Ipapamahagi ng isang battle rap fan kung bakit kaabang-abang ang paparating na Zoning.
Ilang araw nalang at masasaksihan na natin ang ika-17 na Zoning event. Sa Tiu Theater ulit ang venue at may walong laban na magaganap. Nung nilabas yung poster ay may mga nakita akong nadismaya dahil kulang daw sa “big names”, pero kung tunay na taga hanga ka ng battle rap sa Pilipinas, alam mong mabigat itong lineup. Ngayon ay ipapaliwanag ko sa inyo, lalo na sa mga pumuna, kung bakit ito ay kaabang-abang.
Simulan natin sa mga emcees na sumalang sa unang Won Minutes Luzon. Bago pa sila makapasok sa FlipTop ay matunog na ang mga pangalan nila sa eksena ng battle rap. Matatawag na dream match ang Meraj vs Katana dahil maliban sa parehas orihinal at patok ang komedya nila, ibang klase din sila pagdating sa purong lirikalan. Exciting yung Negho Gy vs Antonym dahil kahit parehas silang malupit sa teknikal, magkaiba sila ng diskarte. Mas rekta si Negho Gy habang mas balagtasan naman ang atake ni Antonym. Yung Frinze vs Hespero at Caspher vs Andros ay hindi rin dapat tulugan dahil bawat emcee ay mahusay sa pagbalanse ng stilo. Kaya nilang sumabay sa katatawanan at teknikalan at nakakamangha ang kanilang paraan ng pagtugma. Si Saint Ice, na dating kilala bilang Ice Rocks, ay nagbalik nung Won Minutes at mula sa sulat hanggang sa presensya ay kitang kita ang ebolusyon niya bilang rapper. Makakalaban niya si Yuniko na matagal na din walang duelo sa liga. Laging solido ang mga handa niyang tayutay at konsepto. Siguradong bakbakan ‘to!
Kung hindi ka excited para sa dalawang Isabuhay na laban, pwes, kulang pa ang pagunawa mo sa sining na ‘to. Garantisadong dikdikan ang G-Clown vs Viturm dahil parehas galing sa polido at mabangis na performance. Nandiyan ang mabangis na flow at sunod-sunod na suntok ni G-Clown habang armado naman ng kakaibang komedya at creative na mga anggulo si Vitrum. Malaki rin ang tsansang maging battle of the night ang SlockOne vs Ruffian. Nagsimula na epektibo na joker si SlockOne pero ngayon ay grabe na din siya bumanat ng mga pang basagan na bara. Syempre, hindi magpapatalo si Ruffian na kahit isang taon palang sa FlipTop ay nagmarka na agad ang kanyang matatalas na wordplays at metaphors pati polidong delivery.
Oo, nakakagulat yung “main event” ng gabi, pero aminin niyo na naintriga kayo. Sobrang kakaibang matchup at may potensyal maging wild dahil kilala sila Lhipkram at Sirdeo sa creativity hindi lang sa sulat kundi pati sa gimmicks. Dahil parehas unpredictable, pwede ‘tong maging purong komedya, seryosohan, o halo. Minsan nalang tayo magkaroon ng ganitong klaseng laban yung wala tayong ideya kung ano ang mangyayari.
Isa pang dapat tandaan ay ilang beses na nangyari ‘to kung saan wala masyadong “big names” sa lineup pero ang lupit pa rin ng kinalabasan. Bilang fan, kailangan manatiling bukas ang isipan para mas lumawak pa ang pagunawa mo. Kung may oras ka at ipon, bat mo di mo subukang bumili ng ticket? Malay mo maging parte ka pa ng kasaysayan lalo kung maganda lahat ng laban. Isa pa! Mura lang yung presyo ngayon kumpara sa mga dati. Kuha na! Sa mga meron nang ticket, kita kits nalang tayo sa Hunyo 1!