Music Reviews

Drexx Lira – The Boom Bap Hangover (Album Review)

Kumusta ang bagong solo album ni Drexx Lira na pinamagatang The Boom Bap Hangover? Alamin dito sa aming rebyu!

Ned Castro
November 01, 2022


   Si Drexx Lira ay miyembro ng grupong Samahang Nozomi na kabilang sa pinaka bagong batch ng Dongalo Wreckords. Nung Setyembre 2022 ay nilabas niya ang kanyang debut solo album na nagngangalang The Boom Bap Hangover. Base sa pamagat, siguro ay alam niyo na kung ano ang magiging tunog nito. Kumusta nga ba ang proyektong ito? Sulit ba? Ito ang aming rebyu!

   Mahusay ang pag-akda ni Drexx ng Intro. Ito ay “straight to the point” kung tawagin. Binigay ang buod ng album at dahil dito mas na-excite kami sa mga darating na kanta. Simulan natin sa mga awitin na purong lirikalan o yung mga pang battle na bagsakan gaya ng The Speech, AN602, You Ain’t S#!t, Mananatili, at Barrage.  Ang masasabi lang namin ay grabe yung pen game ni Drexx Lira. Litaw ang kakayahan niya sa multis at kahit hindi man ito masyadong komplikado, nabawi naman ito ng kanyang klarong delivery at epektibong punchlines. Namangha din kami sa mga samu’t saring wordplay, metapora, simile, at reference na binitawan niya. May ilang mga linya na taglish pero hindi ito nagtunog pilit. Pwede maikumpara ang mga rima niya sa BB Clan. 

   Sa Mula Sa Wala, P.A.D, at Sugalan, kwinento ni Drexx ang iba’t ibang karanasan niya sa larangan ng rap. Wala masyadong teknikalan sa mga tugmaan dito pero alam mong mula sa puso ang bawat bara. Ramdam mo na madami talaga siyang pinagdaanan. Solidong storytelling naman ang pinamalas sa kantang Tell Her. Ito ay love song pero creative ang pagkagawa tapos may malupit na twist pa sa dulo. Klarong klaro ang pagkwento sa bawat eksena. Walang duda na malaki yung impluwensya sa kanya ni Andrew E. Sa L.I.E at Pananaw, sinagot ang lahat ng mga mapanirang uri. Madarama mo yung galit kahit swabe yung bitaw, at siguradong sapul ang haters na makikinig. Patunay lang na matalas ang mga kataga ni Drexx.

   Madaming guests sa The Boom Bap Hangover at mahusay din ang pinakita nila. Ang pinaka tumatak samin ay sila MC Kraine, JR Zero, at Hi-Jakkk. Kung napanood niyo na siya sa FlipTop, alam niyo na halimaw si JR Zero sa tugmaan at flow at pinakita niya yan dito. Si MC Kraine ay nakipagsabayan sa teknikalan at hindi din mapagkakaila na polido ang kanyang pagbigkas. Pagdating naman kay Hi-Jakkk, wala pa rin siyang kupas. Isa pa rin siya sa mga haligi ng hardcore rap sa Pilipinas. Ganunpaman, yung dami ng guests ang tingin naming nag-iisang negatibong elemento ng album. Bawat kanta ay may kasamang artist, maliban lang sa Intro. Sana ay makarinig pa kami ng mas maraming solo na kanta kung sakaling maglabas ulit si Drexx ng solo album.

   Kalidad na boom bap beats ang napakinggan namin sa proyekto na ‘to. Oo, boom bap ang lahat ng instrumental, pero may kanya-kanya itong “flavor”. Merong hardcore, swabehan, at pang party. Kung hindi ka namulat sa ganyang klaseng tunog ng hip-hop, tiyak na matututo ka dito at mauunawaan mo. Para naman sa mga nasanay na sa old school o golden age ng hip-hop, garantisadong mamamangha ka mula umpisa hanggang katapusan. Si Shadybeats ang nag-produce ng ilang mga kanta dito. Shout out sayo pati sa iba pang mga nag-ambag ng instrumental (pakilagay nalang sa comments section kung sino).

   Perpektong kombinasyon ba ng lirisismo at produkyson ang hanap mo? Pwes, hindi ka magsisisi sa The Boom Bap Hangover ni Drexx Lira. Meron nanamang madadagdag ang Dongalo Wreckords sa mga makasaysayang proyekto na nilabas nila. Walang kanta na pwedeng I-skip. Bawat isa ay may inaalay na bago habang nananatili ang respeto sa tradisyon ng hip-hop. Mapapakinggan niyo na ‘to sa YouTube, Spotify, at iba pang streaming platforms. Nag-labas din ng mga pisikal ng kopya kaso naubos agad. Ganyan katindi ang Dongalo!



MORE FROM THE AUTHOR

READ NEXT