Pre-Event Reviews

Pre-event Review ng Second Sight 13

Malapit na ang Second Sight 13. Pagusapan muna natin ang lineup nito.

Anonymous Staff
October 01, 2024


Dalawang linggo pagkatapos ng napakalupit na Bwelta Balentong 11, meron ulit event ang FlipTop na hindi niyo dapat palagpasin. Ngayong Sabado ay gaganapin ang ikalabing-tatlong Second Sight. Sa Tiu Theater ulit ang venue at walong laban ang masasaksihan natin dito. Bakit nga ba Second Sight ulit ang pangalan ng okasyon na ‘to? Ang depinisyon ng second sight ay ang abilidad na makita ang mga pangyayari sa kinabukasan. Dahil puro mga solidong up-and-comers ang nasa lineup, saktong sakto ang napiling pamagat. Ating mapapanood ang bagong henerasyon ng emcees sa big stage. 

Maliban sa mga kaabang-abang na 1-on-1 battles, dito rin itutuloy ang Dos Por Dos2 Tournament. Sa mga hindi pa nakakaalam, inanunsyo ni Anygma Dos Por Dos2 Tournament nung Bwelta Balentong 11. Meron nang isang laban na naganap dun at yun ay yung Caspher at Hespero vs Kenzer at Mimack. Mukhang matindihang gabi nanaman ‘to para sa battle rap kaya habang naghihintay tayo, pagusapan muna natin ang bawat battle.

No. 144 vs Markong Bungo
Si Anygma lang ang nakakakilala sa kanila. Balita lang namin ay malakas daw sila at pwedeng pwede na daw agad sumabak sa big stage. Malalaman natin yan sa Second Sight 13! 

Negho Gy & Pamoso vs Deadline & RG
Isa sa tatlong laban para sa quarterfinals ng Dos Por Dos2 Tournament. Kung napanood niyo na mga nakaraang laban nila, alam mong lirikalan itong Negho Gy at Pamoso vs Deadline at RG. Kilala ang apat na emcees sa kanilang hanep na wordplays, metaphors, at rhyme schemes. Siguro mas lamang lang nang konti sila Negho Gy at Pamoso sa presensya at agresyon pero syempre, wag mamaliitin sila Deadline at RG. Humanda sa sangkatutak na quotables dito. 

Jawz & Bisente vs Atoms & Cygnus
Dos Por Dos2 Tournament battle ulit at garantisadong kalidad na lirisismo nanaman ang maririnig natin. Teknikal ang stilo ng dalawang pares pero masasabing mas rekta sila Jawz at Bisente habang mas unorthodox naman ang stilo nila Atoms at Cygnus. Maganda pa dito ay lahat sila ay klaro at todo sa pag-deliver ng mga bara. Kung preparado ang dalawang pares, asahan niyong instant classic ito.

Aubrey & Marichu vs Sickreto & Article Clipted
Pangatlong battle para sa Dos Por Dos2 quarterfinals. Sila Aubrey at Marichu laban sa pares nila Sickreto at Article Clipted. Solido ang agresyon ng dalawang femcees na sila Aubrey at Marichu at masasabing llamado sila pagdating sa mga brutal at rektahang linya. Hindi basta-basta magpapadaig sila Sickreto at Article Clipted. Medyo lamang sila kung usapang teknikal na sulatan. Mukhang magiging dikdikan ‘to lalo kung naka A-game silang apat.

Tulala vs Caytriyu
Matinding matchup ‘to! Si Tulala ay kilala sa kanyang epektibong leftfield na stilo habang tumatak naman ang  creative na mga anggulo at well-rounded na mga bara ni Caytriyu. Parehas mahusay sa pageeksperimento kaya asahan niyong marami kayong makikitang bago dito. Magkaiba man ang paraan nila ng pagtanghal sa entablado, parehas ramdam ang kanilang presensya. Exciting ang mga pangyayari dito. 

Razick vs Hempphil
Lirisismo at tugmaan ba hanap mo? Pwes, sila Razick at Hempphil ang bahala sayo. Walang duda na ang lupit ng huling performance nila sa Won Minutes. Talo man si Razick nun, humanga pa rin ang tao sa kanyang mabisang kombinasyon ng brutal na mga bara at patok na komedya pati mabangis na rhyme schemes. Nung Won Minutes 3 ay bumawi si Hempphil sa pagkatalo niya sa ikalawa. Grabe yung multis niya dun at sunod-sunod pa yung mapaminsalang haymakers niya. Kung parehas handa, tiyak na mag-iingay ang crowd dito.

Supremo vs Crhyme
Parehas silang matindi pagdating sa mga wordplay, tayutay, at tugmaan. Base sa mga huling laban nila, mukhang llamado si Crhyme sa komedya habang sa brutalan naman lamang si Supremo. Syempre, sa ganitong laban ng mga well-rounded na emcee, expect the unexpected pa rin talaga. Ang sigurado dito ay makakarinig tayo ng kalidad na punchlines at mga eskema. 

Dave Denver vs Kalixs
Kung ito talaga ang unang battle ng gabi, solido ‘to! Armado ng mababangis na wordplay at tugmaan sila Dave Denver at Kalixs at parehas silang may malakas na presenya sa entablado. Hindi din maitatanggi na magaling sila maghalo ng mga epektibong rektahan na linya at creative na jokes. Sa madaling salita, parehas silang batikan sa pagiging well-rounded at malaki ang tsansang magiging dikdikan ito! 

READ ALSO: Why Second Sight 10 is Historic

450 pesos ang presyo ng pre-sale tickets habang 600 naman para sa walk-in. Parehas may kasamang isang libreng FlipTop Beer! Sa mga wala pang tickets, pwedeng mag-PM sa pahina ng liga sa Facebook o bumili sa opisyal na resellers: BranDead, KRWN., ULAP Clothing, at Black Manila. Wag tulugan ang event na ‘to. Bagama’t hindi “big names” o “old gods” ang mga nandito, siguradong karamihan sa kanila ay tatawagin din nating idol at baka dito na mangyari yun. Kita-kits sa Second Sight 13 at sama-sama tayong maging parte muli ng kasaysayan.



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT