyan, walang makakatanggi na matalas din ang sulatan nila. Parehong galing sa talo sa FlipTop kaya malamang ay babawi sila sa Ahon. Maaaring lamang nang konti si 3RDY sa wordplays tapos sa brutalan naman si Zaki. Halos pantay naman sila sa tugmaan pati sa presensya sa entablado. Kung ito nga talaga ang unang laban ng gabi at parehas preparado, mukhang mayayanig agad ang The Tent. Wag na rin kayo magulat kung maging matik na battle of the night candidate ‘to.
READ ALSO: Let’s Take It Back: The Very First Ahon Event
Para sa VIP pre-sale tickets, 1250 pesos ang isang araw at 2200 ang dalawa. Sa Gen Ad pre-sale naman, 850 pesos ang isang araw at 1500 para sa dalawa. Kapag walk-in, 1500 pesos ang Gen Ad habang 2000 ang VIP. Mag-PM lang sa pahina ng FlipTop sa FB kung gusto mong bumili ng pre-sale. Abangan din ang mga post nila tungkol sa iba pang official sellers ng tickets. Mas magandang kumuha na agad kayo bago pa magkaubusan. Makakapasok na sa The Tent ng 3PM at magsisimula ang programa ng 5PM. Kung meron ka nang ticket, pwes, magkita nalang tayo sa venue at sama-sama tayong maging parte ng kasaysayan. Ahon 15 mag-ingay!